Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Pahayag ni Narvacan Mayor Chavit Singson na ang $650M Marcos Swiss bank deposits ay ‘hindi nakaw’ MALI

Sinabi ni Luis “Chavit” Singson, mayor ng Narvacan, Ilocos Sur at isang matibay na kaalyado ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na ang mga pondong idineposito sa mga Swiss bank account ng pamilya ng kandidato sa pagkapangulo at nabawi ng gobyerno ng Pilipinas noong 2003 ay “talagang sa kanila ayon sa batas.” Ito ay hindi totoo.

By VERA Files

Mar 1, 2022

4-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Sinabi ni Luis “Chavit” Singson, mayor ng Narvacan, Ilocos Sur at isang matibay na kaalyado ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na ang mga pondong idineposito sa mga Swiss bank account ng pamilya ng kandidato sa pagkapangulo at nabawi ng gobyerno ng Pilipinas noong 2003 ay “talagang sa kanila ayon sa batas.”

Ito ay hindi totoo.

PAHAYAG

Sa isang panayam ni Christian Esguerra, anchor ng programa ng ABS-CBN News Channel na After the Fact, sinabi ni Singson na matagal nang binobomba ang mga Marcos ng “mga alegasyon” ng nakaw na yaman.

Pagkatapos ay binanggit ni Esguerra ang desisyon ng Supreme Court (SC) noong 2003, na napatunayan na mahigit $650 milyon sa mga deposito sa Swiss bank ng mga Marcos ay “nakuha ng labag sa batas.”

Sumagot si Singson:

“Ang diperensya diyan, sinasabi na kasi na ninakaw (ang $650 million). Hindi naman ninakaw eh. Sa kanila ‘yun eh. ‘Yun ang diperensya.”

Pinagmulan: ABS-CBN News Channel 24/7, Why Chavit Singson is campaigning for Bongbong Marcos, Sara Duterte? | ANC, Peb. 18, 2022, panoorin mula 12:12 hanggang 12:18

Paulit-ulit na tinukoy ni Esguerra ang napakaraming ebidensiya na sinuri ng Korte Suprema bago inilabas ang desisyon nito, ngunit iginiit ng mayor na kahit ang mga rekord ay maaaring “imbentuhin.”

Sinabi niya:

“Ipagpalagay mo, worse comes to worst or whatever (yung pinakamalala na o kung anuman), tama ka, ano naman ang kasalanan ng anak (Marcos Jr.)?”

Pinagmulan: panoorin mula 15:59 hanggang 16:05

ANG KATOTOHANAN

Noong 2003, ang SC, na binabanggit ang “hindi maikakaila na mga pangyayari” at “pagbaha ng dokumentaryong ebidensya,” ay nagpasiya na ang mga Marcos ay nabigo na “mabigyang-katwiran ang legal na pinanggalingan ng kanilang” mga pera sa mga Swiss bank na inilipat sa Philippine National Bank. Iniutos ng hukuman ang pagkumpiska ng mga deposito na ito, sa panahong iyon ay nagkakahalaga ng $658,175,373.60.

Ibinatay ng mga mahistrado ang kanilang desisyon sa tatlong bagay:

  1. ang nagkasala ay isang pampublikong opisyal;
  2. nakakuha siya ng malaking halaga ng pera o ari-arian sa panahon ng kanyang panunungkulan; at,
  3. ang halaga ay halatang malayo ang proporsyon sa kanyang suweldo bilang isang pampublikong lingkod at iba pang legal na kita, kasama ang kita mula sa mga lehitimong nabiling ari-arian.

Binanggit ng SC na ang yumaong diktador Ferdinand Marcos Sr. at ang kanyang asawang si Imelda, ay “umamin na nagmamay-ari” ng limang account groups sa mga Swiss bank na nagkakahalaga ng $356 milyon, na “sobrang higit pa sa kanilang pinagsama-samang lehitimong kita” bilang mga opisyal ng gobyerno, na kinalkula na nasa $304,372.43 lamang mula 1966 hanggang 1986.

Ipinaliwanag ng mga mahistrado:

Considering, therefore, that the total amount of the Swiss deposits was considerably out of proportion to the known lawful income of the Marcoses, the presumption that said dollar deposits were unlawfully acquired was duly established.

(Kung isasaalang-alang, kung gayon, na ang kabuuang halaga ng mga deposito sa Switzerland ay talagang malayo sa legal na kita ng mga Marcos, ang pag-aakalang ang nasabing mga dolyar na deposito ay nakuha nang labag sa batas ay wastong napatunayan.)

Sa ilalim ng Section 9 ng rules at regulations ng Presidential Commission on Good Government:

Any accumulation of assets, properties, and other material possessions of those persons covered by Executive Orders No. 1 and No. 2, whose value is out of proportion to their known lawful income is prima facie deemed ill-gotten wealth.

(Anumang akumulasyon ng mga asset, ari-arian, at iba pang materyal na pag-aari ng mga taong sakop ng Executive Orders No. 1 at No. 2, na ang halaga ay hindi naaayon ang proporsyon sa kanilang legal na kita ay ituturing na prima facie na nakaw na yaman.)

Hindi bababa sa tatlong iba pang desisyon ng SC ang nagpatibay sa pagkumpiska ng nakaw na yaman ng mga Marcos at inilipat ang pagmamay-ari nito sa Republika ng Pilipinas. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Video with multiple FALSE claims on Marcos’ Swiss bank accounts back online)

 

Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.

 

Mga Pinagmulan

ABS-CBN News Channel 24/7, Why Chavit Singson is campaigning for Bongbong Marcos, Sara Duterte? | ANC, Feb. 18, 2022

Supreme Court E-library, G.R. No. 152154, July 15, 2003

The LawPhiL Project, Executive Order 1, Rules and Regulations, April 11, 1986

Official Gazette of the Philippines, EXECUTIVE ORDER NO. 1, Feb. 28, 1986

Supreme Court E-library, G.R. No. 189434, April 25, 2012

Supreme Court E-library, G.R. No. 189434, March 12, 2014

Supreme Court E-library, G.R. No. 213027, Jan. 18, 2017

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.