Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Pahayag ni Lorenzana sa pagbili ng dalawang bagong frigate sa ilalim ng administrasyong Duterte nangangailangan ng konteksto

Kulang sa konteksto ang pahayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na ang pagkakaroon ng dalawang bagong frigate para sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ay nagsimula sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

By VERA Files

Mar 1, 2022

4-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Kulang sa konteksto ang pahayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na ang pagkakaroon ng dalawang bagong frigate para sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ay nagsimula sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

PAHAYAG

Sa pampublikong talumpati ni Duterte noong Peb. 21, iniulat ni Lorenzana ang mga update sa pagbili ng mga bagong kagamitan ng militar tulad ng mga barkong pandagat:

“Ito naman ‘yung ating naumpisahan, nagsimula noong kayo ay Presidente, Mr. President, at saka nakumpleto noong kayo ay ano — noong nakaraan lang … dalawang frigates na in-order natin noong 2017 at nai-deliver noong nakaraang taon.”

Pinagmulan: RVMalacanang, Talk to the People, Peb. 21, 2022, panoorin mula 1:22:51 hanggang 1:23:11 (transcript)

Sinabi ng defense chief na mas maraming kagamitan ang binili ng administrasyong Duterte para sa militar kaysa sa limang nakaraang administrasyon.

ANG KATOTOHANAN

Habang ang paghahatid ng dalawang bagong frigate para sa Philippine Navy ay sa panahon ng administrasyong Duterte, ang mga anunsyo ng gobyerno at mga ulat ng media ay nagpapakita na ang proseso ng pagbili ay nagsimula noong 2013, sa panahon ng administrasyon ng yumaong Pangulong Benigno Aquino III.

Nagsimula ang pag-bid para sa mga frigate noong Oktubre 2013 sa ilalim ng Frigate Acquisition Project (FAP) ng Navy na may P18-bilyong budget. Ito ay bahagi ng pinalawig na 15-taong modernization program ng militar upang palakasin ang kakayahan sa pagtatanggol sa teritoryo ng bansa.

Inihayag ni Ernesto Boac, dating pinuno ng Bids and Awards Committee ng Department of National Defense (DND), sa pagdinig ng Senado noong Pebrero 2018 na natapos na ang proseso ng bidding noong ikalawang linggo ng Hunyo 2016 sa ilalim ng pamumuno ni Defense Secretary Voltaire Gazmin ng administrasyong Aquino.

Ngunit ipinaliwanag ni Gazmin, na naroroon sa parehong pagdinig, na siya ay umiwas na “mag-isyu ng mga award o magsagawa ng mga kontrata” upang ang papasok na administrasyong Duterte na ang magdesisyon sa kontrata.

Sinimulan ng Senado ang pagdinig dahil sa umano’y interbensyon ng dating aide ni Duterte na naging senador, si Christopher Lawrence “Bong” Go, sa pagpili ng provider ng combat management system (CMS) para sa mga frigate. Ang CMS ay ang computer at software na nag-iintegrate ng lahat ng armas, data, sensor, at iba pang kagamitan ng barko sa isang sistema.

Gayunpaman, iginiit ni Harry Roque, ang noo’y tagapagsalita ng Malacañang, na hindi nakialam si Go sa pagpili ng CMS. Nangatuwiran din siya na ang administrasyong Duterte ay “gumanap lamang ng ministerial function sa pagbibigay ng Notice of Award sa nanalong bidder” para ipagawa ang mga frigate. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Pahayag ni Roque na ‘tanging’ si Duterte ang nakapagbigay ng mga bagong frigate sa AFP kulang ng konteksto)

Noong Oktubre 2016, iginawad ni Lorenzana ang kontrata para bumuo ng dalawang 2,600-tonnes na missile-capable frigates sa South Korean warship manufacturer na Hyundai Heavy Industries (HHI). Inihatid ng kumpanya ang unang frigate, na pinangalanang Barko ng Republika ng Pilipinas (BRP) Jose Rizal, noong Mayo 2020, at ang pangalawa, na pinangalanang BRP Antonio Luna, noong Pebrero 2021.

 

Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.

Mga Pinagmulan

RTVMalacanang, Talk to the People, Feb. 21, 2022, watch from 1:22:51 to 1:23:11 (transcript)

Initiation of frigates procurement

Start of procurement process

Philippine Navy, Rough Deck Log, May 2019

Department of National Defense, Annual Report 2019, 2019

Official Gazette, Republic Act No. 10349

Presidential Communications Operations Office, President Duterte vows for continuous AFP modernization, July 2, 2019

Philippine Navy, Rough Deck Log, June 2019

Senate of the CA approves appointment of Medialdea and Lorenzana, Oct. 19, 2016

Department of National Defense, Defense_Chronicle_Volume_3_Issue_3, 2019

Hyundai Heavy Industries, Sitemap, Oct. 24, 2016

ABS-CBN News, WATCH: Senate investigates Navy frigate deal, Feb. 18, 2018

Go on frigates deal hearing

Lockheed Martin, The Brains of a ship, Accessed June 18, 2021

Philippine Navy, Rough Deck Log, July 2020

Philippine Navy, Navy welcomes future BRP Antonio Luna as it reaches Philippine waters, Feb. 9, 2021

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.