Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Pahayag ni Sotto na katigasan ng ulo ng Pilipino ang dahilan ng mga kaso COVID-19 sa PH walang basehan

Sinabi ni Senate President Vicente Sotto III na ang katigasan ng ulo ng mga Pilipino ang dapat sisihin sa mga kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa. Wala itong batayan.

By VERA Files

Oct 20, 2020

9-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Sinabi ni Senate President Vicente Sotto III na ang katigasan ng ulo ng mga Pilipino ang dapat sisihin sa mga kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.

Wala itong batayan.

PAHAYAG

Sa isang panayam noong Okt. 3, tinanong si Sotto kung ang pagkakasama kamakailan ng Pilipinas sa top 20 na mga bansa na may pinakamaraming kumpirmadong kaso ng COVID-19 ay isang indikasyon na hindi epektibo ang tugon ng gobyerno sa krisis sa kalusugan. Sumagot siya:

“Hindi rin…katulad tayo ng ibang nasa top 10…o top 20, puro tayo mga medyo matindi ang democratic processes (demokratikong proseso) na kaunting may ano, ayaw, ‘di ba?…Kaya madali rin tayong mahawa, kasi masyadong matigas ang ulo.”

Hiningi ang kanyang komento tungkol sa kay United States President Donald Trump na nag positibo sa COVID-19:

“Iyon na nga, kaya huwag niyo nang ipapa-pares ‘yung atin doon. Iba ‘yong sa atin, ‘yung sa atin, katigasan lang ng ulo natin ‘yon…Hindi lahat, ha; marami sa atin talaga sumusunod. Nakita mo, hindi nadadale ‘yung mga sumusunod, hindi ba?…104,700,000 Filipinos (Pilipino) ang sumusunod; may 300,000 na hindi sumusunod, ‘yun ‘yung nadale.”

Pinagmulan: DWIZ 882, USAPANG SENADO kasama si CELY ORTEGA – BUENO, Okt. 3, 2020, panoorin mula 16:28 hanggang 20:08

ANG KATOTOHANAN

Tatlong bagay ang tinukoy ng Department of Health na dahilan ng pagdami ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa: ang pag-igting ng testing at contact tracing capacity, patuloy na community transmission, at pagkaantala sa pag-uulat ng mga nakumpirmang kaso — hindi katigasan ng ulo — ayon sa isang pahayag ni Health Undersecretary at Spokesperson Ma. Rosario Vergeire na ipinadala sa VERA Files noong Agosto.

Sa hiwalay na tugon sa mga katanungang ipinadala sa email, sinagot ni Vergeire ang mga pahayag na ang “katigasan ng ulo” ng mga Pilipino ang sanhi ng higit sa 330,000 mga kaso ng COVID-19 sa bansa. Sinabi niya sa Ingles:

“Ang COVID-19 ay isang bagong sakit na dumating bilang sorpresa sa lahat ng mga bansa. Dahil sa pagiging bago nito, nagkaroon ng kakulangan ng datos sa simula na maaaring nakadagdag sa mabilis na pagtaas ng mga kaso sa unanh bahagi ng pandemic. Noon, ang minimum public health standards ay hindi pa ganap na ipinatutupad at ang publiko at health care workers ay hindi pa napagbigyan-alam. Gayunpaman, habang ang datos sa COVID-19 ay naging mas available, ang Department of Health at iba pang mga ahensya ay mabilis na bumalangkas ng mga patakaran at patnubay na sa kalaunan ay nakatulong sa pagsugpo sa bilang ng mga impeksyon sa bansa.”

Pinagmulan: Department of Health, Response to VERA Files’ inquiry, Okt. 12, 2020

Sinabi niya na ang DOH ay “naniniwala na ang populasyon ng Pilipino ay may kakayahang na idisiplina ang sarili at baguhin ang pag-uugali” at kung may “tamang impormasyon at sapat na social cues,” “mababago ng mga Pilipino ang kanilang pag-uugali upang mabawasan ang pagkalat ng COVID-19.”

