Ang pahayag ni KABAYAN partylist Rep. Ron Salo noong Nobyembre na bahagi ng P2.5 bilyon na tinanggal sa budget ng 30th Southeast Asian Games (SEA Games) ay inilipat upang pondohan ang mga proyektong pang-imprastraktura sa “Iloilo” ay hindi napatunayan.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng Ombudsman ang Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc) na pinamumunuan ni House Speaker Alan Peter Cayetano. Ilang mga senador ang nanawagan din noong Disyembre ng isang pagsisiyasat sa mga “pagmamalabis” at “posibleng katiwalian” sa likod ng pag-host ng bansa sa biennial sports tournament.
PAHAYAG
Sa isang privilege speech sa plenary session noong Nob. 27 plenary ng House of Representatives, pinuri ni Salo ang Phisgoc, na sinabing “sa kabila ng pagkaantala ng budget at kahit na sa pagtapyas ng SEA Games budget ni Senador Drilon na nagkakahalaga ng 2.5 bilyong piso,” ay naipakita ang “kultura at talentong” Pilipino. Pagkatapos ay idinagdag niya:
“Curiously, however, simultaneous with the 2.5 billion slash in the SEA Games budget, is the increase in the budget for various infrastructure projects in Iloilo by 2.3 billion pesos (Kakatwa, gayunpaman, sabay-sabay sa 2.5 bilyong pagtapyas sa SEA Games budget, ang paglaki ng budget para sa iba’t ibang mga proyektong imprastruktura sa Iloilo ng 2.3 bilyong piso).”
Pinagmulan: House of Representatives, 18th CONGRESS 1st REGULAR SESSION #32, Nob. 27, 2019, panoorin mula 46:19 hanggang 46:58
Ang powerpoint presentation na gamit sa talumpati ni Salo ay nagpakita rin ng teksto:
“Is it coincidence (Nagkataon ba ito)? Php 2.3B Nilipat sa Iloilo (Transferred to Iloilo)”
Pinagmulan: House of Representatives, 18th CONGRESS 1st REGULAR SESSION #32, Nob. 27, 2019, panoorin 46:49
“Iloilo” ang balwarte ni Sen. Franklin Drilon. Nauna nang kinuwestiyon ng senador ang paglabas ng P700 milyon sa Phisgoc, isang pribadong foundation, bago magsimula ang SEA Games.
ANG KATOTOHANAN
Ang pahayag ni Salo ay nananatiling hindi napapatunayan.
Hindi malinaw kung ang tinutukoy ng kinatawan ng partylist sa kanyang talumpati ay ang siyudad o probinsiya ng Iloilo.
Ang isa sa mga pinagkukunan ng budget ng local government unit (LGU) ay ang Internal Revenue Allotment (IRA). Ito ay bahagi ng national internal revenue na ibinibigay nang diretso sa mga LGU bilang “automatic appropriation.”
Nangangahulugan na ang IRA ay “hindi kailangang dumaan sa pag-apruba ng kongreso bago ito pakawalan sa mga LGU.”
Higit pa, ang mga paglalaan ng budget para sa bawat lokalidad ay natutukoy at isinasagawa ng kani-kanilang mga konseho ng lungsod at probinsya.
Ang mga datos mula sa parehong Iloilo City at Iloilo Province ay nagpapakita na ang kanilang mga budget sa imprastraktura noong 2019 ay hindi umabot kahit sa isang bilyong piso.
Ang paglalaan ng Iloilo City para sa iba’t ibang mga proyekto sa imprastraktura sa 2019 ay nagkakahalaga ng P 141.1 milyon. Hindi kabilang dito ang mga proyekto na pinondohan ng pambansang pamahalaan sa pamamagitan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at iba pang mga ahensya.
Ang pangkalahatang taunang budget ng lungsod para sa 2019 ay P 2.3 bilyon.
Samantala, ang budget ng lalawigan ng Iloilo para sa imprastraktura ay tumaas sa P516.4 milyon ngayong taon. Ang kabuuang 2019 budget ng lalawigan ay P4.1 bilyon.
Ang ilan sa mga high profile na proyekto sa imprastraktura sa lalawigan at lungsod ng Iloilo ay pinondohan sa pamamagitan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Transportation (DOTr).
Ang Panay-Guimaras-Negros Bridge Program, na tatawid sa isang bahagi ng Iloilo Province, ay isang patuloy na P97.3-bilyon flagship project ng DPWH na pinondohan sa pamamagitan ng Official Development Assistance (ODA), isang pautang at / o grant na ibinigay ng mga dayuhang pamahalaan sa Pilipinas.
Ang isa pang proyekto sa ilalim ng DPWH ay ang patuloy na pagtatayo ng isang drainage system sa ilang bahagi ng Iloilo City. Mayroon itong nakalaang budget na P190 milyon.
Ang pagpapalawak ng Iloilo International Airport na nagkakahalaga ng P30.4 bilyon pinangunahan ng DOTr at inaasahang matatapos sa Disyembre 2021.
BACKSTORY
Sa sesyon ng Senado noong Disyembre 2018 tungkol sa General Appropriations Bill (GAB) para sa 2019 National Budget, kinuwestiyon ni Drilon kung bakit ang P7.5 bilyong budget para sa SEAG ay isinampa kasama ng Department of Foreign Affairs (DFA), kung saan pinuno ng SEAG organizing committee si Alan Peter Cayetano ay dating kalihim, at hindi sa Philippine Sports Commission (PSC).
