Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Mayo 11 na hindi na pinalawig ang “emergency status” ng Pilipinas. Ito ay nangangailangan ng konteksto.
Lumabas ang kanyang komento matapos ideklara ng World Health Organization (WHO) noong Mayo 5 ang pagtatapos ng pandaigdigang COVID Health Emergency sa gitna ng pagtaas ng mga bagong kaso ng COVID-19 at pinagsama-samang positivity rate sa Pilipinas.
PAHAYAG
Nang tanungin ng isang reporter kung babaguhin niya ang “COVID health status” sa Pilipinas bunga ng deklarasyon ng WHO, sinabi ni Marcos:
“We did not restore the emergency status of the Philippines. Matagal na (for a long time now), last year pa. So we don’t need to do anything. We’re already on normal footing.”
(“Hindi natin naibalik ang emergency status ng Pilipinas. Matagal na, noong isang taon pa. Kaya wala tayong kailangang gawin. Nasa normal na katayuan na tayo.”)
Pinagmulan: RVMalacañang, Panayam ng Media, Mayo 11, 2023, panoorin mula 10:08 hanggang 10:15
ANG KATOTOHANAN
Habang hindi pinalawig ni Marcos ang state of calamity na natapos noong 2022, hindi pa niya inaalis ang state of public health emergency na nananatiling may bisa.
Idineklara ni dating pangulong Rodrigo Duterte ang state of public health emergency noong Marso 8, 2020 sa pamamagitan ng Proclamation No. 922. Hindi tulad ng state of calamity, ang state of public emergency ay dapat alisin o bawiin ng nakaupong pangulo.
Sa kabilang banda, nagdeklara si Duterte ng state of calamity noong Marso 2020 sa loob ng anim na buwan. Noong Setyembre 2020 at muli noong 2021, pinalawig niya ang state of calamity sa loob ng isang taon. Pinalawig ni Marcos ang state of calamity sa huling pagkakataon hanggang Dis. 31, 2022.
Sa isang chance interview noong Abril 12, sinabi ni Department of Health (DOH) Officer-in-Charge Rosario Vergeire na dapat mas maging handa ang healthcare system sa bansa bago maalis ang state of public health emergency.
Sinabi ng DOH na malapit nang magsumite ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases ng ulat at rekomendasyon sa pangulo para sa pag-alis ng state of public health emergency sa bansa.
Sa ilalim ng Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010, maaaring ilagay ng pangulo ang isang lokasyon sa ilalim ng state of calamity sa rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council. Ang Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Concern Act of 2019, sa kabilang banda, ay nagpapahintulot sa Health secretary o presidente na magdeklara ng state of public health emergency.
Nitong Mayo 18, nag-ulat ang DOH ng 2,014 na bagong kaso ng COVID-19 at 13.5% na cumulative positivity rate.
May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).
Mga Pinagmulan
RTVMalacañang, Media Interview, May 11, 2023
UN News, WHO chief declares end to COVID-19 as a global health emergency, May 5, 2023
Official Gazette of the Philippines, Proclamation No. 922, March 8, 2020
Official Gazette of the Philippines, Proclamation No. 929, March 16, 2020
Official Gazette of the Philippines, Proclamation No. 1021, Sept. 16, 2020
Official Gazette of the Philippines, Proclamation No. 1218, Sept. 10, 2021
Official Gazette of the Philippines, Proclamation No. 57, Sept. 12, 2022
Department of Health, COVID-19 Tracker, accessed on May 19, 2023
GMA News, DOH not keen on recommending lifting of COVID-19 public health emergency, April 15, 2023
Philstar.com, DOH: Not yet time to lift public health emergency due to COVID-19, April 12, 2023
INQUIRER.net, DOH: Ending COVID emergency status likely once PH healthcare system amply reinforced, April 12, 2023
Official Gazette of the Philippines, RA 10121, May 27, 2010
Official Gazette of the Philippines, RA 11332, July 16, 2019
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)