Isang pahayag ng Department of Foreign Affairs noong Set. 13, na tumutugon sa kritikal na pahayag ng isang opisyal ng United Nations tungkol sa sitwasyon ng karapatang pantao sa bansa, ang nagbaluktot ng katotohanan.
Tinuligsa sa pahayag si High Commissioner for Human Rights Zeid Ra’ad Al Hussein dahil sa umano’y “labis na maling paglalarawan ng sitwasyon sa Pilipinas sa kanyang ulat sa Human Rights Council.”
Sa isang pahayag noong Set. 11, nagpahayag si Al Hussein, ng “lubhang” pagkabahala tungkol sa inilarawan niyang “buong suporta ni Pangulong Rodrigo Duterte sa patakaran na shoot-to-kill ng mga suspek” pati na rin sa mga extrajudicial killing at impunity bunga ng giyera laban sa droga ng administrasyon.
“Ang kakulangan ng paggalang sa mga angkop na proseso sa karapatan ng lahat ng mga Pilipino ay nakapangingilabot,” sabi ni Al Hussein.
Ang pahayag ng DFA, na sinipi si Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano, ay nagsabi:
“Ibinigay ng Pilipinas sa Human Rights Council ang lahat ng mga katotohanan tungkol sa kampanya laban sa mga iligal na droga sa aming ulat sa Third Cycle ng Universal Periodic Review (UPR) noong Mayo 2017. “Ang ulat ng Commissioner ay naging balanse at wasto sana kung isinaalang-alang niya ang impormasyong ibinigay namin, sa halip na umasa lamang sa di-pinatutunayan na impormasyon.”
Pinagkunan: Department of Foreign Affairs website
Noong nakaraang Mayo, si Cayetano ay kumatawan sa bansa sa UPR, isang proseso na ginagawa tuwing limang taon upang repasuhin ang mga rekord ng karapatang pantao ng mga miyembro ng UN.
FACT
Ang inulat ni Cayetano sa UN at pahayag ng DFA na sinasabing “balanse at tumpak” na impormasyon tungkol sa sitwasyon ng karapatang pantao sa bansa sa konteksto ng giyera laban sa droga ay parehong hindi totoo.
Sinabi ni Cayetano sa UPR na ang administrasyong Duterte ay may “patakaran na zero tolerance sa pang-aabuso ng mga tagapagpatupad ng batas,” ang isang pahayag na salungat sa mga naitalang pahayag ng pangulo mismo.
Tulad ng nabanggit na una ng VERA Files fact check, may ilang beses sinabi ni Duterte na naka tape na ang mga opisyal ng pulis ay dapat “sundin lamang” ang kanyang mga utos at siya “ay mananagot dito ng personal.” (Tignan VERA FILES FACT CHECK: Cayetano tells UN Duterte admin has ‘zero tolerance’ for police abuse)
Pagkatapos ng maikling paglalarawan ng UPR, ang pahayag ng DFA ay nagtapos din sa isang hindi tamang tala:
“Maraming mga estadong miyembro ng UN, lalo na ang mga mula sa ASEAN at mga papaunlad na bansa, ay nagpahayag ng suporta sa mga pagsisikap ng Pilipinas na tugunan ang panganib ng bawal na gamot. Ang ilang mga miyembro ay nangakong magbigay ng suporta para sa planong drug treatment at rehabilitation ng Pilipinas. ”
Ang teksto ng ulat ng UPR, na naglalaman ng mga tugon, konklusyon at rekomendasyon ng mga estadong miyembro ng UN sa pagtatanghal ni Cayetano para sa Pilipinas, ay hindi nagpapatotoo sa pahayag na ito.
Sa 10 bansa ng Association of Southeast Asian Nations, tanging Thailand at Myanmar lamang ang nagbanggit ng tungkol sa giyera laban sa droga, ngunit ang kanilang mga sagot ay hindi malinaw na mga mensahe ng suporta.
Ang kanilang mga tugon, na direkta mula sa ulat ng UPR, ay ang mga sumusunod:
• “Sinabi ng Myanmar na ang tugon sa banta ng iligal na paggamit ng droga ay dapat ipaubaya sa Gobyerno at tinanggap ang positibong tala ng mga bagong hakbang kaugnay ng kapaligiran” (Myanmar)
• “Ipagpatuloy ang pagsisikap nito na protektahan ang mga mamamayan sa banta ng droga habang itinataguyod ang mga halaga ng karapatang pantao” (Myanmar)
• “Paunlarin ang ikatlong human rights action plan upang gabayan ang direksyon ng patakaran nito at tiyakin ang pagpapatupad ng mga programa para sa higit pang matatag na promosyon at proteksyon ng mga karapatang pantao” (Thailand)
Ang sinasabing suporta ng ASEAN sa giyera laban sa droga, na nasa pahayag ng DFA, ay hindi rin malinaw na nakalarawan sa joint communique na inilabas pagkatapos ng 50th ASEAN Foreign Ministers Meeting sa Manila noong Agosto 5.
Ang item 36 sa joint communique, na pinamagatang “ASEAN Ministerial Meeting on Drugs Matters (AMMD),” ay nagbanggit ng “mga pagsisikap para epektibong matugunan ang problema ng pag gamit ng ilegal na droga “ngunit hindi binabanggit ang Pilipinas.
Dagdag sa ulat ng UPR, 44 sa 95 na bansa na nasa pagtatanghal ng Pilipinas ang nagpahayag ng pagkabahala sa mga kagila-gilalas na mga kaso ng pagkamatay sa giyera laban sa droga, na higit sa walong mga bansa na nagpahayag ng suporta, kahit may pasubali.