Iminungkahi niya pagkatapos na ilipat ang inilalaang pondo sa PSC, kung saan sumang-ayon ang Committee on Finance Chairperson na si Sen. Loren Legarda.
Gayunman, sa bicameral report sa GAB na ipinakita ni Legarda noong Peb. 8 na sesyon ng Senado, ang inilipat na budget mula sa DFA hanggang PSC ay nagkakahalaga lamang ng P 5 bilyon. Hindi ito kasama sa kanyang ulat kung saan napunta ang natitirang P2.5 bilyong dapat na budget para sa SEAG.
Ang bicameral committee, na sa huli ay inaprubahan ang GAB, ay binubuo ng mga kinatawan mula sa parehong House at Senado.
Pinasinungalingan ni Drilon, sa isang press release noong Nob. 27, ang pahayag ni Salo, at nilinaw na ang bicameral committee, at hindi siya, ang nag bawas sa budget ng SEAG mula sa P7.5 bilyon hanggang P5 bilyon.
Kilala ang Ilonggo Senate Minority Floor Leader sa pagtulak ng iba’t ibang mga proyekto sa imprastruktura para sa Iloilo. Siya ay pinarangalan noong Agosto sa kanyang kontribusyon sa pag-unlad ng ekonomiya ng lalawigan.
Una nang inakusahan ang senador ng katiwalian sa mga proyekto sa imprastruktura sa Iloilo. Noong 2014, ang mamamahayag na nakabase sa Iloilo at kolumnista na si Manuel Mejorada ay nagsampa ng mga kasong pandarambong laban kay Drilon dahil sa umano’y overpriced na Iloilo Convention Center. Noong 2017, si Mejorada ay napatunayang nagkasala ng apat na bilang ng libel at sinintensiyahan ng hanggang sa apat na taon at dalawang buwan na pagkabilanggo.
Ang nakaliligaw na impormasyon ay umusbong online pagkatapos ng pasaring ni Salo. Ang Youtube channel na Usapang Balita TV ay nag-upload noong Nob. 27 ng isang video na pinamagatang “Sea games budget kinaltasan ng 2.5B ng Senado napunta sa Bayan ni Drilon sa iloilo ang 2.3B.” Itinampok nito ang bahagi ng talumpati ni Salo, pati na rin ang komentaryo na pinasasaringan si Drilon.
Ito ay napanood ng higit sa 20,000 beses, at maaaring umabot sa higit sa 200,000 mga gumagamit ng social media. Ang Public Facebook groups na Tulfo Brothers Worldwide at DUTERTE MARCOS SUPPORTERS ay gumawa ng karamihan sa trapiko nito.
Mga Pinagmulan
Senate of the Philippines, Senate Resolution No. 274, Dec. 16, 2019
House of Representatives, 18th CONGRESS 1st REGULAR SESSION #32, Nov. 27, 2019
The Official Gazette, Republic Act No. 9358, Oct. 17, 2006
Department of Budget and Management, Budget Operations Manual for Local Government Units, 2016
The Official Gazette, Republic Act No. 7160, Oct. 10, 1991
Iloilo City Government, 20 percent Infrastructure Budget for years 2018 and 2019, received Dec. 16, 2019
Province of Iloilo, Breakdown of 2018 Budget for Infrastructure, received Dec. 10, 2016
Province of Iloilo, Breakdown of 2019 Budget for Infrastructure, received Dec. 10, 2016
Province of Iloilo, Total Budget for years 2018 and 2019, received Dec. 10, 2016
National Economic and Development Authority, Infrastructure Flagship Projects Matrix 2019, July 2019
Environmental Management Bureau, Feasibility Study of Panay-Guimaras-Negros Island Bridges Project, August 2019
National Economic and Development Authority, Official Development Assistance, n.d.
National Economic and Development Authority, CY 2019 3rd Quarter RPMES Status Report, Sept. 30, 2019
Build Build Build, Iloilo Airport – Operations, Maintenance and Development Project, n.d.
Senate of the Philippines, Senate Journal Session No. 41, Dec. 4-7, 2018
Senate of the Philippines, Senate Journal Session No. 53, Feb. 8, 2019
Senate of the Philippines, Statement of Senate Minority Leader Franklin Drilon on Rep. Ron Salo’s statement, Nov. 27, 2019
GMA News, Drilon urges gov’t to start building Iloilo-Guimaras bridge, Aug. 21, 2019
Philippine Star, Drilon cited for contribution to Iloilo’s economy, Aug. 18, 2019
Manila Bulletin, Drilon feted by Ilonggo business leaders, Aug. 17, 2019
Philippine Star, Drilon faces plunder for ‘overpriced’ Iloilo Convention Center, Oct. 29, 2014
Rappler, Drilon, Cabinet secs face raps over ‘overpriced’ Iloilo building, Oct. 29, 2014
GMA News, Drilon faces raps over alleged overpriced Iloilo convention center, Oct. 29, 2014
Inquirer.net, Drilon critic sentenced to up to 4 years in prison for libel, Feb. 20, 2017
GMA News, Pasay court convicts Drilon critic for libel, Feb. 21, 2017
Aksyon Radyo Iloilo, Former Provincial Administrator kag journalist Manuel Mejorada, ginpamatbatan nga Guilty sa Libel Case nga ginfile ni Sen. Franklin Drilon, Feb. 21, 2017
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)