Sa kanyang vlog noong Okt. 7, sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos na ang price cap sa bigas na iniutos niya noong Ago. 31 ay nagpatatag sa mga presyo ng mga pangunahing bilihin. Wala itong basehan.
(Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Bakit may P41 price cap kung ‘malapit na’ ang P20 kada kilo ng bigas?)
PAHAYAG
Bilang reaksyon sa mga resulta ng survey kamakailan na nagpapakita ng pagbaba sa kanyang approval rating, sinabi ni Marcos na ang kanyang sinusubaybayan ay hindi resulta ng survey kundi ang presyo at suplay ng bigas sa bansa na nakaaapekto sa populasyon. Sinabi niya:
“‘Yan ang tunay na panukal kung talagang tama ang ating ginagawa at nakikita naman natin sa resulta – pag-stabilize ng presyo dahil sa price cap at sa pagtanggal ng price cap at sunod na d’yan ‘yung ating ibang mga stratehiya para tulungan ang ating mga farmer para naman hindi naman nalulugi ang ating mga magsasaka.”
Pinagmulan: Bongbong Marcos Official YouTube Channel, BBM VLOG #250: Libreng Bigas | Bongbong Marcos, Okt. 7, 2023, panoorin mula 3:43 hanggang 4:01
Ang vlog ay nailathala isang araw matapos ipamahagi ni Marcos ang P42-milyong halaga ng nakumpiskang smuggled rice sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program sa Aklan at Capiz.
ANG KATOTOHANAN
Walang binanggit si Marcos na anumang batayan para suportahan ang kanyang pahayag na ang presyo ng bigas ay naging matatag bunga ng price cap, na iniutos niya noong Ago. 31 sa pamamagitan ng Executive Order No. 39.
Gayunpaman, iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong Okt. 5 na hindi pa masasabi ng ahensya nang may katiyakan na mayroong anumang “causality” ang utos sa retail prices ng bigas. Nang tanungin sa isang briefing kung nabigo ang price cap na ibaba ang mga presyo ng bigas dahil sa mataas na inflation rate, sinabi ni PSA Undersecretary Dennis Mapa, “Ito ay isang tanong sa pananaliksik na pag-aaralan ng mga mananaliksik batay sa mga datos na aming kinokolekta.”
Sa parehong briefing, sinabi ng PSA na ang inflation rate para sa bigas ay umabot sa 17.9% noong Setyembre, higit doble sa rate noong Agosto, na naitala sa 8.5%. Sinabi nitong ito ang pinakamataas sa loob ng 14 na taon, o mula noong Marso 2009 na nagkaroon ng 22.9% rice inflation rate.
“Ipinakita mismo ng datos sa PSA na tumaas ang presyo ng bigas. Hindi lang iyan, tumaas din ang CPI (consumer price index),” ani Luisito Abueg sa pinaghalong English at Filipino. Si Abueg ay isang assistant professor ng economics sa College of Economics and Management sa University of the Philippines Los Baños.
Ipinunto pa niya na hindi tinugunan ng price cap ang magkakahiwalay na katangian ng sektor ng agrikultura, na nagbibigay-daan sa mga distributor ng bigas na makopo ang karamihan sa mga kita sa merkado sa pamamagitan ng pagbili sa mababang presyo są farmgate at pagbebenta ng butil sa mga retailer sa mas mataas na mark-up.
“Alam na alam natin mula sa elementary economics na ang anumang interbensyon ng gobyerno sa merkado ay distortionary. Ito ay isang kawalan sa lipunan sa kabuuan. Sa ngayon, dehado ang [rice] producers natin,” paliwanag ng ekonomista.
“Kung gusto mong ibaba ang mga presyo, dapat mong puntiryahin ang mga may pinakamalaking kontrol sa sistema, at iyon ang bahagi ng distribution.”
BACKSTORY
Sa pagbanggit sa pangangailangang “pagaanin ang economic strain” dala ng pagtaas ng presyo ng mga retail na bigas, ipinag-utos ni Marcos ang price ceiling na P41 kada kilo para sa regular-milled rice at P45 kada kilo para sa well-milled rice.
Sa 2,601 regular-milled rice varieties na nasubaybayan ng PSA, 24.61% lamang o 640 ang pumasok sa P41 price cap. Para sa well-milled rice, 19.64% o 687 sa 3,948 well-milled rice varieties ang sumunod sa P45 price cap, ayon sa datos na nakalap mula sa field offices ng PSA.
May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).
Mga Pinagmulan
On the distribution of P42-million worth of smuggled rice
- Inquirer.net, Bongbong Marcos distributes seized rice to Cavite 4Ps beneficiaries, Sept. 22, 2023
- CNN Philippines, Distribution of confiscated rice underwent ‘right process’ – Marcos, Sept. 26, 2023
- GMA News Online, Marcos: Distribution of smuggled rice to beneficiaries went through right process, Sept. 26, 2023
Presidential Communications Office, Talumpati ni President Ferdinand R. Marcos Jr. sa pamamahagi ng iba’t ibang tulong ng pamahalaan sa Tangalan, Aklan, Oct. 6, 2023
Official Gazette of the Philippines, Executive Order No. 39, Aug. 31, 2023
Philippine Statistics Authority, Press Conference September 2023 Inflation Report, Oct. 6, 2023
Philippine Statistics Authority, Philippine Inflation Rate for All Income Households – September 2023, Oct. 6, 2023
Assistant Professor Luisito Abueg (UPLB College of Economics and Management), Personal communication (interview), Oct. 13, 2023
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)