Matapos ang pakikipagpulong sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Metro Manila upang talakayin ang mga problema sa trapiko, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa media na ang ginagawang 32.15 kilometrong Cavite-Bataan Interlink Bridge ay magiging pangalawa sa pinakamahaba sa mundo. Ito ay hindi totoo.
(Basahin ang VERA FILES FACT SHEET: Ang 12 ‘mega bridges’ ng administrasyong Marcos)
Ang kasalukuyang pangalawang pinakamahabang tulay sa mundo ay matatagpuan sa Taiwan at may sukat na 157 kilometro. Sa pagkumpleto nito, ang Cavite-Bataan Interlink ay nakatakdang maging pangalawang pinakamahabang tulay sa bansa.
PAHAYAG
Nang tanungin pagkatapos ng town hall meeting noong Abril 10 sa San Juan City tungkol sa patuloy na pagtatayo ng Cavite-Bataan Interlink Bridge, sinabi ni Marcos:
“The only downside to that is it takes a long time. It’s a 32-kilometer bridge. It is the second longest bridge in the world ang ating ginagawa, so it will take a little bit of time.”
(“Ang hirap lang niyan ay matagal ang pag gawa. Ito ay isang 32-kilometrong tulay. Ito ang pangalawang pinakamahabang tulay sa mundo, ang ating ginagawa, kaya matatagalan ito ng kaunti.”)
Pinagmulan: RTV Malacañang official YouTube page, Media Interview 04/10/2024, Abril 10, 2024, panoorin mula 3:53 hanggang 4:06
ANG KATOTOHANAN
Kapag natapos, ang Cavite-Bataan Interlink Bridge ang magiging pangalawa sa pinakamahaba sa Pilipinas, ngunit malayo ito sa pinakamahaba sa mundo, gaya ng sinabi ni Marcos.
Binanggit ng Guinness World Records ang Danyang-Kunshan Grand Bridge sa China bilang pinakamahaba sa mundo. Nakumpleto noong 2011, ang viaduct ay umaabot ng 164 kilometro. Ang pangalawang pinakamahaba, ayon sa Encyclopedia Britannica, ay ang Changhua-Kaohsiung Viaduct sa Taiwan na 157.3 kilometro.
Sa mga ginagawang proyekto ng tulay sa buong mundo, isang artikulo noong 2023 ng American magazine na Construction Briefing ang naglista ng Cavite-Bataan Interlink Bridge bilang pangalawa sa listahan nito ng mga pinakamalaking kasalukuyang proyekto ng tulay sa mundo. Gayunpaman, niraranggo ng artikulong ito ang mga proyekto ayon sa mga gastos sa konstruksiyon at hindi sa haba ng tullas.
Sa kasalukuyan, ang pinakamahabang tulay sa Pilipinas ay ang Cebu-Cordova Link Expressway na 8.9 kilometro, na nalampasan ang dating pinakamahabang San Juanico Bridge na 2.1 kilometro.
Ang Cavite-Bataan Interlink ay nakatakdang maging pangalawang pinakamahabang tulay sa bansa, kasunod ng patuloy na 32.47 kilometrong Panay-Guimaras-Negros Island Bridge.
May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).
Mga Pinagmulan
Construction Briefing, Six of the biggest bridge projects under construction and development, May 12, 2023
Department of Public Works and Highways official website, Consultancy Services for the Conduct of Feasibility Study for Structural and Foundation Analysis and Investigation on the Rehabilitation/Repair of San Juanico Bridge, Accessed April 15, 2024
Department of Public Works and Highways official website, Environmental Impact Assessment – Cavite-Bataan Interlink Bridge Project, Accessed April 15, 2024
Department of Public Works and Highways official website, PRRD Inaugurates Cebu’s New Iconic Bridge, Apr. 28, 2022
Encyclopedia Britannica, Bridge – U.S. Designs, Accessed April 15, 2024
Guinness World Records, Longest bridge, Accessed April 15, 2024
National Economic Development Authority official website, Infrastructure Flagship Projects (IFPs) under the Build-Better-More Program, updated March 31, 2023
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)