Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT SHEET: Pagkakaiba sa bilang ng katawan ng mga biktima ng giyera laban sa droga ipinaliwanag

Binago ng administrasyong Marcos ang kampanya laban sa droga ng gobyerno para pagtuunan ng pansin ang pagbabawas ng demand at rehabilitasyon ng mga user, taliwas sa all-out war na humantong sa pagkamatay ng libu-libong Pilipino sa war on drugs ng administrasyong Duterte.

By VERA Files

Dec 13, 2022

8-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Binago ng administrasyong Marcos ang kampanya laban sa droga ng gobyerno para pagtuunan ng pansin ang pagbabawas ng demand at rehabilitasyon ng mga user, taliwas sa all-out war na humantong sa pagkamatay ng libu-libong Pilipino sa war on drugs ng administrasyong Duterte.

Noong Nob. 28, hiniling ni Interior Secretary Benhur Abalos sa publiko na suportahan ang programa ng gobyerno na tinatawag na Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan (BIDA) para puksain ang iligal na droga sa bansa. Nangako siyang pupunuin ang mga kulungan ng mga nagbebenta ng droga na sumisira sa kinabukasan ng mga kabataan at kanilang mga pamilya.

Ang binagong diskarte ay inilabas halos dalawang linggo matapos batikusin ng Human Rights Watch (HRW) ang Philippine National Police (PNP) sa “pagmamaliit” sa mga namatay sa drug war.

Sa isang pahayag, tinawag ni HRW Deputy Director for Asia Phil Robertson ang pansin ng PNP matapos ilarawan ng hepe ng pulisya na si Gen. Rodolfo Azurin Jr., na “napaka-liit” ng 46 na pagkamatay na may kaugnayan sa droga na naitala hanggang ngayon mula noong malaya sa posisyon ang administrasyong Marcos noong Hunyo 30. Sinabi ni Robertson na ang bilang ng pulisya ay mas maliit kaysa sa 127 na hinihinalang drug personalities mula Hunyo 30 hanggang Nob. 17 na sinusubaybayan sa ilalim ng Dahas Project ng Third World Studies Center sa University of the Philippines (UP) Diliman.

Bakit iba ang bilang ng PNP kaysa sa mga human rights at special interest groups? Narito ang tatlong bagay na kailangan mong malaman:

1. Ilang Pilipino na ang namatay sa giyera kontra droga?

Sa ilalim ng administrasyong Marcos, sinabi ni Azurin noong Nob. 14 na 46 na drug suspects ang namatay sa 18,505 anti-drug operations. Aniya, 32 sa mga namatay ay nagresulta sa mga operasyon ng pulisya at 14 sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Sa kabilang banda, ang Dahas, isang monitoring project ng Third World Studies Center sa mga naiulat na pagpatay, ay nagtala ng 127 pagkamatay na isinagawa ng parehong mga ahente ng estado at hindi sa parehong panahon, mula Hunyo 30 hanggang Nob. 15.

Sa pinakahuling bilang nito, ang Dahas Project ay nag-ulat ng 161 na pagpatay hanggang noong Dis. 7. Sinabi nito na ang mga pagpatay na may kaugnayan sa droga sa unang limang buwan ng panunungkulan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay nalampasan na ang 149 na pagkamatay sa huling anim na buwan ng dating pangulo Rodrigo Duterte. (Tingnan ang Drug killings under Marcos Jr. surpass those killed in last six months of Duterte)

Sa unang 100 araw nito noong Oktubre, idineklara ng administrasyong Marcos na ang digmaan laban sa droga nito ay “hindi gaanong madugo” at “mas holistic” kaysa sa nakaraang dispensasyon na umani ng international scrutiny, lalo na ang mga “tokhang” raid sa ilalim ng “Project: Double Barrel” campaign ng PNP.

Hindi itinuloy ng kasalukuyang administrasyon ang pagbibilang ng mga namatay mula sa administrasyong Duterte. Ang pinakahuling update ng #RealNumbersPH, ang “unitary” report ng administrasyong Duterte sa pag-usad ng drug war, ay nagpapakita na 6,252 katao ang namatay sa 239,218 drug operations mula Hulyo 1, 2016 hanggang Mayo 31, 2022.

Ang administrasyong Duterte ay nagsimulang maglathala ng opisyal na tally ng mga nasawi sa digmaan laban sa droga noong Mayo 2017 lamang nang ilunsad nito ang #RealNumbersPH.