Dahil dito, idinagdag niya, inilunsad ng departamento ang BIDA campaign, na hinihimok ang publiko na ipagpatuloy ang pagsasagawa ng mga hakbang sa kalusugan laban sa COVID-19, at naglabas ng mga alituntunin para sa mga kumpanya at institusyon sa pagpigil sa pagkalat ng virus sa kanilang mga imprastraktura.

Kahit pa ganoon, sinabi ni Vergeire na ang mga Pilipino ay hindi maaaring maging “kampante” dahil may posibilidad na “maaari tayong bumalik sa dati nating sitwasyon,” na tumutukoy sa pagpapataw ng mahigpit na quarantine sa komunidad at limitadong mga gawaing pang-ekonomiya.

Ang mga resulta ng pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS) ay salungat din sa pahayag ni Sotto. Ang survey, na isinagawa mula Set. 17 hanggang 20, ay nagpapakita na ang karamihan ng mga nasa hustong gulang na Pilipino ay “laging” sumusunod sa mga COVID-19 safety measures. Ang SWS survey ay nagtanong sa 1,249 respondents na may edad 18 pataas mula sa iba`t ibang bahagi ng bansa at nalaman na:

  • 79 porsyento ang laging gumagamit ng isang face mask kapag lumalabas sa kanilang mga bahay;
  • 67 porsyento ang laging naghuhugas ng kamay nang maraming beses sa isang araw;
  • 60 porsyento ang laging sinusunod ang “pisikal na distansya” o ligtas na distansya na hindi bababa sa isang metro mula sa ibang mga tao kapag nasa labas ng kanilang mga tahanan; at,
  • 56 porsyento ang laging gumagamit ng face shield tuwing sumasakay sa pampublikong transportasyon o pumupunta sa mga establisyemento tulad ng mga mall, palengke, o mga botika.

Ang SWS survey, na isinasagawa sa pamamagitan ng mga panayam sa mobile phone, ay may sampling error margin na ±3 porsyento para sa mga nationwide na resulta.

Ang mga resulta noong Setyembre ay hindi nalalayo sa mga naunang ginawang katulad na mga survey noong Mayo 2020 at Hulyo 2020.

Sa isa pang pandaigdigang survey na magkasamang isinagawa ng Institute of Global Health Innovation (IGHI) sa Imperial College London at YouGov, ang mga resulta, mula Set. 28, ay nagpapakita rin na ang karamihan ng mga Pilipino ay patuloy na sumusunod sa mga health measure, tulad ng laging pagsuot ng face mask sa mga pampublikong lugar (87 porsyento) at pagpapabuti ng personal hygiene (83 porsyento), laban sa COVID-19.

Sa ulat nito noong Setyembre, napag-alaman ng IGHI na hindi nalalayo ang Pilipinas kumpara sa 10 iba pang mga bansa na na survey sa Asia. Pangalawa ito sa Singapore na may mga respondent na nagsabing lagi silang nagsusuot ng face mask sa labas ng kanilang tahanan, at una sa palaging naghuhugas ng kamay at umiiwas sa paglabas-labas (nakapareho ng India), bukod sa iba pang mga hakbang.

Naitala sa Pilipinas ang kauna-unahang kaso ng COVID-19 noong huling bahagi ng Enero nang isang babae mula sa Wuhan City, China — kung saan ang mga kaso ng viral disease ay unang lumitaw — ay nakumpirmang positibo sa virus habang bumibisita sa bansa.

Ang iba pang mga kaso ay sumunod na naitala na kasama hindi lamang mga dayuhan kundi pati na rin ang mga Pilipino na mayroong record ng paglalakbay o nahawahan ng virus mula sa lokal na pamayanan. Noong Marso 7, idineklara ng DOH na mayroon nang local transmission ng COVID-19. Ang mga lockdown ng komunidad ay ipinataw mula Marso 15. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Duterte inulit ang maling pahayag na una ang PH na mag COVID lockdown sa Asia)

