Sa kabila ng babala ng Facebook (FB) laban sa mga page na nagkakalat ng impormasyon na lumalabag sa mga pamantayan ng komunidad nito, nanindigan sina Partylist Rep. Michael “Mike” Defensor at Rodante Marcoleta na ang antiparasitic drug na ivermectin ay maaaring gamitin laban sa anumang variant ng coronavirus disease (COVID-19). Ang pahayag ay walang sapat na siyentipikong batayan.
Nais pa ni Defensor, na kumakatawan sa AnaKalusugan partylist, na imbestigahan ng Kongreso ang FB dahil sa “censorship” sa kanyang page bunga ng kanyang “pagsusuri” ng isang COVID-19 update sa internet.
Kasama si Marcoleta ng SAGIP partylist, hinimok ni Defensor ang publiko, sa isang video message na inilathala noong Hulyo 17, na magbigay ang kanilang contact information kung gusto nila ng libreng ivermectin tablets upang “protektahan” sila sa mga variant ng COVID-19.
Sinabi ni Defensor sa isa pang post na kailangang “turuan” ang mga tao tungkol sa biglang pagtaas ng kaso ng Delta variant, isang mas mabilis na makahawang strain ng COVID-19 virus, at upang makapaghanda para sa pamamahagi ng antiparasitic drug para sa pag-iwas at paggamot nito. (Tingnan ang VERA FILES FACT SHEET: Amid new COVID-19 virus variants, here’s how the Philippines can prevent another surge)
Isang tagapagtaguyod ng ivermectin, sinabi ni Defensor na pansamantalang “na-block” ang kanyang FB page noong Agosto 2 dahil sa pag-post ng “isang bagay na lumalabag sa mga patakaran ng Facebook.”
Hindi naman medical expert, si Defensor ay nag-post pa rin ng kanyang interpretasyon ng isang pag-aaral tungkol sa paggamit ng ivermectin sa India matapos na ibalik ng Facebook ang access sa kanya at kanyang partylist pages.
Sa isang media briefing noong Hulyo 9, inulit ni Health Undersecretary Maria Rosario Singh-Vergeire ang naunang paliwanag na ang Department of Health (DOH) ay “hindi pa nakahahanap ng sapat na datos batay sa siyentipikong ebidensya” na susuporta na ang ivermectin ay makakatulong sa mga taong nahawaan ng COVID-19.
Panoorin ang video na ito:
Binanggit ni Vergeire ang isang pag-aaral ng Clinical Infectious Diseases (CID) — ang opisyal na publikasyon ng Infectious Diseases Society of America — na nagsabing ang ivermectin ay “hindi isang praktikal na opsyon sa pang gamot ng mga pasyente ng COVID-19.”
Inilathala noong Hunyo 28, nirepaso at sinuri ng mga mananaliksik ang 10 randomized controlled trials. “Ang aming sistematikong pagsusuri ng mga randomized controlled trial ay nagpakita na ang ivermectin ay hindi nakabawas sa lahat ng sanhi ng pagkamatay, tagal ng pananatili o viral clearance kumpara sa mga kontrol sa mga pasyente ng COVID-19 na may halos banayad na sakit,” sabi ng pag-aaral.
Sa ikaanim na bersyon ng therapeutics and COVID-19 living guidelines na inilabas noong Hulyo 7, sinabi ng World Health Organization (WHO) na ang ivermectin ay maaaring may “kaunti o walang epekto sa oras sa clinical improvement (mababang katiyakan na ebidensya).”
Sinabi rin nito na ang treatment data ng ivermectin ay may “mataas na antas ng kawalan ng katiyakan” dahil ang mga trial may mas kaunting mga pasyente at kaganapan kumpara sa mga katapat na gamot para sa pagsusuri.
Sinuri ng guideline development group ang pinagsama-samang datos mula sa 16 randomized controlled trials na binubuo ng 2,407 indibidwal. Gayunpaman, tinukoy nito sa isang artikulo noong Marso 31 na ang pag-aaral ay hindi pinag-aralan ang paggamit ng ivermectin para sa pag-iwas sa COVID-19.
