Sinabi ni Sen. Imee Marcos na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay nag-“veto spree” ng mga panukalang batas dahil sa “hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng lehislatura at Malacañang.” Ito ay nangangailangan ng konteksto.
PAHAYAG
Kasunod ng pag-veto ng pangulo sa Bulacan Special Economic Zone bill noong Hulyo 1, sinabi ng kanyang nakatatandang kapatid na babae na iminumungkahi niya na magsagawa ng pagpupulong ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC), ngunit hindi ito nangyari.
Idinagdag niya:
“Nagkaroon tuloy ng veto spree sa iba pang panukalang dulot ng ‘di pagkakaunawaan ng lehislatura at Malacañang.”
Pinagmulan: Frontline Tonight, Umano’y ‘veto spree’ ni Pres. Marcos Jr., pinuna ni Sen. Imee Marcos, Agosto 4, 2022; GMA News Saksi, Sen. Imee Marcos, tinawag na veto spree ang pag-veto ng pangulo sa ilang panukalang batas, Agosto 4, 2022; DWIZNewsCenter Twitter account, Sen Imee Marcos: Noon pa ako nagpapatawag ng LEDAC Meeting nang ma-veto ang Bulacan Ecozone, pero walang nangyaring pulong. Nagkaroon tuloy ng veto spree sa iba pang panukala dulot ng di pagkakaunawaan ng lehislatura at Malacañang, Agosto 3, 2022
ANG KATOTOHANAN
Ipinakikita ng datos na nakuha ng VERA Files Fact Check mula sa House of Representatives na ang pangulo ang nag-veto ng pinakamaraming bilang ng mga panukalang batas sa kanyang unang 30 araw sa panunungkulan kumpara sa mga nauna sa kanya na sina Benigno Aquino III at Rodrigo Duterte.
Pangulo | Bilang ng mga panukalang batas na na-veto sa unang 30 araw sa panunungkulan | Ang bilang ng mga panukalang batas na hindi na-aksiyunan at naging batas sa unang 30 araw sa panunungkulan |
Benigno Aquino III | 0 | 2 |
Rodrigo Duterte | 2 | 53 |
Ferdinand Marcos Jr. | 5 | 33 |
Itinanggi ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles ang pahayag ng senador, at sinabing ang punong ehekutibo ay “pinagtutugma ang mga batas sa kasalukuyang sistema.”
Sa datos mula sa House of Representatives nakalista ang limang na-veto na panukalang batas bilang:
Panukala | Pamagat ng Panukala | Petsa ng veto |
House Bill 7575 | An Act Establishing the Bulacan Airport City Special Economic Zone and Freeport Province of Bulacan and Appropriating Funds Therefore | Hulyo 1, 2022 |
House Bill 9088/Senate Bill 2490 | An Act Strengthening the Office of the Government Corporate Counsel (OGCC) Further Professionalizing its Organization, Upgrading the Position Classification, Compensation, and Benefits of its Officials and Employees, and Appropriating Funds Therefore | Hulyo 22, 2022 |
House Bill 10554 | An Act Expanding the Franchise Area of Davao Light and Power Company, Inc., Amending for the Purpose Republic Act No. 11515 | Hulyo 27, 2022 |
House Bill 9030/Senate Bill 1077 | An Act Establishing the Philippine Transportation Safety Board, Defining its Powers and Functions, and Appropriating Funds Therefore | Hulyo 29, 2022 |
House Bill 9652/Senate Bill 2520 | An Act Exempting from Income Taxation the Honoraria, Allowances, and other Financial Benefits of Persons Rendering Service during Elections, Amending for the Purpose Section 32 (B)(7) of the National Internal Revenue Code of 1997 | Hulyo 29, 2022 |
Sa tatlong nakaraang panguluhan, ang administrasyong Duterte ang may pinakamaraming bilang ng mga panukalang batas na hindi naaksiyunan at naging batas, 53, sinundan ni Marcos Jr. na may 33, sa kanilang unang buwan sa panunungkulan, batay sa datos na ibinigay ng Kamara.
Inihayag ni Senate President Miguel Zubiri noong Agosto 2 na ang “ilang daang panukalang batas” ay hindi naaksiyunan at naging batas, habang sinabi ni Cruz-Angeles noong Agosto 3 na mayroong 41.
Nang tanungin kung bakit may iba’t ibang bilang ng mga panukala na hindi naaksiyunan at naging batas, sinabi ng Legislative Library Management Service ng Kamara sa isang email sa VERA Files Fact Check na ang database nito ay “batay sa mga panukalang batas na inihain ng House of Representatives at maaaring hindi kasama ang panukala ng Senado na walang katuwang na panukala ng House, kung mayroon man.”
“Kaugnay ng aming datos, ibinigay namin sa inyo ang lahat ng natanggap, naproseso, at magagamit sa aming database ng LEGIS oras na natanggap namin ang iyong kahilingan,” idinagdag nito.
Sa oras ng pag-post, ang Senado ay hindi pa nagbibigay sa VERA Files Fact Check ng hiniling na rekord ng mga panukala na hindi naaksiyunan at naging batas sa unang 30 araw ng panunungkulan nina Pangulong Aquino, Duterte, at Marcos Jr.
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga Pinagmulan
Sinabi ni Sen. Imee Marcos na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay nag-“veto spree” ng mga panukalang batas
- Frontline Tonight, Umano’y ‘veto spree’ ni Pres. Marcos Jr., pinuna ni Sen. Imee Marcos, Agosto 4, 2022
- GMA News Saksi, Sen. Imee Marcos, tinawag na veto spree ang pag-veto ng pangulo sa ilang panukalang batas, Agosto 4, 2022
- DWIZNewsCenter Twitter account, Sen Imee Marcos: Noon pa ako nagpapatawag ng LEDAC Meeting nang ma-veto ang Bulacan Ecozone, pero walang nangyaring pulong. Nagkaroon tuloy ng veto spree sa iba pang panukala dulot ng di pagkakaunawaan ng lehislatura at Malacañang., Agosto 3, 2022
Senate of the Philippines, Senate Session No. 5, Agosto 2, 2022
ABS-CBN News, Palace denies alleged Marcos veto spree, Agosto 3, 2022
RTVMalacañang, Press Briefing of Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, Agosto 3, 2022
People’s Television Network Twitter account, TINGNAN: Listahan ng mga panukalanang nag-lapse into law at vetoed bills, inilabas ng Malacañang., Agosto 3, 2022
House of Representatives, Personal communication (email), Agosto 11, 2022
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)