Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Romualdez nanliligaw sa pahayag na ang price ceiling na itinakda ni Marcos ay nakaapekto sa pandaigdigang pamilihan

WHAT WAS CLAIMED

Bumagsak ng 21% ang presyo ng bigas sa world market kasunod ng pagpataw ni Pangulong Ferdinand Marcos ng price ceiling sa bigas.

OUR VERDICT

Nakaliligaw:

Ang pinakahuling ulat ng price index mula sa Food and Agricultural Organization (FAO) ng United Nations ay nagpapakita na ang All Rice Price index ay tumaas noong Agosto 2023 na umabot sa 142.4 puntos, na 9.8% na mas mataas kaysa sa nakaraang buwan at 31.2% higit pa kaysa sa halaga nito noong nakaraang taon.

By VERA Files

Sep 21, 2023

5-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Sa isang press release na inilathala sa kanyang Facebook page, sinabi ni House Speaker Martin Romualdez na ang “malaking pagbaba ng presyo ng bigas sa pandaigdigang merkado” ay bahagyang dahil sa pagpapatupad ng local price ceiling.

Ito ay nakaliligaw.

PAHAYAG

Sa isang Facebook post noong Set. 7, ibinahagi ni Romualdez ang litrato ng isang graph na umano’y nagpapakita ng pagbaba sa pandaigdigang presyo ng bigas at may headline na nagsasabing:

“Price of rice in [the] world market plummets by 21 percent following [the] price ceiling”

(“Presyo ng bigas sa world market bumaba ng 21 porsiyento kasunod ng price ceiling.”)

Kasama sa litrato ang isang excerpt mula sa isang opisyal na press release na sumipi kay Romualdez na nagsasabing:

“This remarkable development marks a significant shift in our agricultural landscape and offers hope for our local consumers […]

(“Ang kahanga-hangang development na ito ay nagtatakda ng isang makabuluhang pagbabago sa ating agricultural landscape at nagbibigay ng pag-asa para sa aming mga lokal na mamimili […]

Napatunayan na ang [Executive Order] 39 ni Pangulong (Ferdinand) Bongbong R. Marcos Jr. ay nagtakda ng kapuri-puring resulta hindi lamang sa ating bansa, (kundi sa buong mundo rin). Tayo ay umaasa na magtuloy-tuloy na ang pagbaba ng presyo ng bigas.”)

Binanggit sa press release ang datos mula sa “U.S.-based Market Insider” na nagsasabing bumaba ang presyo ng bigas sa world market mula $384 kada metriko tonelada noong nakaraang Hulyo hanggang $332.4 noong Setyembre.

ANG KATOTOHANAN

Ayon sa Food and Agricultural Organization (FAO) ng United Nations, tumaas ang All Rice Price Index noong Agosto 2023 na umabot sa 142.4 puntos. Ito ay 9.8% na mas mataas kaysa sa nakaraang buwan at 31.2% na mas mataas kaysa sa nakaraang taon.

QUOTE CARD FACT CHECK: Nakaliligaw ang pahayag ni Romualdez na naapektuhan ng pagpapatupad ng price ceiling sa bigas ang pandaigdigang presyo nito
Ang graph na ginamit ni Romualdez sa kaniyang Facebook post ay nagpapakita ng presyo ng palay sa hinaharap, hindi ang sa kasalukuyan.

Ayon sa Sept. 8 report ng Food and Agricultural Organization (FAO) ng United Nations, tumaas ang presyo ng bigas ng 9.8% nitong Agosto kaysa  sa nakaraang buwan at mas mataas pa ng 31.2% kumpara noong 2022.

Ang pinakabagong ulat ng price index ay inilabas noong Set. 8, isang araw pagkatapos ibahagi ni Romualdez ang press release. Ang FAO ay hindi pa naglalathala ng komprehensibong ulat sa All Rice Price Index para sa Setyembre.

