Ginunita ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. ang anibersaryo ng pagkubkob sa Marawi kamakailan sa pamamagitan ng pagtatanggol sa giyera ng gobyerno laban sa droga.
PAHAYAG
Sa ikatlong anibersaryo ng pagkubkob sa Marawi noong Mayo 23, in-retweet ni Locsin ang isang screenshot ng pahayag ng Palasyo sa Twitter na may caption:
“THE SIEGE OF MARAWI was triggered by the service of a warrant of arrest on an Islamic drug lord. Just so everybody knows why we are AT WAR WITH THE DRUG TRADE—it is a national security threat even if NGOs on the drug trade payroll insist it violates a human right to deal drugs.
(ANG SIEGE NG MARAWI ay nagsimula sa paghatid ng warrant of arrest sa isang Islamic drug lord. Para malaman ng lahat kung bakit tayo NAKIKIPAG-GIYERA SA DRUG TRADE — ito ay isang banta sa seguridad ng bansa kahit na iginigiit ng mga NGO na nasa payroll ng bawal na gamot na ang giyerang ito ay labag sa karapatang pantao.)”
Pinagmulan: Teodoro Locsin Jr. official Twitter account, THE SIEGE OF MARAWI…, Mayo 23, 2020
Noong Set. 28, 2019, sa 74th United Nations General Assembly, nagbitaw ng maling pahayag ang kalihim na ang pagkubkob ay “nagsimula sa pagtatangkang ihatid ang warrant of arrest sa pinuno ng Islamic jihad dahil sa drug trafficking.” (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Duterte, Locsin repeat claim Marawi siege caused by anti-drug ops)
Ang pahayag ni Locsin noong Setyembre 2019 ay isang pag-ulit ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Nobyembre 2018 na ang dahilan ng giyera sa Marawi ay “hindi isang hayagang pag-aalsa” kung hindi isang naudlot na drug raid. Inulit ni Duterte ang pahayag noong Oktubre ng nakaraang taon. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Duterte binago ang istorya ng Marawi, sinasalungat ang pagbibigay-katarungan sa martial law)
ANG KATOTOHANAN
Ang proklamasyon at ulat ni Duterte sa Kongreso na nagbibigay-katwiran sa paunang deklarasyon ng martial law sa Mindanao ay hindi binanggit ang anumang mga kaso ng droga na kinasasangkutan ng Abu Sayyaf sub-lider na si Isnilon Hapilon, na tinangkang arestuhin ng mga otoridad noong Mayo 23, 2017, dahil sa kidnapping for ransom.
Habang sinabi sa ulat ni Duterte sa Kongreso na ang grupong Maute, na katrabaho noon si Hapilon, ay tumatanggap ng pondo mula sa iligal na droga, pati na rin mula sa extremist na grupo na ISIS (Islamic State of Iraq and Syria), hindi nito partikular na binanggit si Hapilon na sangkot sa iligal na droga.
Noong Mayo 24, 2017, isang araw pagkatapos ng pagdeklara ng martial law, sinabi ng pangulo na ang magkapatid na Omar at Abdullah Maute, ang mga pinuno ng Maute group, ay dating mga opisyal ng pulis na “nahumaling” sa mga pera mula sa iligal na droga at nagtatag ng “pinakamalaking pabrika ng shabu (methamphetamine hydrochloride)” sa Lanao del Sur.
Makalipas ang ilang araw, itinanggi ng noo’y police chief Ronald “Bato” Dela Rosa na ang magkapatid na Maute ay dating mga pulis, at sinabing sila ay mga protektor ng mga drug lords at narco-politicians na, siya namang nagpopondo ng kanilang mga operasyon.
Ang nabigong pagtatangka na mahuli si Hapilon at ang magkapatid na Maute sa Marawi City ay humantong sa isang bakbakan, na “lumala at humantong sa lantarang giyera laban sa gobyerno.”