Gayunpaman, ang mga human rights group at si Prosecutor Karim Khan ng International Criminal Court (ICC) ay may mas mataas na pagtatantya na humigit-kumulang 12,000 hanggang 30,000 pagkamatay sa loob at labas ng mga operasyon ng pulisya.

2.  Bakit may ibang drug war count ang Dahas Project kumpara sa PNP?

Ayon kay Third World Studies Center researcher Joel Ariate Jr., hindi binibilang ng PNP ang mga pagpatay sa mga hinihinalang drug personalities ng mga non-state agents. Aniya, ang pagkakaiba sa bilang ng gobyerno ang dahilan kung bakit hindi nila nakikita ang pangangailangang i-cross-check ang kanilang datos sa pulisya.

Hindi tulad ng pulisya, ang Dahas Project ay nag-uulat ng mga kaso na kinasasangkutan ng hindi pa nakikilalang mga suspek — ang mga nakita ng mga saksi o awtoridad ngunit hindi pinangalanan — at hindi kilalang mga salarin tulad ng sa mga kaso ng natagpuang mga bangkay ng mga indibidwal na ang pagkamatay ay dahil umano sa pagkakasangkot sa ilegal kalakalan ng droga. Sinabi ng Dahas na ang kabiguan ng gobyerno sa pagsasaalang-alang sa mga pagkamatay sa labas ng mga operasyon laban sa droga ay “nagpapakita ng isang limitadong pananaw kung paano lumalaki ang bilang ng namatay sa digmaan laban sa droga.”

DAHAS-infog Jan 1 to Dec 7 2022-drug-related-killings

Ang pinagmumulan ng datos ng Dahas ay mga ulat ng balita. Sinabi ni Ariate sa VERA Files Fact Check sa isang email na itinuturing ng mga mananaliksik ng Third World Studies ang mga ulat ng balita bilang mga mapagkukunan ng datos dahil naglalaman ang mga ito ng impormasyong direktang nagmumula sa lokal na pulisya. Nilinaw ni Dahas na hindi nito layunin na makabuo ng tumpak na bilang ng mga nasawi kundi para lamang makita ang mga trend at kung paano tumaas nang husto ang mga bilang.

Sa kabilang banda, iniuulat lamang ng PNP ang mga pagkamatay na naganap sa mga drug sting na kinasasangkutan ng mga suspek na umano’y lumaban sa pag-aresto. Ang datos ng PNP ay sumasailalim pa rin sa validation ng PDEA, ang nangungunang ahensya sa kampanya ng gobyerno laban sa iligal na droga. Ang lahat ng datos ng #RealNumbersPH sa mga pagkamatay sa panahon ng operasyon ng droga ay nagmumula sa PDEA.

Sa isang panayam noong Nob. 21, itinanggi ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo ang akusasyon ng HRW na minamaliit ng pulisya ang bilang ng mga nasawi sa kanilang anti-drug operations. Binigyang-diin niya na ang PNP ay may sistema ng pangangalap ng impormasyon mula sa lahat ng operasyon ng pulisya araw-araw.

3.  Bakit mahalaga ang pagbibilang ng pagkamatay sa digmaan laban sa droga?

Sinabi ng Dahas Project na ang pagtatala ng mga pagpatay na may kaugnayan sa droga ay isang “hakbang patungo sa paghingi ng pananagutan mula sa mga gumawa nito.”

Noong Setyembre 2021, pinahintulutan ng ICC ang paglulunsad ng imbestigasyon sa mga umano’y krimen laban sa sangkatauhan sa digmaan laban sa droga ng administrasyong Duterte. (Tingnan ang ICC authorizes full-blown probe into Duterte’s drug war)

Dahil sa kawalan ng transparency at hindi pagkakapare-pareho ng bilang ng mga namamatay na may kaugnayan sa droga sa nakaraang administrasyon, ang iba’t ibang institusyon, tulad ng academe at media, ay nagpasimula ng kanilang sariling mga tally. Kabilang dito ang “Kill List” ng Philippine Daily Inquirer” at “MAP, CHARTS: The Death Toll of the War on Drugs” ng ABS-CBN News noong 2016, at ang Drug War Archive ng isang research consortium na binubuo ng mga unibersidad tulad ng UP Diliman at De La Salle University.

