Plano ng administrasyong Marcos na magtayo ng pangalawang San Juanico Bridge na mag-uugnay sa mga bayan ng Babatngon sa Leyte at Sta. Rita sa Samar. Bahagi ito ng 12 mega bridge projects na binanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 24.
Pero nilaktawan ni Marcos ang ikalawang proyekto ng San Juanico Bridge sa kanyang SONA at binanggit lamang ang Bataan-Cavite Interlink Bridge, Panay-Guimaras-Negros Island Bridges at Samal Island-Davao City Connector Bridge sa ilalim ng Mega-Bridge Program, na bahagi ng Build Better More infrastructure program.
Isinusulong ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Japan International Cooperation Agency (JICA) at Eastern Visayas Regional Development Council ang P12.99-bilyong halaga ng konstruksyon ng ikalawang San Juanico Bridge.
Ito ay nakikitang umamakma o magsilbing backup sa orihinal na 2.16-kilometrong San Juanico Bridge, na ginawa 50 taon na ang nakalilipas gamit ang official development assistance loan mula sa Japan ngunit ipinresenta umano ng ama ng pangulo, ang yumaong diktador na si Ferdinand Marcos Sr., bilang regalo sa kaarawan ng kanyang asawa, ang unang ginang noon na si Imelda Romualdez Marcos, na nagmula sa Leyte. Ang tulay ay pinasinayaan noong Hulyo 2, 1973, kasabay ng ika-44 na kaarawan ni Imelda.
Sa kanyang SONA, sinabi ni Marcos Jr. na ang 12 mega bridges na may kabuuang 90 kilometro ay “itatayo, magdudugtong sa mga isla at mga lugar na pinaghihiwalay ng katubigan.”
Labing-isa sa mga mega bridge, maliban sa pangalawang San Juanico Bridge, sa ilalim ng siyam na inter-island linkage program ng gobyerno ay nabuong mga konsepto noong administrasyon nina Rodrigo Duterte at Benigno Aquino III.
Ang 12 mega bridges na ito ay nasa ilalim ng 194 high-impact infrastructure flagship projects sa ilalim ng Build Better More program ni Marcos, na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P8.3 trilyon. Sinabi ni Marcos na 123 sa mga proyektong ito ay bago habang ang iba ay nasa iba’t ibang yugto ng konstruksyon mula sa mga nakaraang administrasyon. (Basahin ang SONA 2022 PROMISE TRACKER: INFRASTRUCTURE)
Ano ang status ng mga mega bridge project na ito? Paano popondohan ng gobyerno ang kanilang konstruksyon? Narito ang tatlong bagay na kailangan mong malaman:
1. Paano nagsimula ang mga proyekto?
Ang 12 mega bridges ay ginagawa sa ilalim ng siyam na proyekto ng gobyerno. Labing-isa sa mga tulay ang inaprubahan na ng National Economic Development Authority (NEDA Board), na pinamumunuan ng pangulo at naatasang mag-apruba ng mga plano at programa sa pagpapaunlad, kabilang ang mga proyektong pang-imprastraktura.
Kabilang sa mga proyekto, ang Panguil Bay Bridge Project, na mag-uugnay sa Tangub City sa Misamis Occidental at bayan ng Tubod sa Lanao del Norte, ay matagal nang naantala mula nang maaprubahan ito para sa pagpapatupad ng NEDA Board noong 2015. Noong Setyembre 2016, sinabi ng DPWH na matatapos ang tulay sa loob ng tatlo hanggang apat na taon. Noong Hulyo 6, ito ay ginagawa pa rin at target na makumpleto sa unang kalahati ng 2024.
Oras na makumpleto, ang Panay-Guimaras-Negros Island Bridges (32.47 kilometro) at ang Bataan-Cavite Interlink Bridge (32.15 kilometro) ay tinaguriang dalawa sa pinakamahabang tulay sa bansa.
