Walang pasubaling sinabi ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na ang mga hindi nabakunahan laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ay walang dapat katakutan kung napapalibutan sila ng mga taong nabakunahan na. Kailangan nito ng konteksto.
PAHAYAG
Sa panayam sa radyo noong Hunyo 12, ipinahiwatig ni Sotto ang posibleng pisikal na pagbabalik ng mga senador sa bulwagan ng Senado sa pangatlong regular na sesyon ng ika-18 Kongreso sa Hulyo, dahil, aniya, karamihan sa mga empleyado ng Senado ay nabakunahan na.
Patuloy niyang sinabi:
“It is a good sign that everything is becoming (Ito ay isang magandang palatandaan na lahat nagiging) normal na, ‘di ba? Sapagkat — ang alam ko ngayon, mahigit 80% of the Senate employees (ng mga empleyado ng Senado), vaccinated (nabakunahan) na eh. By Saturday (Pagsapit ng Sabado), mga 80% sa kanila vaccinated (nabakunahan) na. O eh siyempre, ito namang mga senador, marami naman sa kanila vaccinated (nabakunahan) na. Kung ikaw, hindi ka vaccinated (nabakunahan), pero lahat ng nakapaligid sa iyo vaccinated (nabakunahan), ano ang ikakatakot mo, hindi ba?”
Pinagmulan: RPN DXKS Surigao, USAPANG SENADO with CELY ORTEGA – BUENO @ RPN DXKS Surigao (Transcript), Hunyo 12, 2021, panoorin mula 16:08 hanggang 17:30
Sinabi ng mambabatas na ang pagbabalik sa isang in-person set-up sa Senado ay magdadala ng isang “magandang signal” at magbibigay ng isang “magandang halimbawa” sa publiko.
ANG KATOTOHANAN
Ang pahayag na hindi dapat mag-alala na mahawahan ng COVID-19 ang mga hindi nabakunahang tao kung kasama ng mga nabakunahang indibidwal ay nangangailangan ng konteksto.
Habang ang isang bakuna ay “nagbibigay [ng] proteksyon laban sa matinding uri [ng sakit], pagpapa-ospital, at maging kamatayan,” muling idiniin ng Department of Health na ito ay “hindi isang magic bullet.”
Sa isang email noong Hunyo 21 sa VERA Files Fact Check, sinabi ng communications management unit ng departamento na “walang sapat na katibayan hanggang ngayon kung ang mga nabakunahan ay nahahawahan o nakakapanghawa ng virus sa iba pa.”
Kaya’t ang mga paalala nito sa publiko ay “nananatiling pareho” anuman ang vaccination status: mahigpit na sumunod sa minimum public health standards at iba pang mga safety protocol, kabilang ang pagsusuot ng mga face mask at shield, pag physical distancing, at madalas na paghuhugas ng kamay.
Pinayuhan din ng World Health Organization (WHO) ang mga indibidwal na nabakunahan na “panatilihin ang pag-iingat” dahil “hindi pa natin alam kung hanggang saan mapipigilan ng [isang bakuna sa COVID-19] na mahawahan at maipasa ang virus sa iba.”
“Habang hinahayaan nating kumalat ang virus, mas maraming pagkakataon ang virus na magbago,” sinabi ng WHO sa isang explainer sa website nito.
Inirekomenda ng mga awtoridad sa kalusugan sa ilang mga bansa, tulad ng United States at Europe, ang pagluluwag ng mga paghihigpit para sa ganap na nabakunahan na mga indibidwal, na binanggit na batay sa “limitadong ebidensya” na ang kanilang risk na mailipat ang SARS-CoV-2, ang virus na sanhi ng COVID-19, sa mga hindi nabakunahan ay “nabawasan.”
Habang maaaring ito ang kaso, sinabi ng ilang public health at medical experts na ang mga ganap na protektado ay dapat na magpatuloy sa pag-iingat.
Si Namandje Bumpus, direktor ng pharmacology and molecular sciences department sa Johns Hopkins Medicine, ay nagsabing ang mga ganap na nabakunahan ay “kailangang manatiling masigasig” sa pagprotekta sa mga hindi pa nakatatanggap ng kanilang mga jab sa pamamagitan ng pagsusuot ng mga mask at pag physical distance sa mga pampublikong lugar. Ito ay dahil, habang ang “bagong datos” ay nagpapakita na ang peligro ng pagpasa ng virus ay “mababa,” ito ay “hindi zero.”
Ang global team ng public experts na binuo ng international nonprofit Meedan ay nagbigay ng parehong payo, na sinasabing, habang pinag-aaralan ang mga epekto ng pagbabakuna sa pagkalat ng COVID-19, ang mga taong ganap na protektado “ay dapat na patuloy na magsuot ng mga mask kapag nasa publiko, panatilihin ang anim na talampakan [na physical distancing,] at iwasan ang masikip at hindi maaliwalas na mga lugar.”
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga Pinagmulan
RPN DXKS Surigao, USAPANG SENADO with CELY ORTEGA – BUENO @ RPN DXKS Surigao (Transcript), June 12, 2021
Department of Health, Protocols for Vaccinated Individuals, June 21, 2021
Department of Health, Administrative Order 2020-0015, April 27, 2020
Department of Health, BIDA Solusyon sa COVID-19, Accessed on June 22, 2021
World Health Organization, COVID-19 advice for the public: Getting vaccinated, Accessed on June 22, 2021
European Centre for Disease Prevention and Control, Interim guidance on the benefits of full vaccination against COVID-19 for transmission and implications for non-pharmaceutical interventions, April 21, 2021
U.S. CDC, Interim Public Health Recommendations for Fully Vaccinated People, Last updated on May 28, 2021
U.S. CDC, When You’ve Been Fully Vaccinated: How to Protect Yourself and Others, Last updated June 17, 2021
Johns Hopkins Bloomberg School of Public Health, What You Need to Know About the CDC’s COVID-19 Guidance for Fully Vaccinated Individuals, Last updated in June 2021
Johns Hopkins Medicine, What’s Safe After Your COVID-19 Vaccine?, Last updated on May 25, 2021
Meedan Health Desk, What can and can’t people do after being fully vaccinated?, Last updated on June 18, 2021
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)