Pagkaraan ng mga dalawang linggo, noong Hunyo 6, 2017, nag-alok si Duterte ng P10-milyong gantimpala para sa “neutralisasyon” ni Hapilon na, ayon sa militar, ay mayroong isang outstanding warrant of arrest para sa kidnapping with ransom at serious illegal detention — hindi drug trafficking , tulad ng naunang pahayag ni Locsin.
Si Hapilon, na inilista bilang isang terorista ng United States at United Nations, ay hinahabol ng militar matapos itong makatanggap ng impormasyon na pinaplano nitong magtatag ng isang “wilayah” o probinsya ng ISIS sa Central Mindanao. Sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na si Hapilon ang itinalagang “emir” o pinuno sa Southeast Asia.
Nang panahong iyon, si Hapilon at iba pang mga grupo na kasapi ng ISIS ay naghahandang ilunsad ang pagkubkob sa Marawi. Sa pagtatanggol sa deklarasyon ng pangulo ng martial law sa harap ng Korte Suprema, sinabi ng Office of the Solicitor General (OSG) na ang pagkubkob ay magsisimula sana sa pagsunog ng lungsod noong Mayo 26, 2017.
Ngunit ang plano ng mga extremist groups, na magsisilbi bilang “hudyat” para simulan ng iba ang kanilang sariling “wilayah,” ay napaaga dahil sa pagtatangka ng pwersa ng estado na hulihin si Hapilon tatlong araw bago ang orihinal na plano, idinagdag ng OSG.
Sa kanyang ulat noong Mayo 25, 2017 sa Kongreso, isinaad ni Duterte ang mga naganap na pangyayari sa lungsod bago niya ideklara ang martial law:
“The cutting of vital lines for transportation and power; the recruitment of young Muslims to further expand their ranks and strengthen their force; the armed consolidation of their members throughout Marawi City; the decimation of a segment of the city population who resist; and the brazen display of DAESH flags constitute a clear, pronounced, and unmistakable intent to remove Marawi City, and eventually the rest of Mindanao, from its allegiance to the Government.
(Ang pagputol ng mga mahahalagang linya ng transportasyon at kuryente; ang pangangalap ng mga batang Muslim para mapalawak pa at palakasin ang kanilang mga puwersa; ang armadong pagsasama ng kanilang mga kasapi sa buong Marawi City; ang pagwasak ng isang bahagi ng populasyon ng lungsod na sasalungat; at ang bastusan na pagpapakita ng mga bandera ng DAESH ay isang malinaw, hayagan, at walang dudang hangarin na alisin ang Marawi City, at kalaunan ang buong Mindanao, katapatan nito sa Gobyerno.)”
Pinagmulan: Lawphil, GR 213658, Hulyo 4, 2017; Chan Robles Virtual Law Library, GR No. 231658, Hulyo 4, 2017, Supreme Court, G.R. 235935, Peb. 6, 2018
Noong Hunyo 2017, sa mga unang yugto ng pagkubkob sa Marawi, naagaw ng militar ang hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng milyun-milyong piso mula sa isang hideout ng Maute group, at mula sa bahay ng dating mayor ng Marawi.
Sa isang talumpati noong Set. 22 sa parehong taon, sinabi ni Duterte, “hanggang saan ginamit ang drogang ito upang mapalakas ang aktibidad ng terorista ay isang bagay na dapat nating alamin. Hanggang ngayon, hindi pa (hindi pa) – malabo,” batay sa isang transcript na nai-post ng MindaNews.
Isang araw bago nito, naglabas siya ng “matrix” na nag-uugnay sa mga umano’y narco-politician at mga drug lord — na hindi kasama si Hapilon — na umano’y nagpopondo sa Maute group na isakatuparan ang pagkubkob.
Sa pagtatapos ng buwan, sinabi ng pangulo na ang Abu Sayyaf Group ay tumanggap ng “ilegal na prangkisa ng droga” mula sa Bamboo triad, ang sindikato ng iligal na na droga na nakabase sa Taiwan.
Ang labanan sa pagitan ng mga puwersa ng estado at mga pangkat na kasapi ng ISIS sa Marawi ay tumagal ng halos limang buwan hanggang Okt. 17, 2017, isang araw matapos na ideklarang napatay sina Hapilon at Omar Maute sa pakikipaglaban sa mga tropa ng gobyerno.