2. Ano ang status ng mga proyektong ito?
Tatlo sa 12 mega bridges ang kasalukuyang ginagawa, apat ang hindi pa nagsisimula, at isa (Samal Island-Davao City Connector Bridge) ang nasuspinde dahil sa mga isyu ng right-of-way. Ang ikalawang San Juanico Bridge ay nasa pre-project preparation stage pa rin, na may pre-feasibility o katulad na pag-aaral.
(Basahin ang #SONA2023: Samal Island-Davao City Connector Bridge among 12 ongoing mega bridge projects)
Sa isang email noong Agosto 5, sinabi ng DPWH sa VERA Files na ang pagtatayo ng Samal Island-Davao City Connector (SIDC) Bridge ay nasuspinde noong Enero dahil sa mga isyu ng right-of-way. Sinabi nito na may patuloy na pagbili ng mga ari-arian upang payagan ang pagpasok ng mga tauhan ng DPWH at ang Chinese contractor, ang China Road and Bridge Corporation, upang magsagawa ng geotechnical investigation sa mga natitirang lugar.
Noong Marso 16, ang Lucas-Rodriguez clan, na may mga resort sa Samal Island na apektado ng SIDC project, ay naghain ng petisyon sa Korte Suprema, na kinuwestiyon ang kasalukuyang alignment ng tulay dahil sa kawalan ng konsultasyon, bukod sa iba pang alalahanin. Ang landing point ng tulay sa gilid ng Samal Island ay matatagpuan sa pagitan ng Costa Marina Beach Resort ng pamilya at Paradise Island Park and Beach Resort.
Gayunpaman, sinabi ng DPWH na ang pagsususpinde ng proyekto ng SIDC ay “walang koneksyon” sa petisyon ni Lucas-Rodriguez, na sinasabing ang proyekto ay “duly compliant” sa environmental concerns. Tiniyak nito na ang proyekto ay “magpapatuloy ayon sa plano kapag ang engineering aspect ng proyekto ay natapos na.”
3. Paano pinopondohan ang mga proyekto?
Ang gobyerno ay hindi pa nakakakuha ng mga pautang mula sa mga dayuhang nagpapahiram para sa pagtatayo ng apat sa 12 mega bridges.
Sinabi ng DPWH na layunin ng pamahalaan na makakuha ng approval mula sa ADB sa Nobyembre ngayong taon para sa isang loan upang makatulong sa pagpopondo sa pagtatayo ng P175.66-bilyong Bataan-Cavite Interlink Bridge. Ang ADB at ang Asian Infrastructure Investment Bank na suportado ng gobyerno ng China ay magkatuwang na tutustusan ang civil works construction ng tulay, na naka-target na magsimula sa 2024.
Nagpapanukala ang gobyerno ng official development assistance mula sa JICA upang pondohan ang pagtatayo ng P12.99-bilyong ikalawang San Juanico Bridge; ang Korean government para sa P187.540-billion Panay-Guimaras-Negros Island Bridges; at ang gobyerno ng China para sa P6.95-bilyong Panglao-Tagbilaran City Offshore Bridge Connector.
Bagama’t iminumungkahi pa rin lang ang pautang para sa pagtatayo ng Panay-Guimaras-Negros Island Bridges, nagbigay ang gobyerno ng Korea ng zero-interest loan na nagkakahalaga ng US$56.6 milyon noong Abril 2022 para pondohan ang engineering services, kabilang ang detalyadong disenyo ng engineering, estimation ng construction cost at procurement assistance.
Sa mga loan na nilagdaan na, ang JICA at ang ADB ay nagbigay ng pinakamalaking halaga para sa mga proyekto.
Noong Hunyo 2020, nilagdaan ng JICA at ng gobyerno ng Pilipinas ang P57-bilyon (JPY34.83 bilyon o $1,116.88 bilyon) na utang para sa pagtatayo ng Cebu-Mactan Bridge (4th Bridge) at Mandaue Coastal Road. Ang utang ay may taunang interest rate na 0.1% para sa non-consulting services at 0.01% para sa consulting services na babayaran sa loob ng 40 taon.
