Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Pahayag ni Roque na ‘handa’ na ang listahan ng mga babakunahan taliwas sa sinabi ng DOH

Sa pagbasura sa mungkahi ni Vice President Leni Robredo na gumawa ng isang detalyadong listahan ng mga tatanggap ng bakuna kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19), kinontra ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang Department of Health (DOH) nang sinabi niyang “mayroon nang (listahan).”

By VERA Files

Nov 28, 2020

6-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Sa pagbasura sa mungkahi ni Vice President Leni Robredo na gumawa ng isang detalyadong listahan ng mga tatanggap ng bakuna kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19), kinontra ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang Department of Health (DOH) nang sinabi niyang “mayroon nang (listahan).”

PAHAYAG

Sa isang press briefingnoong Nob. 23, tinanong si Roque kung kailan “magkakaroon ang listahan” ang gobyerno matapos ipanukala ni Robredo ang paghahanda ng mga pangalan at kabuuang bilang ng mga babakunahan sa bawat sektor habang naghihintay ang bansa sa mga bakuna na pang COVID-19.

Sa pagbanggit sa naunang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa mga sektor na bibigyan ng prioridad, tumawa ang tagapagsalita at sinabi:

“Ito na naman tayo. ‘Pag sinabi po ng presidente 4Ps beneficiary, Ma’am Vice President, mayroon na pong listahan iyan. So maraming salamat po sa suhestiyon pero as usual nagawa na po ng gobyerno iyan kasi may listahan na tayo ng 4Ps, may listahan na tayo ng kapulisan, may listahan na tayo ng kasundaluhan at iyong mga frontliners eh alam naman po ng DOH kung sino sila. So thank you po (Kaya maraming salamat po) pero as usual (gaya ng dati), mayroon na po tayong listahan even before your suggestion (bago pa man ang iyong mungkahi).”

Pinagmulan: Presidential Communities Operations Office, Press Briefing ni Presidential Spokesperson Harry Roque, Nob. 23, 2020, panoorin mula 9:41 hanggang 10:02

Sinabi ni Roque na ang national government ay hindi “kailangang sundin” ang mungkahi ni Robredo, na “medyo huli na” dumating dahil ang pangulo ay “nauna na ng 10 hakbang” sa bagay na ito.

ANG KATOTOHANAN

Ilang oras bago ang press briefing ni Roque, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, tagapagsalita rin ng kagawaran, na wala pang “final” na listahan na tumutukoy sa mga pangalan ng mga indibidwal, pati na rin sa mga lugar na dapat unahin para sa pagbabakuna ng COVID-19.

Ang DOH ay ang lead agency sa Task Group Immunization Program ng gobyerno, sinabi ni Vergeire sa VERA Files sa isang sulat na ipinadala sa pamamagitan ng email noong Nob. 26. Kasama sa mga tungkulin nito ang pagpaplano at paggawa ng mga patakaran, alituntunin, at pamamaraan para sa deployment ng bakuna. Trabaho rin ng kagawaran ang “pagtantya ng mga potensyal na bilang” ng target na populasyon na bibigyan ng prioridad sa bakuna ayon sa sektor at lokasyon.

Sa isang media forum bandang 10:30 ng umaga noong Nob. 23, sinabi ni Vergeire, na hinilingan na magkomento sa mungkahi ni Robredo:

“[K]agaya nga ng sabi natin, tayo po ay nandito pa lang sa stage kung saan fina-finalize po natin ang plano, fina-finalize po natin yung mga criteria (pamantayan) natin for identifying areas to be included and, of course, individuals (sa mga lugar na isasama at, siyempre, mga indibidwal).”

Idinagdag niya:

Until we can have a final list of the vaccines that we are going to procure (Hanggang sa magkaroon tayo ng final na listahan ng mga bakuna na kukunin), wala pa ho tayong maibibigay kung sino-sino ang ating babakunahan.”

Pinagmulan: Department of Health, DOH Beat COVID-19 Media Forum | November 23, 2020, Nob. 23, 2020, panoorin mula 09:32 hanggang 09:58

Sa Nob. 22 episode ng kanyang palabas sa radyo na BISErbisyong Leni, sinabi ng bise presidente, matapos na mabigyan ng briefing, “mabuti” ang “disposisyon” ng gobyerno kaugnay ng bakuna, ngunit mayroon siyang “kaunting mga mungkahi.”

Kasama rito ang detalyadong listahan ng mga babakunahan:

“Ang gusto ko sabihin, hindi lang na nakasulat na prioritization pero, halimbawa healthcare workers. Dapat alam na natin ilan ba sila…sino sila, para ‘pag dumating, meron nang recipient. Hindi ‘yung gagawin natin ‘yung listahan ‘pag nandiyan ‘yung vaccine kasi puwede naman ‘yon gawin ngayon.

