Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Pahayag ni Marcos tungkol sa bilang ng mga drug addict sa PH nangangailangan ng konteksto

WHAT WAS CLAIMED

May halos 4.5 milyong drug addict sa Pilipinas.

OUR VERDICT

Kailangan ng konteksto:

Habang ang mga resulta ng 2019 National Household Survey on the Patterns and Trends of Drug Abuse na inilabas ng Dangerous Drugs Board ay nagpapakita na mayroong 4.7 milyong lifetime users ng droga na nasa edad 10 hanggang 69, nasa 1.67 milyon lamang, o dalawa sa bawat 100 Pilipino, ay itinuturing na mga “kasalukuyang gumagamit ng droga.”

By VERA Files

Sep 29, 2022

4-minute read

BASAHIN SA INGLES

ifcn badge

Share This Article

:

Nangangailangan ng konteksto ang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na may humigit-kumulang 4.5 milyong drug addict sa Pilipinas.

PAHAYAG

Sa question-and-answer portion ng pagpupulong ng pangulo sa mga miyembro ng Asia Society sa New York noong Setyembre 23, tinalakay niya ang mga plano para tugunan ang problema sa droga sa Pilipinas.

Sa pagkomento kung paano sumandal nang husto sa pagpapatupad ang diskarte ni dating pangulong Rodrigo Duterte, sinabi ni Marcos Jr.:

“Ang aking diskarte ay medyo naiiba. Tinitingnan natin ang problema sa droga sa Pilipinas at ito ay matindi. Mayroong humigit-kumulang, sa palagay ko ayon sa opisyal na estadistika, halos apat at kalahating milyong aktuwal na mga adik sa Pilipinas.”

 

Pinagmulan: Office of the Press Secretary official website, Meeting with Asia Society (Speech) 9/23/2022 (transcript), Setyembre 24, 2022, panoorin mula 40:25 hanggang 40:44

ANG KATOTOHANAN

Habang ang mga resulta mula sa 2019 National Household Survey on the Patterns and Trends of Drug Abuse na inilabas ng Dangerous Drugs Board (DDB) ay nagpapakita na mayroong 4.7 milyong lifetime users ng droga na nasa edad 10 hanggang 69, nasa 1.67 milyon lamang, o dalawa sa bawat 100 Pilipino, ang itinuring na mga “kasalukuyang gumagamit ng droga.”

Ang mga kasalukuyang gumagamit ng droga ay tumutukoy sa mga indibidwal na kasalukuyang gumagamit o gumamit ng ilegal na droga nang higit sa isang beses mula Disyembre 2019 hanggang Pebrero 2020, ang panahon kung kailan isinagawa ang survey.

Sa kabilang banda, tinukoy ng survey ang mga lifetime user bilang mga taong gumamit ng mga mapanganib na droga o sangkap ng kahit isang beses sa kanilang buhay. Hindi ito kaagad katumbas ng pagkalulong sa droga.

Tinukoy ng American Psychological Association ang adiksyon bilang “isang estado ng psychological o physical dependence (o pareho) sa paggamit ng alkohol o iba pang mga droga.”

Isinasaalang-alang din ng Section 4.a ng Philippine Mental Health law ang adiksyon bilang isang mental health na sakit na mailalarawan sa pamamagitan ng “kawalan ng kakayahang patuloy na umiwas sa impairment at behavioral control, pananabik, nabawasan ang pagtukoy sa mga importanteng problema sa pag-uugali ng isang tao at mga interpersonal na relasyon at isang dysfunctional emotional response.”

Sa isang in-depth na ulat na inilathala ng Philstar.com noong 2017, ipinaliwanag ni dating DDB chairman Benjamin Reyes ang pagkakaiba sa pagitan ng paggamit ng droga at dependence.

“Ang dependence ay nagpapakita ng ilang mga pag-uugali na hindi natin nakikita sa isang normal na tao. Samantalang ‘yung gumagamit ay maaaring normal pa ‘yung pag-uugali niya,” sabi niya.

Bilang tugon sa pagtatanong ng VERA Files Fact Check sa pinakahuling kabuuang bilang ng mga adik sa droga sa bansa, sinabi ng DDB na ang makukuha nitong datos ay ang bilang ng mga admission sa mga treatment at rehabilitation center na inulat sa pamamagitan ng Treatment and Rehabilitation Admission Information System (TRAIS).

Ang datos ay nagpapakita na noong 2021, mayroong 2,708 admissions na naitala mula sa 63 treatment at rehabilitation facility. Hindi kasama dito ang mga ulat mula sa mga ahensyang nagpapatupad ng batas.

Hindi pa tumutugon ang Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa parehong pagtatanong.

Gayunpaman, makikita sa 2021 annual accomplishment report ng PNP na noong December 2021, mayroong 1,225,683 Persons Who Used Drugs (drug surrenderers). Ang pinakahuling bilang ng mga drug addict o user ay hindi available sa estadistika na ibinigay ng PDEA sa pamamagitan ng Realnumbersph.

BACKSTORY

Sa kabuuan ng kanyang termino, si Duterte ay paulit-ulit na nagbigay ng magkasalungat at pabago-bagong mga pahayag sa bilang ng mga lulong sa droga sa bansa.

Binanggit si dating DDB chief Dionisio Santiago, una niyang sinabi na mayroong 3 milyong Pilipinong adik sa droga, ngunit lumabas sa 2016 DDB survey na mayroong 1.8 milyong kasalukuyang gumagamit ng droga sa bansa.

Ang pahayag ni Duterte na mayroong 1.6 milyong drug surrenderees noong 2018 ay salungat din sa 1.3 milyong bilang na inulat ni dating PNP chief Bato Dela Rosa.

Noong unang bahagi ng 2019, muling binago ng dating pangulo ang kanyang bilang, na sinasabing ang dalawang bilang na ito ay sumasakop lamang sa Metro Manila at ang kabuuang bilang sa buong bansa ay nasa 7 hanggang 8 milyong mga adik sa droga. (Tingnan: VERA FILES FACT CHECK: Ikatlong taong giyera laban sa droga, Duterte binago na naman ang bilang ng mga adik sa bawal na gamot)

 

Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.

 

Mga Pinagmulan

Office of the Press Secretary, Speech by President Ferdinand Romualdez Marcos Jr. at the Meeting with Asia Society (with Q&A), Setyembre 24, 2022

RTVMalacañang, Meeting with Asia Society (Speech) 9/23/2022, Setyembre 24, 2022

Dangerous Drugs Board, 2019 National Household Survey on the Patterns and Trends of Drug Abuse, Oktubre 14, 2020

American Psychological Association, Substance use, abuse, and addiction

Official Gazette, Republic Act No. 11036, Hunyo 20, 2018

Philstar.com, 4M drug users ‘in the realm of possibility,’ DDB insists, Pebrero 7, 2017

Dangerous Drugs Board, 2021 statistics, Hunyo 20, 2022

Philippine National Police, PNP Annual Accomplishment Report, 2021

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.