Noong Enero 10, 2018, nilagdaan ng administrasyong Duterte at ADB ang isang $380-milyong pautang (humigit-kumulang P98 bilyon batay sa halaga ng palitan sa araw na iyon) para sa pagpapabuti ng mga growth corridor sa Mindanao Road Sector Project na babayaran sa loob ng 23 taon. Kasama sa proyekto ang maraming mga sub-project upang mapalakas ang imprastraktura sa Mindanao, tulad ng Guicam Bridge at ang tatlong Tawi-Tawi Bridges projects.
Ang Export-Import Bank of China ay naniningil ng interest rate na 2% para sa P19.32-bilyong loan (2.34 billion renminbi) para sa Samal-Davao Bridge na babayaran sa loob ng 20 taon na may pitong taong palugit.
May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).
Mga Pinagmulan
Presidential Communications Office official website, 2nd State of the Nation Address of His Excellency Ferdinand R. Marcos Jr. President of the Philippines to the Congress of the Philippines, July 24, 2023
National Economic Development Authority official website,
JICA and DPWH pay a courtesy call to NEDA VIII to discuss the proposed Second San Juanico Bridge, March 23, 2023
Japan international Cooperation Agency official website, 2nd San Juanico Bridge Construction Project, accessed Aug. 5, 2023
Bangko Sentral ng Pilipinas official website, STRATEGIC INFRASTRUCTURE PROGRAMS AND PROJECTS(JICA-ASSISTED PROJECTS), Feb. 6, 2023
Presidential Communications Office official website, PBBM: San Juanico bridge lighting to prop up tourism, economic activity, Oct. 19, 2022
Presidential Communications Office official website, PBBM touts 194 new infra projects under his admin, July 24, 2023
National Economic Development Authority official website, THE NEDA BOARD EXECUTIVE COMMITTEE (ExCom), accessed Aug. 5, 2023
National Economic Development Authority official website, NEDA Board Approved – 35 projects, July 27, 2018
Department of Public Works of Highways official website, DPWH Ramping Up Accomplishment of Panguil Bay Bridge Project at 73%,
Department of Public Works and Highways official website, Work on Panguil Bay Bridge On-Going at Accelerated Pace | Department of Public Works and Highways,
National Economic Development Authority official website, INFRASTRUCTURE FLAGSHIP PROJECTS (IFPs) AS OF FIRST QUARTER OF 2023, accessed Aug. 5, 2023
Department of Public Works and Highways, Personal communication (email), Aug. 5, 2023
Department of Public Works and Highways official website, Contract of agreement with China Road and Bridge Corporation, accessed Aug. 5, 2023
Mindanews, Wharf threatens coral reef in Samal, says biologist, July 8, 2023
Business World, Petition to halt Samal Bridge project elevated to Supreme Court, May 17, 2023
Davao Edge, Rodriguez family goes to SC, files TRO vs Samal-Davao Bridge Project, May 17, 2023
Department of Public Works and Highways official website, Government Aims for November 2023 Approval of Loan for Bataan-Cavite Interlink Bridge Project, accessed Aug. 5, 2023
Asian Infrastructure Investment Bank official website, Members of the Bank, accessed Aug. 5, 2023
Department of Public Works and Highways official website, DPWH Eyes China Grant to Pursue Another Iconic Bridge Linking Bohol’s Panglao Island, accessed Aug. 5, 2023
Department of Finance official website PHL, Korea exchange documents on US$56.6-M KEXIM loan for Panay-Guimaras-Negros Island Bridges Project, April 5, 2022
Department of Finance official website, Loan Agreement Signing for Cebu-Mactan Fourth Bridge and Coastal Road Construction (CMBCRCP) and Davao City Bypass Construction Project II (DCBCP II), June 16, 2020
Philippine Information Office, LGU execs express gratitude to PRRD, PBBM for Samal Bridge project, Nov. 4, 2022
Bangko Sentral ng Pilipinas official website, Exchange rate on Jan. 10, 2018, Jan. 10, 2018
Asian Development Bank official website, Loan agreement for the Improving Growth Corridors in Mindanao Road Sector Project, Jan. 10, 2018
Department of Finance official website, Loan Agreement for the Samal Island-Davao City Connector Project, May 31, 2022
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)