Noong Disyembre 1, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na papalapit na ang kanyang administrasyon sa kanyang layunin na ibaba ang presyo ng bigas sa P20 kada kilo ngayong ibinebenta na ito sa halagang P25 kada kilo.
Ito ay nangangailangan ng konteksto.
PAHAYAG
Sa isang talumpati sa pagbubukas ng Kadiwa ng Pasko Caravan sa Quezon City, sinabi ni Marcos:
“Bukod pa roon ay palapit na nang palapit tayo sa presyo na aking pinapangarap para sa bigas, lalo na dahil nabibili na natin ng 25 pesos… ubos kaagad iyan. Siguradong ‘yan ang unang nauubos, eh. Kaya’t gagawin natin itong national program na, hindi lamang sa mga LGU.”
Pinagmulan: RVMalacañang official Facebook page, Kadiwa ng Pasko Caravan in Quezon City, Dis. 1, 2022, panoorin mula 29:02 hanggang 29:31
ANG KATOTOHANAN
Ayon sa pagbabantay ng Department of Agriculture (DA) sa presyo ng bilihin sa parehong araw, ang bigas ay naibenta sa halagang P38-50 kada kilo sa mga pampublikong pamilihan sa Metro Manila.
Ang tinutukoy ni Marcos ay ang presyo ng National Food Authority (NFA) para sa local well-milled rice.
Ang Kadiwa ng Pasko caravan ay isang proyekto ng Office of the President at ng DA, na kasabay na pinamumunuan ni Marcos. Ito ay naglalayong tugunan ang tumataas na inflation sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga lokal na pinagkukunan ng mga kalakal sa mas mababang presyo sa panahon ng kapaskuhan.
Ang Kadiwa ng Pasko caravan stores ay nagpupunta sa mga limitadong lugar sa mga itinalagang petsa at oras. Ang ilan ay matatagpuan sa Metro Manila. Mayroon ding mga tindahan sa Oriental Mindoro, Davao del Norte, Davao del Sur at Davao de Oro. Ipinahayag ni Marcos ang kanyang hangarin na ipagpatuloy ang proyekto kahit tapos na ang kapaskuhan.
Ang proyekto ay ipinangalan sa Kadiwa rolling stores project ng ama ng Pangulo, Ferdinand Marcos Sr. Ang mga Kadiwa mobile store na ito ay nagtinda ng bigas, gatas, itlog, at iba pang pangunahing bilihin sa mas mababang presyo. Gayunpaman, dahil sa tumataas na obligasyon sa pagkaka-utang sa labas ng bansa at pagbaba ng halaga ng piso, tumaas ang presyo ng mga bilihin at naging pangkaraniwan ang hoarding.
Upang muling buhayin ang ekonomiya, ipinasara ng administrasyong Marcos Sr. ang programa noong 1985 dahil mas pinili ng target market nito na bumili ng mga produkto mula sa mga lokal na sari-sari store. (Basahin ang Marcos propaganda in a time of plague)
Hanggang press time, ang mga ahensya ng gobyerno at mga wholesaler ay maaaring bumili ng bigas mula sa NFA sa halagang P25 kada kilo. Ang NFA ay sumusunod sa isang “buy high, sell low” formula, kung saan bumibili ito ng palay mula sa mga lokal na magsasaka sa isang itinakdang support price, giniling ang mga ito para maging bigas sa tulong ng mga lokal na miller, at ibinebenta ang bigas nang palugi.
Nawalan ng kakayahan ang NFA na i-regulate ang mga import noong 2019 matapos lagdaan ni dating pangulong Rodrigo Duterte ang Rice Tariffication Act, na nag-aalis ng quantitative restrictions sa pagdadala ng butil mula sa ibang bansa.
Sa ngayon, responsable ang NFA sa pagpapanatili ng buffer emergency stock para sa mga kalamidad.
Isa sa mga pangunahing pangako ng kampanya ni Marcos sa 2022 presidential polls ay ang pagbaba ng presyo ng bigas sa P20 kada kilo. Gayunpaman, naniniwala ang mga magsasaka at retailer na ang pagkamit nito ay isang mahabang proseso. (Pakinggan: Saan aabot ang bente pesos mo? Ang pangako ni Marcos Jr., isang kilong bigas)
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga Pinagmulan
RTVMalacañang official Facebook page, Kadiwa ng Pasko Caravan in Quezon City, Dec. 1, 2022
National Food Authority, Buying/Selling Price, accessed on Dec. 1, 2022
Department of Agriculture, Prevailing Retail Prices of Select Agri-Fishery Commodities at NCR Markets – Thursday, December 1, 2022, Dec. 1, 2022
Office of the Press Secretary official Facebook page, Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagbubukas ng isang ‘Kadiwa ng Pasko’ caravan site, Dec. 1, 2022
Ramon Clarete, Options for Philippine Food Authority Reforms, 2008
Department of Agriculture, DA Bulletin No. 1 on Rice: Understanding the Rice Tariffication Law (RTL) or RA 11203, Sept. 10, 2019
National Food Authority, About Us, accessed on Dec. 1, 2022
Official Gazette, Republic Act (RA) 11203, Feb. 14, 2019
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)