Ang pahayag ni Sen. Juan Edgardo “Sonny” Angara na pakiramdam ng mga Pilipino na sila ay “mas ligtas” ay hindi naaayon sa mga resulta ng survey sa buong bansa. Ito habang 11 mga human rights expert ng United Nations (UN) ang humihiling ng isang pagsisiyasat sa “mga paglabag sa karapatang pantao” sa bansa.
PAHAYAG
Sa isang panayam Hunyo 10 sa CNN Philippines, tinanong si Angara kung sang-ayon siya sa naging pahayag ng mga human rights expert ng UN tatlong araw ang nakaraan na may “matinding pagyurak sa mga karapatang pantao sa Pilipinas.”
Sinabi ng muling inihalal na senador:
“Perhaps, perhaps. But–you know there’s also–people have talked about that but they also talk about the increase in the well-being of people. People also say they feel safer, ‘di ba (right)? They feel safer going home at night. So that’s also a human right, ‘yung (their) well-being. So maybe it’s striking the right balance.”
“(Marahil, marahil. Ngunit — alam mo may mga tao rin — mga taong nagsalita tungkol dito ngunit binanggit din nila ang pag unlad ng kapakanan ng mga tao. Sinasabi rin ng mga tao na mas ligtas ang pakiramdam nila, di ba? Mas ligtas sila sa pag uwi sa gabi. Kaya’t ito rin ay isang karapatang pantao, ‘yung (kanilang) kagalingan. Kaya marahil ito paghahanap tamang ng tamang balanse.)”
Pinagmulan: CNN Philippines, ‘The Source’ speaks to Sonny Angara, Hunyo 10, 2019, panoorin mula 19:14 hanggang 19:36
ANG KATOTOHANAN
Ang mga pinakahuling resulta ng survey ng isang independiyenteng pollster ay hindi sumusuporta sa pahayag ni Angara.
Higit sa kalahati o 54% ng mga Filipino adult sa buong bansa ang takot maglakad sa mga kalye sa gabi “dahil hindi ito ligtas,” ayon sa isang survey ng Social Weather Stations (SWS) na ginawa noong Disyembre ng nakaraang taon at inilabas noong Peb. 22.
Ito ay walong percentage points na mas mataas sa 46% na naitala ng SWS sa una, ikalawa, at ikatlong quarter na survey sa nakaraang taon.
Ang mga resulta ng survey sa ika-apat na quarter ang pinakamataas mula noon at kapareho ng mga resulta ng poll noong Disyembre 2016, na umabot din ng 54%, ayon sa SWS.
Ang pinakahuling poll ay isinasagawa sa pamamagitan ng mga face-to-face interview ng 1,440 na mga Filipino adult sa buong bansa at mayroong margin of error na ± 2.6%. Nangangahulugan na may mataas na posibilidad na ang porsiyento ng mga Pilipino na “natatakot na lumakad sa kalye sa gabi dahil hindi ito ligtas” ay nasa pagitan ng 51.4% at 56.6%.
Ang “pampublikong pagkabalisa tungkol sa kaligtasan ng mga bahay at mga kalye sa komunidad” ay isa sa dalawang mga module kaugnay ng kaligtasan ng publiko na regular na tinatalakay ng mga SWS survey mula noong 1986. Sinisilip ng ikalawang module ang pagbiktima sa mga pamilya ng mga pangkaraniwang krimen. Ang mga survey na ito ay hindi kinomisyon at ginagawa bilang “pampublikong serbisyo,” ayon sa SWS.
Ang 11 UN human rights experts, kabilang si Special Rapporteur on extrajudicial, summary or arbitrary killings Agnes Callamard, ay humingi ng independiyenteng imbestigasyon sa bansa “dahil sa laki at kalubhaan ng mga naulat na paglabag sa karapatang-tao.”
Sa isang pahayag noong Hunyo 7, sinabi nila:
“We have recorded a staggering number of unlawful deaths and police killings in the context of the so-called war on drugs, as well as killings of human rights defenders. Very few independent and effective investigations have taken place, independent media and journalists are threatened, the law has been weaponised to undermine press freedom, and the independence of the judiciary is undermined.”
“(Naitala namin ang napakalaking bilang ng mga labag sa batas na pagkamatay at pagpatay ng mga pulis sa konteksto ng tinatawag na digmaan kontra droga, gayundin ang mga pagpatay ng mga tagapagtanggol ng karapatang pantao. Iilan ang mga independiyente at epektibong imbestigasyon ang nangyari, ang mga independyenteng media at mamamahayag ay tinatakot, ang batas ay ginagamit upang sirain ang malayang pamamahayag, at ang kalayaan ng hudikatura ay pahinain.)”
Samantala, isang hiwalay na survey ng SWS na isinagawa noong Disyembre 2018 ang nagpakita rin na dama ng mga tao na sila ay hindi ligtas, salungat sa pahayag ni Angara.
Ang survey na ito na inilabas noong Marso 1 ay nagpakita na 42% ng mga Filipino adult sa buong bansa ay “masyadong nag-aalala” habang 36% ay “medyo nag-aalala” na sila o isang taong kilala nila ay magiging biktima ng mga extrajudicial killing.
Ang damdaming ito ay bumabalik sa 2017, tulad ng ipinakita sa isang Pulse Asia poll sa kampanya ng gobyerno laban sa mga iligal na droga na isinagawa noong Setyembre, ang pinakahuli nitong magagamit na survey tungkol dito.
Ang tanong ay nasa konteksto ng pagkakapatay sa teenager na si Kian delos Santos, na paulit-ulit na binaril sa isang operasyon ng mga pulis kontra droga sa Caloocan City noong Agosto ng taong iyon. Ang mga tumutugon ay tinanong kung sila ay nag-aalala na sila o isang taong kilala nila ay “maaaring abutin ang parehong kapalaran” dahil sa giyera laban sa droga.
Apatnapu’t tatlong porsiyento ng mga nakakaalam ng kaso ni delos Santos ang nagsabi na sila ay “lubhang nag-aalala” habang 34% ang nagsabing sila ay “medyo nag-aalala.”
Mga Pinagmulan
CNN Philippines, ‘The Source’ speaks to Sonny Angara, June 10, 2019
CNN Philippines, ‘Don’t dictate: Angara tells UN to respect PH sovereignty amid call for human rights probe, June 10, 2019
Social Weather Stations, Fourth Quarter 2018 Social Weather Survey: Families victimized by common crimes rise to 7.6%, Feb. 22, 2019
Social Weather Stations, First Quarter 2018 Social Weather Survey: Families victimized by any of the common crimes at 6.6%, June 21, 2018
Social Weather Stations, Second Quarter 2018 Social Weather Survey: Victimization by any crime falls to 5.3%, Sept. 20, 2018
Social Weather Stations, Third Quarter 2018 Social Weather Survey: Families victimized by common crime rise to 6.1%, Nov. 29, 2018
Inquirer.net, Surveys of public safety, Aug. 20, 2016
United Nations Office of the High Commissioner on Human Rights, UN human rights experts call for independent probe into Philippines violations, June 7, 2019
Social Weather Stations, Fourth Quarter 2018 Social Weather Survey: 78% of Pinoys worry about becoming victims of ‘extrajudicial killings’ or EJK, March 1, 2019
Pulse Asia, Pulse Asia Research’s September 2017 Nationwide Survey on the Campaign Against Illegal Drugs, Oct. 16, 2017