Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Pahayag ni Marcos sa pagtaas ng presyo ng bigas sumasalungat sa EO

WHAT WAS CLAIMED

Noong Set. 4, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos na ang tanging dahilan ng pagtaas ng presyo ng bigas ay ang pagmamanipula ng presyo ng mga smuggler at hoarder.

OUR VERDICT

Flip-flop:

Tinukoy ng Executive Order No. 39 na may petsang Agosto 31 ang “mga pandaigdigang kaganapan” na wala sa kontrol ng bansa, tulad ng giyera sa Russia-Ukraine, ang ban ng India sa pag-angkat ng bigas at ang pa bago-bagong presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, na nakaimpluwensya sa pagtaas ng presyo, bukod sa smuggling at hoarding.

By VERA Files

Sep 11, 2023

3-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Sa isang talumpati kamakailan, muling sinisi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga smuggler at hoarder bilang mga tanging dahilan ng pagtaas ng presyo ng bigas, na sumasalungat sa kanyang naunang utos na binanggit ang iba pang pandaigdigang salik na nagpapataas ng mga presyo.

PAHAYAG

Bago umalis ng Maynila noong Set. 4 para dumalo sa 43rd ASEAN Summit sa Jakarta, Indonesia, nagtalumpati si Marcos at sinabing:

Sa lahat ng pag-aaral ng Department of Agriculture [DA] at lahat ng ibang ahensya ng pamahalaan, hindi namin makita ang magagandang dahilan kung bakit tataas ang presyo ng bigas ng ganito na lumalagpas ng singkwenta pesos ang bawat isang kilo. Ngayon, sa pag-aaral namin ang dahilan lamang dito ay talagang nandiyan ang mga smuggler at saka ang mga hoarder.”

 

Pinagmulan: RTVMalacañang, Departure Statement for Participation to the 43rd ASEAN Summit and Related Summits 09/04/2023, Set. 4, 2023, panoorin mula 5:09 hanggang 5:42

ANG KATOTOHANAN

Ito ay sumasalungat sa Executive Order (EO) No. 39 ni Marcos na binanggit ang ulat mula sa DA at Department of Trade and Industry na ang “global events” ay nakaimpluwensya rin sa pagtaas ng presyo.

Infographic Flip Flop: Taliwas sa executive order ang pahayag ni Marcos tungkol sa pagtaas ng presyo ng bigas

Ang mga kaganapan tulad ng Russia-Ukraine conflict, ang ban ng India sa rice exportation at ang unpredictability ng presyo ng langis sa world market ay kabilang sa mga salik na binanggit sa order, bukod sa hoarding at smuggling.

Nilagdaan noong Ago. 31 ni Executive Secretary Lucas Bersamin, ang EO No. 39 ay nagpapataw ng price ceiling na P41 kada kilo ng regular-milled at P45/kg para sa well-milled na bigas upang labanan ang “nakakaalarmang pagtaas” sa presyo na retail ng pangunahing pagkain.

Ipinatupad ang price cap sa buong bansa noong Set. 5 sa kabila ng batikos mula sa ilang mambabatas, ekonomista at grupo ng mga magsasaka.

Sa isang pahayag noong Set. 2, sinabi ng Foundation for Economic Freedom na ang price cap ay “makapipinsala sa mga mamimili dahil ito ay magtutulak ng supply papalayo sa merkado, hahantong sa isang black market para sa bigas, maging sanhi para dayain ng mga mangangalakal ang mga mamimili.”

Ilang senador din ang nagsabi na hindi kailangan na magpataw ng price ceiling at hinimok ang administrasyon na hulihin na lamang ang mga rice hoarder.

 

May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).

 

Mga Pinagmulan

Official Gazette of the Philippines, Executive Order No. 39, s. 2023, Aug. 31, 2023

Foundation for Economic Freedom, STATEMENT | Cut Tariff Rates for Rice Imports to Reduce Rice Prices, Not Mandate Price Caps, Sept. 2, 2023

Senators reaction to the mandate rice cap

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.