Inulit ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang maling pahayag na ang Pilipinas ang unang bansa sa Asia na nagpataw ng isang “lockdown” upang labanan ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19). Ito, habang tinatanggi ng mga opisyal ang mga alegasyon na nahuli ang gobyerno sa pagpapatupad ng mga mahigpit na hakbang para makontrol ang pagkalat ng sakit sa bansa.
PAHAYAG
Noong Abril 16, sa isa pang gabing “pakikipag-usap sa mga tao” na talumpati, sinabi ni Duterte na habang ang “lockdown” ay isang “malupit na hakbang” ng gobyerno, napigilan nito na madale ng virus ang maraming tao.
Sinabi niya pagkatapos:
“Kasi kung hindi ko ni-lockdown ang Pilipinas…Nakita mo ‘yung mga bansa na, you know, hindi naman — I don’t know if it’s (hindi ko alam kung ito)…Kayabangan rin naman nila, ayaw. But (Ngunit) dito, tayo ang nauna sa Asia. Tayo talaga ang nauna sa Asia.”
Pinagmulan: RTVMalacanang, Talk to the People on COVID-19 4/16/2020, Abril 16, 2020, panoorin mula 36:54 hanggang 37:17
Nagbitaw din si Duterte ng parehong pahayag noong Abril 8, na sinabing siya ang unang nagpatupad ng lockdown dahil “sinundan niya sa kwento” ng COVID-19.
ANG KATOTOHANAN
Taliwas sa pahayag ng pangulo, hindi bababa sa apat na mga bansa sa Asia ang nauna sa Pilipinas na magpataw ng mga hakbang na lockdown at quarantine upang matugunan ang pandemic.
Ipinasailalim muna ni Duterte ang buong Metro Manila sa community quarantine lamang noong Marso 12, pagkatapos ay isang halos 30-araw na enhanced community quarantine (ECQ) noong Marso 16, na kanyang pinalawak upang masakop ang buong Luzon hanggang Abril 30. (Tingnan ang VERA FILES FACT SHEET: Pag-unawa sa mga patakaran ng ‘community quarantine’ at ‘social distancing’)
Ang iba pang mga bansa sa Asia, tulad ng Vietnam, Saudi Arabia, at Mongolia, ay nagpatupad ng lockdown bago nito — ang ilan noon pang Pebrero. Ang China ang unang nag utos ng ganitong hakbang sa buong mundo, nang ideklara nito ang lockdown noong Enero sa Wuhan City, Hubei Province, ang ground zero ng COVID-19.
Sa katunayan, tumanggi sina Duterte at Heath Secretary Francisco Duque III sa naunang panukala ng isang mambabatas noong Marso 9 na magpataw ng lockdown, partikular sa Metro Manila, tinawag itong “premature” dahil hindi pa narating ng bansa ang “ganoong uri ng kontaminasyon.”
Nang oras na iyon, mayroong 20 na nakumpirmang kaso ng COVID-19 sa bansa, at naitala ng mga awtoridad sa kalusugan ang unang lokal na transmission ng sakit. Nang ianunsyo ng pangulo ang community quarantine noong Marso 12, mayroon nang 52 na nakumpirma na mga kaso, higit doble ang bilang tatlong araw ang nakalipas.
Una nang minaliit ni Duterte ang banta ng novel coronavirus, sinabi sa isang press briefing noong Peb. 3 na ang virus ay “mamamatay nang kusa kahit na walang bakuna.” Wala pang dalawang linggo, hinikayat niya ang mga Pilipino na maglakbay sa buong bansa kasama niya upang mapalakas ang lokal na turismo. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Duterte says he’s been warning of ‘deadly’ COVID-19 from the beginning. Not quite.)
Abril 22, naitala ng Pilipinas ang 6,710 kaso ng COVID-19, na may 446 na namatay at 693 na naka-recover. Sa ngayon, ito ang may pangatlong pinakamataas na bilang ng mga naiulat na kaso sa Southeast Asia (SEA), sunod sa Singapore at Indonesia, ayon sa tracker ng Johns Hopkins.
Sa pagbabale-wala sa mga pahiwatig na ang mga pagkukulang ng gobyerno — hindi ang “kakulangan sa disiplina ng mga tao” tulad ng kanyang dating sinasabi — ang naglagay sa Pilipinas sa mga bansa ng SEA na may pinakamataas na kaso ng COVID-19, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, sa kanyang press briefing noong Abril 20:
“I dispute that po (Itinatanggi ko po ‘yan) dahil tayo po ang kauna-unahang bansa sa Asia na nagkaroon ng ECQ. So (Kaya’t) hindi po tayo mabagal.”
Pinagmulan: Presidential Communications Operations Office, Virtual Presser of Secretary Harry Roque, Abril 20, 2020, panoorin mula 34:06 hanggang 34:13
Sa kanyang bahagi, naunang sinabi ni Cabinet Secretary Karlo Nograles, ang tagapagsalita ng Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Diseases na namamahala sa pambansang patakaran sa COVID-19, na kung hindi nagdeklara ang pangulo ng ECQ sa panahong ginawa niya ito, “kung kailan ay mga tao na sinasabi na (ito ay) OA (over acting), maiisip mo lang … mas malala pa ang mangyayari sa Pilipinas.”
