Sa kanyang ikalawang State of the Nation Address noong Lunes, Hulyo 24, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na napatunayan ng kanyang administrasyon na kaya nitong ipababa ang presyo ng pagkain.
Ito ay nakaliligaw.
PAHAYAG
Ipinagmamalaki ang mga nagawa ng Kadiwa program ng Department of Agriculture (DA), sinabi ni Marcos:
“Napatunayan natin na kayang maipababa ang presyo ng bigas, karne, isda, gulay at asukal. Malaking tulong ang Kadiwa Store na ating muling binuhay at inilunsad.”
Pinagmulan: Philippine Communications Office, The 2023 State of the Nation Address 07/24/2023, (opisyal na transcript), Hulyo 24, 2023, panoorin mula 44:41 – 44:55
Nauna nang sinabi ni Marcos na papalapit na ang kanyang administrasyon sa kanyang pangako sa kampanya na ibaba ang presyo ng bigas sa P20 kada kilo. Na-debunk ito nang hindi bababa sa dalawang beses ng VERA Files Fact Check dahil sa kakulangan ng konteksto.
(Basahin: VERA FILES FACT CHECK: Pahayag ni Marcos Jr. na ang bigas ngayon ay nasa P25 kada kilo nangangailangan ng konteksto at VERA FILES FACT CHECK: Marcos Jr. inulit ang pahayag na nasa P25 kada kilo na ang bigas nangangailangan ng konteksto)
ANG KATOTOHANAN
Bagama’t ang mga tindahan ng Kadiwa ay nagbebenta ng mga paninda sa medyo mas mababang presyo, ang pinakabagong inflation report mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) ay nagpapakita na ang mga presyo ng pagkain–kabilang ang bigas, karne, isda, gulay at asukal–ay patuloy na tumataas ngunit sa mas mabagal na rate kumpara sa mga nakaraang buwan.
Sinabi ng PSA na ang food inflation, o ang rate ng pagtaas ng mga presyo ng mga pagkain, ay bumaba sa 6.7% noong Hunyo 2023 mula sa 7.5% noong nakaraang buwan. Gayunpaman, mas mataas pa rin ito sa 6.4% na naitalang food inflation noong Hunyo 2022.
Kung ihahambing sa mga rate ng inflation noong nakaraang buwan, mas mataas na year-on-year na mga growth rate ang naobserbahan sa mga kalakal tulad ng bigas, isda at iba pang pagkaing-dagat, pati na rin ang mga gulay, tubers, plantain, nilulutong saging at pulses.
Ang bigas, isda at gulay ay kabilang sa mga grupo ng pagkain na may pinakamataas na kontribusyon sa food inflation noong Hunyo 2023:
- Mga cereal at cereal product, na kinabibilangan ng bigas, mais, harina, tinapay at iba pang produktong panaderya, na may 29.4% share o 2.0 percentage points;
- Mga gulay, tubers, plantain, nilulutong saging at pulses, na may 14.9% share o 1.0 percentage point; at
- Isda at iba pang pagkaing-dagat, na may 14.7% porsyentong bahagi o 1.0 percentage point.
Ayon sa PSA, ang food inflation ay 43.4% ng kabuuang inflation noong Hunyo 2023.
Ang Kadiwa ng Pangulo ay isang inisyatiba ng Office of the President at ng DA na naglalayong pagaanin ang epekto ng tumataas na inflation sa pamamagitan ng pag-alis ng mga market layer para bigyang-daan ang mga magsasaka na direktang magbenta sa mga mamimili at sa gayon ay makapagbigay ng abot-kaya at madaling makuhang pagkain sa mga Pilipino.
May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).
Mga Pinagmulan
Philippine Communications Office, 2nd State of the Nation Address of His Excellency Ferdinand R. Marcos Jr. President of the Philippines to the Congress of the Philippines, July 24, 2023
Philippine Statistics Authority, Summary Inflation Report Consumer Price Index (2018=100): June 2023, July 5, 2023
Department of Agriculture, PBBM-led Kadiwa opens in more areas outside the Metro, March 2, 2023
Department of Agriculture, MOA Signing KADIWA ng Pangulo (July 17, 2023), July 18, 2023
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)