Noong 2018, inutusan ng Supreme Court (SC) ang PNP at Office of the Solicitor General (OSG) na magbahagi ng mga dokumento sa abogado ng mga pamilya ng mga biktima sa San Andres Bukid, Manila tungkol sa 16,355 “homicides na iniimbestigahan” mula Hulyo 1 hanggang Set. 30, 2017, at 3,967 “drug personalities na namatay sa anti-drug operations” mula Hulyo 1, 2016 hanggang Nob. 30, 2017, na tinukoy bilang pangunahing accomplishments ng giyera laban sa droga ng administrasyong Duterte noong 2017.

Ang PNP at ang OSG ay sumunod sa utos ng SC ngunit sinabi ng Centerlaw, na kumakatawan sa mga pamilya, na ang mga dokumentong natanggap nito ay “basura” at hindi mga kaso na may kinalaman sa droga. (Tingnan ang Centerlaw says OSG, PNP gave them ‘rubbish’, files contempt charge)

Dalawang taon matapos ilabas ang ulat noong 2017, itinanggi ng administrasyong Duterte na 16,355 na ang mga homicide na iniimbestigahan ay may kaugnayan sa mga kaso ng droga. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: PCOO Asec. Rafael-Banaag contradicts official gov’t data on drug war)

 

Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.

 

Mga Pinagmulan

Department of Interior and Local Government official website, DILG’s BIDA grand launch gathers thousands, Abalos calls for nationwide support vs illegal drugs, Nov. 28, 2022

Human Rights Watch official website, Philippines Undercounts Recent ‘Drug War’ Deaths | Human Rights Watch, Nov. 17, 2022

Office of the Press Secretary official website,  PBBM admin’s ‘holistic approach’ vs. illegal drugs gaining momentum, Nov. 15, 2022

Dahas Project official Twitter account, On 8-15 November, 3 died in Marcos Jr.’s drug war. , Nov. 17, 2022

Inquirer.net, PNP: 46 killed in drug war under Marcos ‘very minimal, Nov. 16, 2022

CNN Philippines, PNP records 46 killed in drug operations under Marcos, Nov. 14, 2022

Philstar.com, PNP chief: 46 killed in ‘war on drugs’ operations under Marcos, Nov. 14, 2022

Dahas Project official Twitter account, On 1-7 December, 9 were killed in Marcos Jr.’s drug war, 2 of whom were police officers in an anti-drug op., Dec. 9, 2022

Office of the Press Secretary official website, PBBM’s 1st 100 days: Less bloody, more holistic drug war, Oct. 5, 2022

Philippine National Police official website, CMC 2016-16 PNP ANTI-ILLEGAL DRUGS CAMPAIGN PLAN PROJECT DOUBLE BARREL, July 1, 2016

#RealNumbersPH official Facebook page, (report as of May 31, 2022), June 21, 2022

International Criminal Court official website, Public Redacted Version of “Prosecution’s Response to the Philippine Government’s Observations on the Prosecution’s Request to Resume Investigations, Sept. 22, 2022

Joel Ariate Jr. Personal communication (email), Nov. 29, 2022

Dahas Project official website, 4.1.3 Definitions of Variables.pdf, Accessed Dec. 7, 2022

Dahas Project official website, Database – Violence, Human Rights, and Democracy in the Philippines, Accessed Dec. 7, 2022

Dahas Project official website, Timeline of Drug-Related Deaths – Violence, Human Rights, and Democracy in the Philippines, Accessed Dec. 7, 2022

ANC official Facebook page, A total of 6,600 drug suspects died since President Duterte took office in 2016, June 20, 2019

Official Gazette official website, Republic Act No. 9165, June 7, 2002

ABS-CBN News official YouTube channel, Sakto | TeleRadyo (21 November 2022), Nov. 21, 2022

Kasarinlan: Philippine Journal of Third World Studies official website, Developing a Method for Recording Drug-Related Killings | Limpin, 2019

Inquirer.net, THE KILL LIST, Accessed Dec. 7, 2022

ABS-CBN News, MAP, CHARTS: The Death Toll of the War on Drugs, Accessed Dec. 7, 2022

Drug Archive official website, Building a dataset of publicly available information on killings associated with the antidrug campaign, Accessed Dec. 7, 2022

Drug Archive official website, About The Project, Accessed Dec. 7, 2022

Supreme Court, Supreme Court Resolution On OSG Motion, April 10, 2018

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.