Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Marcos Jr. inulit ang pahayag na nasa P25 kada kilo na ang bigas nangangailangan ng konteksto

WHAT WAS CLAIMED

Papalapit na ang administrasyong Marcos sa pangako noong kampanya na ibababa ang presyo ng bigas sa P20 kada kilo.

OUR VERDICT

Kailangan ng Konteksto:

Bagama’t tama na ang well-milled rice ay mabibili sa halagang P25 kada kilo, kailangang linawin na ito ay makukuha lamang sa mga tindahan ng Kadiwa na pinamamahalaan ng National Food Authority (NFA). Sa katunayan, ipinakita sa pagbabantay sa presyo ng Department of Agriculture noong Marso 16 na ang bigas na ibinebenta sa mga pampublikong pamilihan sa Metro Manila ay umaabot pa rin sa P34-50 kada kilo para sa lokal na commercial rice at P37-50 para sa imported na bigas.

By VERA Files

Mar 22, 2023

4-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Muling iginiit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na papalapit na ang kanyang administrasyon sa pangako nito noong kampanya na ibababa ang presyo ng bigas sa P20 kada kilo. Ito ay nangangailangan ng konteksto.

Noong Disyembre 2022, pinabulaanan ng VERA Files Fact Check ang parehong pahayag ni Marcos. (Basahin ang VERA FILES FACT CHECK: Marcos Jr.’s claim that rice now at P25 per kilo statement needs context)

PAHAYAG

Sa paglulunsad ng Kadiwa ng Pangulo project sa Camarines Sur noong Marso 16, sinabi ni Marcos:

Yung aking pangarap na sinabi na nung bago akong upo na sana mapababa natin ang presyo ng bigas ng P20; hindi pa tayo umaabot doon, dahan-dahan, palapit. Nasa P25 na lang tayo, kaunti na lang maibababa natin ‘yan.”

 

Pinagmulan: ​​RTVMalacanang, Kadiwa ng Pangulo in Pili, Camarines Sur (Speech), Marso 16, 2023, panoorin mula 2:28 – 2:49

ANG KATOTOHANAN

Bagama’t tama si Marcos na mabibili ang well-milled rice sa halagang P25 kada kilo, hindi niya sinabi na ito ay makukuha lamang sa mga tindahan ng Kadiwa na pinamamahalaan ng National Food Authority (NFA).

Sa katunayan, ipinakita sa pagbabantay sa presyo ng Department of Agriculture noong Marso 16 na ang bigas na ibinebenta sa mga pampublikong pamilihan sa Metro Manila ay umaabot pa rin sa P34-50 kada kilo para sa lokal na commercial rice at P37-50 para sa imported na bigas.

Ipinapakita rin ng datos ng Philippine Statistics Authority na mula sa simula ng administrasyong Marcos hanggang sa unang kalahati ng Marso 2023, ang mga presyo ng tingi ng lokal na regular at well-milled rice ayon sa rehiyon ay hindi kailanman bumaba sa P25.

Ang Kadiwa ng Pangulo ay isang inisyatiba ng Office of the President at ng Agriculture department na naglalayong palambot ang epekto ng tumataas na inflation sa pamamagitan ng pagbibigay ng abot-kaya at accessible na pagkain sa mga Pilipino.

Una itong inilunsad noong Disyembre 2022 bilang Kadiwa ng Pasko na nilayon din na magbigay ng direkta at matatag na pamilihan para sa mga magsasaka at mangingisda gayundin sa mga micro, small, at medium na negosyo sa panahon ng kapaskuhan.

Ang proyekto ay ipinangalan sa Kadiwa rolling stores project ni Ferdinand Marcos Sr. na nag-tinda ng bigas, gatas, itlog, at iba pang pangunahing bilihin sa mas mababang presyo. Ang mga tindahan ay isinara nang magkaroon ng krisis sa ekonomiya noong 1985. (Basahin ang Marcos propaganda in a time of plague)

Sa kasalukuyan, ang mga ahensya ng gobyerno at mga wholesaler ay maaaring bumili ng bigas mula sa NFA sa halagang P25 kada kilo. Sinusunod ng ahensya ang formula na “buy high, sell low” na nagpapahintulot sa NFA na bumili ng palay mula sa mga lokal na magsasaka sa isang itinakdang support price at iproseso ito sa mga lokal na miller para maging bigas na ibinebenta nito nang palugi.

Ngunit tinanggal ng Rice Tariffication Law, na nilagdaan ni dating pangulong Rodrigo Duterte noong 2019 ang import licensing at regulatory functions ng NFA pero iniwanan ang papel nito sa pagpapanatili ng buffer emergency stock ng bigas.

 

Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.

Mga Pinagmulan

​​RTVMalacanang, Kadiwa ng Pangulo in Pili, Camarines Sur (Speech) 3/16/2023, March 16, 2023

National Food Authority, Buying/Selling Price, accessed on March 17, 2023

Department of Agriculture, Retail Price Range of Selected Agri-fishery Commodities at NCR Markets, Thursday, March 16, 2023, March 16, 2023

Philippine Statistics Authority, Price Situationer of Selected Agricultural Commodities, accessed March 20, 2023

Department of Agriculture, PBBM-led Kadiwa opens in more areas outside the Metro, March 2, 2023

Ramon Clarete, Options for Philippine Food Authority Reforms, 2008

Department of Agriculture, DA Bulletin No. 1 on Rice: Understanding the Rice Tariffication Law (RTL) or RA 11203, Sept. 10, 2019

Official Gazette, Republic Act (RA) 11203, Feb. 14, 2019

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.