Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Pahayag ni Bato Dela Rosa na ‘hindi sinuri maigi’ ng ng oposisyon ang ‘confidential funds’ ng OVP sa ilalim ni Robredo nangangailangan ng konteksto

WHAT WAS CLAIMED

Tahimik ang oposisyon at hindi binusisi ang confidential at intelligence funds noong si Leni Robredo ang bise presidente.

OUR VERDICT

Kailangan ng konteksto:

Ang Office of the Vice President sa ilalim ni Leni Robredo ay walang confidential at intelligence funds mula 2016 hanggang sa katapusan ng kanyang termino noong 2022, batay sa Annual Audit Reports ng Commission on Audit.

Tinukoy ang mga ulat ng COA, nilinaw ni Sen. Risa Hontiveros ng oposisyon na ang kritisismo sa confidential funds ni Vice President Sara Duterte ay hindi isang personal na pag-atake sa kanya kundi tungkol sa napakalaking halaga at maling paggasta ng mga pondo.

By VERA Files

Oct 6, 2023

5-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Binabatikos ang mga mambabatas ng oposisyon na kumukuwestiyon kung paano ginamit ni Vice President Sara Duterte ang P125-million confidential funds (CF) ng Office of the Vice President (OVP) noong 2022, sinabi ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa na hindi sila ganoon ka-metikuloso ang pagsusuri sa CF ng OVP noong si Leni Robredo ang bise presidente. Ito ay nangangailangan ng konteksto.

PAHAYAG

Sa panayam ng TeleRadyo Serbisyo 630 noong Okt. 1, sinabi ni Dela Rosa:

“Pamumulitika. Eh, hindi naman lumabas ‘yung isyung ‘yan noon noong panahon nung ang vice president ay miyembro ng opposition, ‘no? Tahimik naman itong opposition pagdating sa pagtalakay ng confidential at intelligence funds na ‘yan. […] Pero sa panahon nila, noong si Vice President Leni Robredo nakaupo sa Office of the Vice President, tahimik naman itong opposition, hindi naman nila kinakalkal ‘yan, pero ngayon, masyadong maingay.”

 

Pinagmulan: Radyo 630 Official YouTube Channel, Radyo 630 – Official Livestream (Oktubre 1, 2023), Okt. 1, 2023, panoorin mula 1:59:52 hanggang 2:00:36

Sinasagot ni Dela Rosa ang political correspondent ng ABS-CBN na si RG Cruz, na nagtanong sa senador, isang kaalyado ni Duterte, kung ano ang masasabi niya sa mga isyung nakapalibot sa P125-million OVP CF, na nagamit sa huling 11 araw ng 2022.

Tinanong din ni Cruz si Dela Rosa kung dapat sagutin ni Duterte ang mga isyung bumabagabag sa kanyang opisina, o kung ito ay isang kaso ng pamumulitika na maaaring makaapekto sa pag-asa ng bise presidente sa presidential race sa 2028.

Sinabi ng senador na hindi lamang oposisyon ang interesado sa isyu, kundi maging ang mga maaaring maapektuhan ng posibilidad na tumakbo ni Duterte para sa pinakamataas na posisyon sa bansa.

ANG KATOTOHANAN

Ang OVP, sa ilalim ni Robredo, ay walang confidential at intelligence funds mula 2016 hanggang sa katapusan ng kanyang termino noong 2022, batay sa taunang mga audit report ng Commission on Audit.

FACT CHECK: Kailangan ng konteksto ang sinabi ni Bato Dela Rosa na ‘hindi binusisi’ ang ‘confidential funds’ ng OVP ni Robredo Walang confidential at intelligence funds (ang OVP mula 2016 hanggang matapos ang termino ni Robredo noong 2022, base sa annual audit reports ng Commission on Audit.

Inulit ni Sen. Risa Hontiveros, mambabatas ng oposisyon mula noong 2016, ang laman ng mga audit report sa press conference kasama ng mga mamamahayag sa Senado noong Okt. 2.

Sinabi niya: “Well, walang bumanat sa confidential funds ni dating VP Leni dahil wala siyang confidential funds. At ‘yung pagbanat na ‘yun sa confidential funds ni VP Sara ay hindi pagbanat sa persona ni VP Sara. Pagbanat siya doon sa sobrang laki at wala sa lugar na confidential funds.”

Habang ang OVP sa ilalim ni Robredo ay walang CIF, ang opisina ay nag-ulat ng extraordinary at miscellaneous expenses na hindi hihigit sa P550,000 bawat taon mula noong 2016.

Ang mga extraordinary at miscellaneous expenses ay inilalaan para sa mga pagpupulong, seminar, at mga kumperensya, mga membership sa mga organisasyon ng gobyerno, mga propesyonal na organisasyon kinikilala ng Professional Regulations Commission, o membership sa Integrated Bar of the Philippines, subscription services para sa informative materials, kasama ng iba pa.

Hindi kasama dito ang pambayad sa “suweldo, sahod, allowance, confidential at intelligence funds,” batay sa general provisions ng mga nakaraang General Appropriation Acts, o ang taunang programa sa paggasta ng pamahalaan.

BACKSTORY

Nagpasya ang mga lider ng House of Representatives na i-reallocate ang P650-million CF ng OVP at ng Department of Education, na parehong pinamumunuan ni Duterte, sa mga ahensyang pangunahing responsable pagprotekta sa interes ng bansa sa West Philippine Sea.

Ito ay matapos malantad sa budget hearings na ang OVP ay gumastos ng P125-milyong confidential funds sa loob ng 11 araw, hindi 19, gaya ng naunang iniulat. Kinukwestiyon din ang legalidad ng paglilipat ng P221.42 milyon, kabilang ang P125 milyon na confidential funds, mula sa Contingent Fund ng Office of the President na ibinigay sa OVP noong Disyembre 2022.

 

May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).

 

 

Mga Pinagmulan

Radyo 630 Official YouTube Channel, Radyo 630 – Official Livestream (October 1, 2023), Oct. 1, 2023

Commission on Audit Annual Audit Reports of the OVP during Robredo’s term

Commission on Audit, COA Circular No.85-55A, Sept. 8, 1985

General Appropriation Acts of the Duterte administration

Senate of the Philippines, Transcript of interview of Senator Risa Hontiveros with Senate Media, Oct. 2, 2023

GMA News Online, House to realign OVP, DepEd confidential funds to security forces, Sept. 27, 2023

Manila Bulletin, House leader confirms plan to realign P650-M OVP, DepEd confidential funds, Sept. 27, 2023

Inquirer.net, Guardians of WPS to get VP Duterte’s secret funds – House, Sept. 28, 2023

On 11 days

On 19 days

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.