Ang iba pang mga opisyal ay ipinagmalaki rin ang bisa ng “pag-lock” sa kalahatian ng ECQ.
Sa isang briefing noon Abril 8, sinabi ni Presidential Adviser on Peace Process Carlito Galvez Jr, ang punong tagapagpatupad ng pambansang patakaran laban sa COVID-19, na ang panukala ay “napakalaking pakinabang” dahil binigyan nito ang bansa ng mas maraming oras upang mapagbuti ang kakayahang medikal.
Sa parehong briefing, sinabi ni Duque — na, noong Enero, ay tinanggihan ang ideya na pagbawalan ang mga turista na nagmula sa mainland China — na ang “mapangahas” na hakbang ni Duterte na magpatupad ng isang “ganap na paghihigpit sa paglalakbay” at magpataw ng “lockdown,” o isang ECQ, ang mga “pangunahing dahilan” kung bakit ang bansa ay may “mababang rate ng impeksyon” kumpara sa ibang mga bansa.
Hindi ito ang kauna-unahang pagkakataon na gumawa ng maling pahayag si Duterte tungkol sa lockdown laban sa COVID-19 pandemic. Noong Marso 19, mali ang kanyang pahayag na ang lahat ng mga bansa sa mundo ay nagpataw na ng gayong mga hakbang. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Duterte wrongly claims all countries imposed lockdown to counter COVID-19)
Mga Pinagmulan
RTVMalacanang, Talk to the People on COVID-19 4/16/2020, April 16, 2020
Inquirer.net, ‘Parang martial law’: Duterte warns troops to take over if Filipinos break quarantine, April 16, 2020
World Health Organization, Coronavirus (COVID-19) events as they happen, Accessed April 17, 2020
RTVMalacanang, PRRD’s Meeting with the IATF-EID and Talk to the Nation on COVID-19 4/8/2020, April 8, 2020
RTVMalacanang, Public Address on the Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) 3/12/2020, March 12, 2020
ABS-CBN News, President Duterte makes public address on COVID-19 | ABS-CBN News, March 16, 2020
GMA News, LIVESTREAM: Palace briefing with presidential spokesman Harry Roque | April 20, 2020 | Replay, April 20, 2020
China lockdown
- New York Times, China Ends Wuhan Lockdown, but Normal Life Is a Distant Dream, April 17, 2020
- Business Insider, How Wuhan residents are reacting to the end of their 76-day lockdown, April 15, 2020
- CNN, China lifts lockdown on Wuhan as city reemerges from coronavirus crisis, April 8, 2020
Vietnam lockdown
- CNN, February 13 coronavirus news, Feb. 13, 2020
- Bangkok Post, Vietnam quarantines area with 10,000 residents over coronavirus, Feb. 13, 2020
- VN Express, Vietnam ends lockdown for coronavirus commune, March 4, 2020
Saudi Arabia lockdown
- Saudi Press Agency, Ministry of Interior: Suspending entry into and exit from Qatif Governorate temporarily The official Saudi Press Agency, March 8, 2020
- The Guardian, Saudi Arabia seals off Shia Qatif region over coronavirus fears, March 9, 2020
- Al Arabiya, Saudi Arabia temporarily suspends travel to 9 coronavirus-hit countries, March 9, 2020
Mongolia lockdown
- Retuers, Mongolia confirms its first coronavirus case in French worker, March 9, 2020
- Garda, Mongolia: Government places Ulaanbaatar and other cities on lockdown due to COVID-19 March 10 /update 7, March 10, 2020
- Strait Times, Mongolia locks down cities after reporting first coronavirus case, March 10, 2020
Department of Health, DOH REPORTS 1 COVID DEATH AND 3 NEW CASES, March 12, 2020
Proposal to put under lockdown the Metro Manila
- Business Mirror, Is it time to lock down Metro Manila? Duque says no to Salceda proposal, March 10, 2020
- Daily Tribune, Metro lockdown premature — DoH, March 10, 202
- Philippine Daily Inquirer, Duterte thumbs down proposed NCR lockdown: It’s too early, March 9, 2020
- ANC, Duterte: No Metro Manila lockdown due to COVID-19 | ANC, March 10, 2020
- News5Everywhere, ‘Premature’ pa para i-lockdown ang NCR —Sec. Duque, March 9, 2020
World Health Organization, Situation Report 52, March 12, 2020
World Health Organization, Situation Report 49, March 9, 2020
COVID 19 official website, COVID-19 Timeline, Accessed April 18, 2020
RTVM, PRRD’s Meeting with the IATF-EID and Talk to the Nation on COVID-19 4/8/2020, April 8, 2020
Rappler.com, Even with coronavirus scare, no mainland Chinese travel ban for now – Duque, Jan. 29, 20202
RTVMalacanang, Message of President Rodrigo Roa Duterte 3/19/2020, March 19, 2020
Department of Health, DOH COVID-19 Tracker, Accessed April 21, 2020
John Hopkins University and Medicine, COVID-19 Map, Accessed April 21, 2020
World Health Organization, Situation Report 90
Timeline on PH gov’t initial response on COVID threat
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)