Sinabi ng mga eksperto sa pampublikong kalusugan na binuo ng international nonprofit organization Meedan sa VERA Files Fact Check na “walang mga pag-aaral na nailathala na naghahambing sa epekto ng Ivermectin laban sa apat nakilalang umiikot na variant (Alpha, Beta, Gamma at Delta) ng COVID-19.”
Sinabi rin ng Meedan na ang ivermectin ay pangunahing nasuri para sa “paggamot ng COVID-19, hindi para makaiwas sa virus.”
Nagbabala ang European Medicines Agency (EMA) laban sa paggamit ng ivermectin para sa “pag-iwas o paggamot sa COVID-19 sa labas ng mga randomized clinical trial.”
Sa pagsusuri ng ebidensya sa paggamit nito, sinabi ng EMA na “maaaring hadlangan ng ivermectin ang replication ng SARS-CoV-2 (ang virus na nagdudulot ng COVID-19), ngunit sa mas mataas na konsentrasyon kaysa sa kasalukuyang awtorisadong mga dosis.”
Idinagdag nito na ang mga resulta mula sa mga klinikal na pag-aaral ay “iba-iba,” na binanggit na ang ilan ay nagpapakita ng alinman sa walang benepisyo o may potensyal na benepisyo.
“Karamihan sa mga pag-aaral na sinuri ng EMA ay maliit at may mga karagdagang limitasyon, kabilang ang iba’t ibang mga regimen sa dosis at paggamit ng mga kasabay (kasamang) gamot. Kaya’t napagpasyahan ng EMA na ang kasalukuyang magagamit na ebidensya ay hindi sapat upang suportahan ang paggamit ng ivermectin sa COVID-19 sa labas ng mga klinikal na pagsubok,” sinabi nito sa Ingles sa isang news release.
Sa pagbanggit sa pagkalat ng maling impormasyon tungkol sa ivermectin, nagbabala ang United States (U.S.) FDA laban sa pag-inom ng malalaking dosis ng anti-parasitic drug, na maaaring magdulot ng mga side effect tulad ng pagduduwal, pagsusuka, pagtatae, mababang presyon ng dugo, mga allergic reaction, mga problema sa pag balanse, mga seizure, coma at kahit kamatayan.
“Hindi pa nakapagrepaso ang FDA ng datos upang suportahan ang paggamit ng ivermectin sa mga pasyente ng COVID-19 para gamutin o maiwasan ang COVID-19; gayunpaman, isinasagawa ang ilang paunang pananaliksik. Ang pag-inom ng gamot para sa hindi naaprubahang paggamit ay maaaring maging lubhang mapanganib,” sabi ng U.S. FDA sa update nito noong Marso 5.
Naglaan ang DOH ng P22 milyon para sa isang ivermectin clinical trial sa Pilipinas sa konteksto ng paggamot sa mga pasyenteng may asymptomatic o non-severe COVID-19. Ito ay nakatakdang magsimula sa Agosto, ayon sa ulat ng Manila Bulletin noong Hulyo 23.
Bukod sa clinical trial, hindi bababa sa anim na ospital ang nabigyan ng compassionate special permit noong Mayo para gumamit ng ivermectin sa mga pasyente ng COVID-19.
Ang video na nailabas noong Hulyo 17 ay nirepaso at inalis ng FB dahil sa paglabag nito sa mga patakarang nauugnay sa COVID-19.
Sa ilalim ng mga pamantayan ng komunidad ng FB, inaalis nito ang maling impormasyon na “ginagarantiya ang mga lunas o paraan ng pag-iwas sa COVID-19.”
Kabilang dito ang “mga pahayag na para sa karaniwang tao, may garantiya para maka-iwas sa pagkakaroon ng COVID-19 o garantiya ng pag galing sa COVID-19 bago maaprubahan ang naturang lunas o pang-iwas: pagkonsumo o paglanghap ng mga partikular na bagay, medikal o herbal na mga remedyo, at external na mga remedyo para sa labas ng katawan o balat,” sabi ng FB COVID-19 policy update.