Kabilang sa mga tugon na nagpapahayag ng alarma ay:
• “Agad na tapusin ang kampanya ng mga extrajudicial killing, na maaaring mga krimen laban sa sangkatauhan sa ilalim ng international law” (Ghana)
• “Tapusin ang mga extrajudicial killing, kabilang ang mga nauugnay sa giyera sa droga, enforced disapperances, iligal na pag-aresto at detensyon, tortyur, harassment at iba pang mga paglabag sa karapatang pantao” (Slovakia)
• “Lubusang siyasatin ang mga pamamaslang ng mga pribadong hukbo at mga vigilante na may kagagawan ng mga hindi pinahihintulutang aktibidad sa panahon ng kampanya ng gobyerno laban sa bawal na gamot at usigin ang mga dapat managot” (Sierra Leone)
• “Gumawa ng mga hakbang upang wakasan ang mga extrajudicial execution, enforced disappearance, iligal na pag-aresto at tortyur na ginawa ng mga pulutong ng pulis, at mga pribadong security o mga grupong paramilitar, at upang imbestigahan ang mga aksyon ng pulisya na pagbubuwag sa lahat ng grupo na nilikha ng batas “(Costa Rica)
• “Agad na tapusin ang mga extrajudicial execution at isagawa ang isang independyente at walang kinikilingan na pagsisiyasat sa lahat ng mga enforced disappearance at extrajudicial execution upang panagutin ang mga gumawa ng krimeng ito sa hustisya.” (Chile)
• “Kinilala ng Botswana ang pangakong pagtataguyod ng mga karapatang pantao ngunit nababahala ito sa mga ulat ng mga extrajudicial killing, enforced disappearance at pinaigting na kampanya laban sa mga aktibidad na may kinalaman sa ilegal na droga na nagreresulta sa pagpatay.” (Botswana)
Hindi malinaw sa pahayag ng DFA kung ano ang ibig nitong ipakahulugan sa “developing countries.” Ang ganitong uri ng pagkakategorya ay masyadong malawak at hindi na kapaki-pakinabang, ayon sa World Bank, na nagsimulang tanggalin ito mula pa noong 2015.
Ang walo sa 95 na bansa nasa pagtatanghal ng Pilipinas sa UPR, kabilang ang miyembro ng ASEAN na Myanmar, ay nagpahayag ng may pasubaling suporta sa giyera ng gobyerno ni Duterte laban sa droga.
Sila ay:
• China (ipinahayag ang suporta sa kampanya laban sa mga bawal na gamot, ngunit inirerekomenda rin ang kumpleto at epektibong pagpapatupad ng isang “national human rights action plan”)
• Iraq (inirekomenda na ang mga hakbang ay dapat na “sa loob ng balangkas ng Konstitusyon, ang batas at internasyonal na mga pamantayan ng karapatang pantao”)
• Japan (nag-aalok ng suporta sa pagbuo ng mga pasilidad para sa rehabilitasyon ng mga nagumon sa droga)
• Lebanon (inirekomenda ang patuloy ng pagsisikap sa loob ng balangkas ng proteksyon ng mga karapatang pantao)
• Libya (“pinahahalagahan ang mga pagsisikap” na labanan ang iligal na paggamit ng droga)
• Myanmar
• Romania (inirekomenda ang isang “holistic approach” na nakatuon sa pagpapatakbo ng pagpapatupad ng batas, rehabilitasyon at reintegration)
• Venezuela (inirekomenda na “palakasin ang kampanya laban sa mga iligal na droga”)
Habang walang malinaw na suporta para sa giyera laban sa droga mula sa mga bansang kasapi ng ASEAN sa alinman sa ulat ng UPR o ng joint communique ng mga ASEAN foreign minister, ang Pilipinas ay talagang nakatanggap ng mga pangakong supporta mula sa ibang mga bansa para sa mga programa ng drug treatment at rehabilitation.
Batay sa maraming mga ulat ng balita, ang mga bansang ito ay kinabibilangan ng Japan, at kamakailan lamang ng United States.
Ang pahayag ng DFA noong Set. 13 ay hindi ang unang pagkakataon na binaluktot ang nangyari sa UPR.
Nauna rito, ang pagtatanghal ng Pilipinas sa UPR ay naging paksa na ng isang fake news, na inilathala ng Philippine News Agency na pinapatakbo ng estado, na maling ipinahayag na 95 bansa ang kumbinsidong hindi umiiral sa Pilipinas ang mga extrajudicial killing. (TignanVERA FILES FACT CHECK: PNA replaces its fake news that 95 states are convinced there are no EJKs in the country; no apology or reason given)
Sources:
United Nations General Assembly, Report of the Working Group on the Universal Periodic Review: Philippines
United Nations Office of the High Commissioner, Darker and more dangerous: High Commissioner updates the Human Rights Council on human rights issues in 40 countries
Asean.org, Joint Communique of the 50th Asean Foreign Ministers Meeting
World Bank, Should we continue to use the term “developing world”?
ABS-CBN News, PH, Japan ink grant deal for drug rehab program
Business World, Japan provides P826 million to improve drug rehab facilities
Inquirer, DOH, JICA sign P826M program for drug users’ rehabilitation
Philippine Star, Japan donates P826 M for Philippine drug rehabilitation
CNN Philippines, U.S., PH ink ₱102-M deal to reduce ‘drug demand’
GMA News, US commits P102M for PHL drug rehab program
Philippine Star, US gives $2 M more for Philippines drug rehab