Pinagmulan: VP Leni Robredo official Facebook page, BISErbisyong LENI – Episode 185, Nob. 22, 2020, panoorin mula 35:42 hanggang 38:13

Sa ngayon, ang sigurado ay ang paunang listahan ng DOH ng mga ospital sa National Capital Region, Cavite, Cebu City, at Davao City — 12 sa kabuuan hanggang Okt. 9 — na lalahok sa Solidarity Trial ng World Health Organization (WHO ) para sa mga bakuna ng COVID-19. Ang pag-aaral ay naka-iskedyul na magsimula sa Disyembre, sinabi ni Vergeire sa isang media forum noong Okt. 26.

Ang kumpletong listahan ng mga lugar at sektor ay ilalabas sa publiko sa sandaling ang mga kasunduan sa pagitan ng gobyerno at ng iba`t ibang mga kumpanya na kasali sa trial ay natapos na, sinabi ng health spokesperson sa Nob. 23 briefing.

Noong unang bahagi ng Nobyembre, itinalaga ni Duterte si Presidential Peace Adviser Carlito Galvez Jr. bilang vaccine czar ng bansa. Si Galvez ay nagsisilbi ring punong tagapagpatupad ng National Action Plan upang sugpuin, patighawin, at pigilan ang pagkalat ng COVID-19. (Tingnan: VERA FILES FACT SHEET: Ang vaccine czar, ipinaliwanag)

Sinabi ng DOH na nais nitong magkapagbakuna ng hindi bababa sa 3% hanggang 20% ng populasyon sa pamamagitan ng COVAX facility ng WHO, isang global initiative para sa pagbibigay sa mga bansa ng pantay na access sa ligtas na mga bakuna sa COVID-19. Kabilang sa mga prioridad na sektor ay ang mga health worker, mga mahihirap na populasyon, at mga senior citizen, na inirekomenda ng WHO.

Kasunod sa mga ulat na ang ilang mga mambabatas ay nabakunahan na, pinayuhan ng Food and Drug Administration ang publiko na “mag-ingat mabuti” sa pagbili at paggamit ng mga hindi rehistradong bakuna.

Sinabi nito na sa kasalukuyan walang rehistradong bakuna ng COVID-19 o anumang aplikasyon para sa pagpaparehistro ng isang bakuna para sa COVID-19 sa bansa.

“Ipinagbabawal ang pagbebenta ng mga bakunang hindi nakarehistro. Ang mga produktong ito ay hindi dumaan sa proseso ng pagpaparehistro ng FDA at hindi nabigyan ng wastong pahintulot. Hindi magagarantiyahan ng ahensya ang kanilang kalidad, kaligtasan, at pagiging epektibo,” sabi ng paunawa.

 

Mga Pinagmulan

RTVMalacañang Official Youtube Channel, Meeting on COVID-19 Concerns and Talk to the People on COVID-19 10/14/2020, Oct. 14, 2020

Presidential Communications Operations Office, Press Briefing of Presidential Spokesperson Harry Roque, Nov. 23, 2020

Letter of Health Undersecretary Maria Rosario Singh-Vergeire to VERA Files sent via email, Nov. 26, 2020

Department of Health, DOH Beat COVID-19 Media Forum | November 23, 2020, Nov. 23, 2020

Vice President Leni Robredo Official Facebook Page, BISErbisyong LENI – Episode 185, Nov. 22, 2020

Department of Science and Technology, DOST PREPARES FOR WHO SOLIDARITY TRIALS, Oct. 9, 2020

Department of Health, DOH Beat COVID-19 Media Forum | October 26, 2020, Oct. 26, 2020

RTVMalacañang Official Youtube Channel, Situation Briefing and Talk to the People on Typhoon ‘Rolly’ 11/2/2020, Nov. 2, 2020

World Health Organization, 172 countries and multiple candidate vaccines engaged in COVID-19 vaccine Global Access Facility, Aug. 24, 2020

The Global Alliance for Vaccines and Immunizations, COVAX explained, Sept. 3, 2020

House of Representatives, COMMITTEE ON PEOPLE’S PARTICIPATION, Nov. 18, 2020

World Health Organization, WHO SAGE ROADMAP FOR PRIORITIZING USES OF COVID-19 VACCINES IN THE CONTEXT OF LIMITED SUPPLY, Nov. 13, 2020

Department of Health, DOH Beat COVID-19 Media Forum | October 19, 2020, Oct. 19, 2020

Inquirer.net, Sotto: Duterte aware Lacson, Romualdez were vaccinated vs COVID-19, Nov. 23, 2020

ABS-CBN News, Romualdez told Duterte he availed of COVID-19 vaccine: Sotto, Nov. 23, 2020

CNN Philippines, Sotto says he got info on alleged vaccination from Romualdez, Nov. 23, 2020

Food and Drug Administration, FDA Advisory No. 2020-1395-A || REITERATION OF FDA ADVISORY NO. 2020-1395 TO TAKE EXTREME CAUTION ON THE PURCHASE AND USE OF UNREGISTERED VACCINES FOR COVID-19, Nov. 24, 2020

Food and Drug Administration, REITERATION OF FDA ADVISORY NO. 2020-1395 TO TAKE EXTREME CAUTION ON THE PURCHASE AND USE OF UNREGISTERED VACCINES FOR COVID-19, Nov. 24, 2020

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.