Ang mga post ni Defensor na nailathala noong Hulyo 17 at 18 ay nakakuha ng pinagsamang 14,900 views at 3,500 interactions noong Hulyo 31, bago naalis ang unang video.
Kabilang sa mga post interaction ang mga komento mula sa mga netizen kasama ang kanilang personal na contact information na maaaring maglagay sa kanila sa panganib tulad ng identify theft kaugnay ng paggamit ng computer o mga online scam. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Fake FB pages, identity theft, and your personal data amid the pandemic)
Ang VERA Files Fact Check ay dati nang nag-fact-check ng kaugnay na maling impormasyon tungkol sa ivermectin:
- VERA FILES FACT CHECK: Ivermectin NOT yet proven to be ‘miracle drug’ vs COVID-19
- VERA FILES FACT CHECK: Party-list group’s FB post on ivermectin use for COVID-19 needs context
- VERA FILES FACT CHECK: Pahayag ni Defensor na pinapayagan sa U.S. ang paggamit ng ‘off-label’ na ivermectin bilang gamot sa COVID-19, nakakaligaw
Mga Pinagmulan
AnaKalusugan Partylist Cong. Mike Defensor official Facebook, Tumataas ang mga kaso ng covid-19 sa ating mga probinsya…, July 17, 2021 (archived)
AnaKalusugan Partylist Cong. Mike Defensor official Facebook, Issue: Censorship sa Facebook, Aug. 2, 2021
AnaKalusugan Partylist Cong. Mike Defensor official Facebook, Ang Delta variant ay apat na beses na mas nakakahawa kaysa sa orihinal na variant na nagmula sa Wuhan, July 18, 2021 (archived)
World Health Organization, Episode #45 – Delta variant, July 5, 2021
Yale School of Public Health official Facebook, What to know about the Delta variant,
ABS-CBN News, Mike Defensor blocked from Facebook, seeks probe for ‘censorship’, Aug. 2, 2021
GMA News Online, Defensor claims Facebook blocked him after COVID-19 ‘analysis’, Aug. 2, 2021
Inquirer.net, Defensor’s FB page faces shutdown after ivermectin post; solon cries censorship, Aug. 2, 2021
AnaKalusugan Partylist Cong. Mike Defensor official Facebook, Panoorin ang testimonya…, Aug. 9, 2021
Department of Health YouTube, DOH Beat COVID-19 Media Forum, July 9, 2021
Oxford Academic, Ivermectin for the Treatment of Coronavirus Disease 2019: A Systematic Review and Meta-analysis of Randomized Controlled Trials, June 28, 2021
World Health Organization, Therapeutics and COVID-19 Living Guideline: Ivermectin, March 31, 2021
World Health Organization, Therapeutics and COVID-19 Living Guideline: Ivermectin. pg 17-20, March 31, 2021
Meedan Health Desk, Is ivermectin a proven treatment for COVID-19?, Aug. 3, 2021
European Medicines Agency, EMA advises against use of ivermectin for the prevention or treatment of COVID-19 outside randomised clinical trials, March 22, 2021
United States Food and Drug Administration, Why You Should Not Use Ivermectin to Treat or Prevent COVID-19, March 5, 2021
Presidential Communications Operations Office, Talk to the People of President Rodrigo Roa Duterte on Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), May 5, 2021
Philstar, DOST shells out P22 million for Ivermectin clinical trials, May 6, 2021
Inquirer.net, ‘Why should PH pay for drug trial?’, May 7, 2021
Business Mirror, Govt allots P22 Million for clinical trials on Ivermectin as Covid-19 treatment, May 6, 2021
Manila Bulletin, PH’s Ivermectin clinical trials to start in August, July 23, 2021
GMA News Online, 6 hospitals received compassionate permit for ivermectin use vs. COVID-19 —FDA, May 5, 2021
CNN Philippines, Sixth hospital gets compassionate special permit to use ivermectin vs. COVID-19, May 5, 2021
Inquirer.net, FDA: 6 hospitals now have special permit to use ivermectin, May 5, 2021
Facebook Help Center, COVID-19 and Vaccine Policy Updates & Protections: Guaranteed cures or prevention methods for COVID-19, Accessed Aug. 16, 2021
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)