Sa isang blog post, sinabi ng ekonomista at dating Economic Planning secretary na si Solita “Winnie” Monsod: “Walang ganoong bagay na ‘presyo ng bigas sa pandaigdigang merkado’ … Mayroon lamang pangkalahatang price indices, at ang mga presyo ng pag-export ng mga pangunahing exporting countries.”

Ang update ng FAO Rice Price ay nagbibigay ng “buwanang presyo ng pag-export ng bigas mula sa mga pangunahing pinagmulan” at ang ulat ng All Rice Price Index ay nagpapakita ng weighted trade shares ng apat na uri ng bigas: Indica, Aromatics, Japonica, at Glutinous.

Ayon sa isa pang ekonomista at propesor na si JC Punongbayan, ang graph na ginamit sa Facebook post ni Romualdez ay hindi nagpapakita ng kasalukuyang presyo ng bigas kundi ng ang mga presyo sa hinaharap ng magaspang na bigas (palay).

Ipinaliwanag ni Monsod na ang rough rice futures ay tumutukoy sa “tradable, standardized na kontrata para tumanggap o mag deliver ng partikular na dami ng rough rice (palay) sa hinaharap, sa pinagkasunduaang presyo.” Ang mga ito ay kinakalakal sa Chicago Board of Trade sa ilalim ng Chicago Mercantile Exchange group.

BACKSTORY

Noong Ago. 31, nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang EO No. 39 na nagpapataw ng price ceiling na P41 kada kilo ng regular-milled at P45/kg para sa well-milled rice upang kontrahin ang “nakakaalarmang pagtaas” sa mga retail na presyo ng food staple.

(Basahin ang VERA FILES FACT CHECK: Marcos’ claim on surge in rice prices contradicts EO)

Ipinatupad ang price cap sa buong bansa noong Set. 5 sa kabila ng batikos ng ilang mambabatas, ekonomista at grupo ng mga magsasaka.

Noong Set. 11, inamin ni Finance Secretary Benjamin Diokno na hindi kinonsulta ang economic team sa pagpapatupad ng price cap sa bigas. Gayunpaman, ibinigay niya ang kanyang suporta sa desisyon ng pangulo.

Sa isang panayam noong Set. 13, sinabi noo’y Finance undersecretary Cielo Magno na ang ipinataw ng gobyerno na price ceiling ay malamang na mauwi sa shortage at black market ng bigas. Sinabi ni Magno na hiniling kanyang pagbibitiw dahil umano sa isang post sa social media na kumukuwestiyon sa price cap sa bigas ni Marcos.

Noong Set. 19, ipinagtanggol ni Marcos ang desisyon, na ipinaliwanag na ang mga bansa tulad ng China, Singapore, Thailand at Indonesia ay nakikipagkarera upang madagdagan ang kanilang supply ng bigas bago ang tagtuyot, kaya’t nagtaasan ang presyo.

“Kaya’t sabay-sabay silang bumibili, sumasabay din ang pag-akyat ng bigas. Kaya’t kailangan natin lagyan nga ng price cap,” paliwanag niya.

 

May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).

 

Mga Pinagmulan

Food and Agriculture Organization of the United Nations, FAO Rice Price Update, Sept. 8, 2023

As I See It, Price of Rice in the World Market? No Such Thing, Sept. 11-17, 2023

JC Punongbayan X(Twitter) page, First, the graph shows rice *futures* prices, Sept. 7, 2023

Senators reaction to the mandate rice cap

Economic team not consulted about the price cap

Department of Finance, Diokno: Econ team backs rice price cap as crucial stop-gap solution to provide immediate relief; proposes additional measures, Sept. 11, 2023

GMA Integrated News, Former DOF Usec Cielo Magno sa kanyang resignation | The Mangahas Interviews, Sept. 13, 2023

Radio Television Malacañang – RTVM, Distribution of BOC Confiscated Smuggled Rice NFA Warehouse, Brgy. San Roque, Zamboanga City September 19, 2023, Sept. 19, 2023

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.