Sa kabila ng pagtatapos ng pagkubkob, ang pagpapataw ni Duterte ng martial law sa lungsod ay tatlong beses na pinalawig ng Kongreso hanggang sa mapaso ito noong Disyembre 2019.
Mga Pinagmulan
Teodoro Locsin Jr. official Twitter account, THE SIEGE OF MARAWI…, May 23, 2020
Presidential Communications Operations Office, The President’s Report to the People 2016-2018, 2018
RTVMalacanang, 31st Cabinet Meeting (Speech) 11/06/2018, Nov. 6, 2018
RT, Putin, Ilham Aliyev, Abdullah II, Kassym-Jomart Tokayev and Rodrigo Duterte attend Valdai discussion, Oct. 3, 2019
Presidential Communications Operations Office, Duterte declares Martial Law in Mindanao, cuts short Russia trip MOSCOW, Russia, May 23, 2017
Office of the Solicitor General, OSG Consolidated Comment on Martial Law, June 12, 2017
Office of the Solicitor General, OPENING STATEMENT OF THE SOLICITOR GENERAL
Supreme Court, GR 2395935, Feb. 6, 2018
Lawphil, GR 21368, July 4, 2017
Chan Robles Virtual Law Library, GR No. 231658, July 4, 2017
Official Gazette, Proclamation No. 216, May 23, 2017
Rappler.com, How a military raid triggered Marawi attacks, May 29, 2017
United States Federal Bureau of Investigation, Isnilon Totoni Hapilon
United Nations, ISNILON TOTONI HAPILON
AFP hunting Hapilon as ISIS leader in Southeast Asia
- Rappler.com, ISIS makes direct contact with Abu Sayyaf, wants caliphate in PH, Jan. 26, 2017
- Manila Shimbun, Lorenzana claims terrorists planning ‘caliphate’ in Central Mindanao, Jan. 27, 2017
- Manila Standard, Abu leader expanding reach—DND, Jan. 27, 2017
RTVMalacanang, Talk to Men (Speech) 5/26/2017, May 24, 2017
UNTV, PNP chief, kinumpirmang narco-politicians ang nagpopondo at protektor ng Maute group, May 29, 2017
ABS-CBN News, Shabu haul seized from Maute lair, June 18, 2017
Alleged drugs seized from house of former Marawi mayor
- Inquirer.net, P10M worth of ‘shabu’ seized from ex-Marawi mayor’s house, June 23, 2017
- GMA News Online, Cops recover P10M worth of shabu from house of ex-Marawi mayor, alleged Maute financier, June 23, 2017
- CNN Philippines, Explosives seized from ex-Marawi mayor’s house , June 28, 2017
Mindanews, DUTERTE TRANSCRIPTS: Gathering with Davao Media, Davao City. 22 Sept 2017, Sept. 23, 2017
RTVMalacanang, Media Interview – Marawi City 9/21/2017, Sept. 22, 2017
Duterte claims Abu Sayyaf has drug franchise
- ABS-CBN News Online, Abu Sayyaf has ‘franchise’ of ‘Bamboo triad’, Duterte claims, Sept. 30, 2017
- Rappler.com, Duterte claims Abu Sayyaf has Bamboo triad ‘franchise’, Seopt. 29, 2017
- Manila Bulletin, Abu Sayyaf has illegal drugs franchise – Duterte, Sept. 29, 2018
Hapilon killed in Marawi siege
- Rappler.com, Top Marawi siege leaders killed in clashes, Oct. 16, 2017
- BBC, Philippines military ‘kills Islamist Isnilon Hapilon’, Oct. 16, 2017
- CNN Philippines, ‘Terrorists will crumble’: Military kills Isnilon Hapilon, Omar Maute, Oct. 16, 2017
House of Representatives, Special Session, July 22, 2017
House of Representatives, Resolution of Both Houses No. 4, Dec. 13, 2017
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)