Hanggang Okt. 20, ang Pilipinas ay nag-ulat ng 360,775 na mga kaso, kung saan 310,642 ang mga naka-recover habang 6,690 ang namatay. Ang pinakabagong reproduction number ng COVID-19 ay 0.93, na nangangahulugang ang isang nahawahan na indibidwal ay maaaring makapagpasa ng virus sa halos isang tao. (Tingnan ang VERA FILES FACT SHEET: Mga numerong gamit sa pagsukat ng tagumpay ng tugon ng gobyerno sa COVID-19 ipinaliwanag)

Ang mga Pilipino mula sa iba`t ibang sektor, kabilang ang medical workers, ay nahawahan ng COVID-19. Nitong Okt. 19, 10,851 na health workers ang nagkasakit dahil sa virus, na may 10,088 ang naka-recover, 429 ang may mga aktibong kaso, at 64 ang namatay.

Inilabas ng ilang mga institusyon ng gobyerno ang kanilang listahan ng mga tauhan na nag positibo sa COVID-19. Sa House of Representatives, hanggang Okt. 3, may 85 kumpirmadong mga kaso, kabilang ang 10 mga kinatawan, na may 70 ang naka-recover at lima ang namatay, kabilang ang dalawang kinatawan.

Sa Senado, apat na senador ang nahawahan ng virus. Noong Marso 12 at Hunyo 23, hinigpitan ang access sa gusali ng Senado dahil ang ilang mga tauhan at resource persons ay nagpositibo sa COVID-19.

Ang ilang mga mataas na opisyal ng Gabinete ay nagkaroon din ng COVID-19. Si Interior Secretary Eduardo Año, vice chairman ng National Task Force Against COVID-19, ay dalawang beses nahawahan, noong Marso at Agosto. Ang iba ay sina Education Secretary Leonor Briones na nagpositibo noong Marso at si Public Works Secretary Mark Villar, ang chief isolation czar din, noong Hulyo.

 

Mga Pinagmulan

DWIZ 882, USAPANG SENADO kasama si CELY ORTEGA–BUENO, Oct. 3, 2020

Senate of the Philippines, Press Release – PRIB: Transcript of interview of Senate President Vicente C. Sotto III with Ms. Cely Bueno of DWIZ, Oct. 3, 2020

Social Social Weather Survey, SWS September 17-20, 2020 National Mobile Phone Survey – Report No. 4: Large majorities still practice the Covid-19 safety measures, Sept. 29, 2020

Social Weather Survey, SWS May 4-10, 2020 Covid-19 Mobile Phone Survey – Report No. 4: Since the start of the Covid-19 crisis, 77% of Filipinos always use a face mask, 68% always wash their hands, and 64% always keep “social distance”, May 25, 2020

Social Weather Survey, SWS July 3-6, 2020 National Mobile Phone Survey – Report No. 7: Large majorities of Filipinos continue to practice Covid-19 prevention measures, July 24, 2020

YouGov, Personal measures taken to avoid COVID-19, Accessed Oct. 14, 2020

Imperial College London, Covid-19: Social behaviours across Asia, September 2020

Department of Health, Response to VERA Files’ inquiry, Oct. 12, 2020

Department of Health, Vera Files Interview request for Dr. Rosario Vergeire on COVID-19.pdf, Aug. 10, 2020

Department of Health, DOH CONFIRMS FIRST 2019-NCOV CASE IN THE COUNTRY; ASSURES PUBLIC OF INTENSIFIED CONTAINMENT MEASURES, Jan. 30, 2020

Department of Health, DOH REPORTS 1 COVID DEATH AND 3 NEW CASES, March 12, 2020

Department of Health, DOH CONFIRMS LOCAL TRANSMISSION OF COVID-19 IN PH; REPORTS 6TH CASE, March 7, 2020

Department of Health, Case Bulletin No. 220 , Oct. 20, 2020

Department of Health, COVID-19 Philippine Situation No. 175, Oct. 19, 2020

Senate of the philippines, Press Release – Sotto: Restricted Access and Not Lockdown, March 12, 2020

Senators infected from COVID-19

Senate building restriction

Representatives victimized by COVID-19

Cabinet officials positive for COVID-19

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.