Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: PAO chief Acosta mali sa pagsabing ‘walang immunity’ laban sa COVID-19 ang mga nabakunahang indibidwal

Sa pagtatanggol sa mga karapatan ng mga indibiduwal na ayaw magpabakuna laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), si Public Attorneys Office (PAO) Chief Persida Acosta ay nagbigay ng maling pahayag na ang mga nabakunahan ay "walang immunity" laban sa virus at, samakatuwid, ay hindi naiiba sa mga hindi nabakunahan.

By VERA Files

Feb 3, 2022

9-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Sa pagtatanggol sa mga karapatan ng mga indibiduwal na ayaw magpabakuna laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), si Public Attorneys Office (PAO) Chief Persida Acosta ay nagbigay ng maling pahayag na ang mga nabakunahan ay “walang immunity” laban sa virus at, samakatuwid, ay hindi naiiba sa mga hindi nabakunahan.

Ipinahiwatig din ni Acosta na posibleng mabuhay ang virus sa katawan pagkatapos ng pagbabakuna. Ang maling pahayag na ito ay paulit-ulit na pinabulaanan ng mga eksperto sa kalusugan sa buong mundo.

PAHAYAG

Sa isang eksklusibong panayam noong Enero 21 sa grupong Concerned Doctors and Citizens of the Philippines (CDCph), sinabi ng abogadong si Acosta:

“‘Yung mga nasaksakan ng COVID vaccine … walang immunity sa COVID. Mako-COVID ka … Imagine, nagpabakuna ka, magkaka-COVID ka rin pala, e ‘di pareho lang nung unvaccinated. Nagkaka-COVID din ‘yung vaccinated, nagkaka-COVID din ‘yung unvaccinated.

“Ta’s sasabihin ni Sen. [Franklin] Drilon, delikado raw ako, delikado mga empleyado sa ’kin dahil wala akong bakuna. Bakit, anong pagkakaiba ko sa bakunado?”

Pinagmulan: GMN TV3 Facebook Page, CDCph Live EXCLUSIVE Interview with PAO Chief Atty Persida Acosta, Enero 21, 2022, panoorin mula 14:05 hanggang 15:01

Pagkatapos ay sinabi ni Acosta na siya ay “mas mabuti (ang kalagayan)“ kaysa sa mga nabakunahan dahil ang kanyang mga antigen at RT-PCR test ay negatibo at siya ay “walang mga sintomas,” idinagdag pa:

“E ‘yung bakunado? May COVID virus ‘yun na in-inject, nasa katawan niya. Sabihin mo nang dead, e pa’no kung biglang mabuhay sa katawan mo, mag-positive ka nga. ‘Yun po ‘yun, e.”

Pinagmulan: panoorin mula 15:01 hanggang 15:18

Ang video ay in-upload ng Facebook (FB) page na Gising Maharlika Nation (GMN) TV3 at umabot sa mahigit 13,000 views mula nang nalathala. Lumitaw din ito sa hindi bababa sa 24 na iba pang mga page at grupo, batay sa social media monitoring tool na CrowdTangle.

ANG KATOTOHANAN

Ang mga nabakunahang indibidwal ay nagkakaroon ng immunity laban sa COVID-19 virus. Gayunpaman, ang proteksyon na ito ay hindi perpekto, tulad ng iba pang mga interbensyon sa kalusugan, ayon sa World Health Organization (WHO).

“[Mayroon pa ring] iilan na magkakaroon ng sakit kahit nabakunahan dahil lang hindi ito tatalab ng 100% para sa lahat. Ngunit ito ay tatalab para sa karamihan ng mga tao at bibigyan sila ng proteksiyon sa malubhang sakit at kamatayan,” sabi sa Ingles ni dating Food and Drug Administration (FDA) director-general Eric Domingo sa isang media forum noong Setyembre noong nakaraang taon.

Maraming factors ang maaaring makaapekto sa antas ng proteksyon mula sa COVID-19 vaccination. Kabilang dito ang mas mahinang immune system ng ilang partikular na populasyon tulad ng mga matatanda at mga taong may chronic medical conditions, antas ng pagkakalantad ng isang tao sa virus, ang oras na lumipas mula noong pagbabakuna, at ang paglitaw ng mga bagong variant.

(Basahin ang VERA FILES FACT SHEET: Bakit nahahawa pa rin ng COVID-19 ang taong nabakunahan)

Bagama’t humihina ang proteksyon mula sa mga antibodies na binuo ng bakuna, hindi ito nangangahulugan na ang mga immune defense ng katawan ay ganap na nawala, sabi ng isang pangkat ng mga eksperto sa kalusugan na binuo ng global technology nonprofit na Meedan. Ang antibodies ay mga protina na tumutulong na maiwasan ang mga partikular na impeksyon.

Ang isa pang bahagi ng immune system na tinatawag na T-cells — na maaaring kapwa mabuo mula sa pagbabakuna at isang natural na impeksiyon — “hindi nawawala nang kasing bilis ng antibodies,” sabi ni Dr. Melvin Sanicas, vaccine expert at senior medical director ng Clover Biopharmaceuticals, sa isang email sa VERA Files Fact Check.

Ipinaliwanag niya na ang mga T-cell ay maaaring “tumulong sa pag-alis ng impeksyon at pag-iwas sa malubhang sakit” dahil sa kakayahan nitong pumatay ng mga cell na nahawahan ng virus at makilala ang higit pang mga site sa spike protein, na bahagi ng COVID-19 virus na kumakapit sa cells ng tao.

Bagama’t may immunity mula sa natural na impeksiyon, sinabi ni Sanicas na “ang pagbabakuna ay nag-uudyok ng mas matatag na immune response sa isang ligtas at kontroladong paraan.”

“Ang kaligtasan sa sakit mula sa virus ay napaka-inconsistent at nag-iiba nang malaki mula sa [tao] patungo sa isa pang [tao] dahil hindi mo mako-kontrol ang viral dose. Habang ang immunity mula sa pagbabakuna ay mas consistent dahil ang dami ng antigen na ibinibigay sa mga tao ay pareho,” sabi niya.

Dahil sa banta kamakailan ng Omicron variant, nagbabala ang mga eksperto sa kalusugan ng Meedan na ang pagtaas ng mga COVID-19 infection sa mga nabakunahan ay “binibigyan ng maling kahulugan bilang ebidensya na ang mga nabakunahan ay mas malamang na mahawaan kaysa sa mga hindi pa (nabakunahan).”

Noong Enero 25, kinumpirma ng Department of Health (DOH) na ang Omicron na ngayon ang nangingibabaw na variant sa Pilipinas. Ang ilang paunang pananaliksik ay nagpapahiwatig na ang Omicron ay lumilitaw na mas nakahahawa kaysa sa Delta. (Tingnan ang VERA FILES FACT SHEET: When will the COVID-19 pandemic end?)

Narito ang pagkakaiba ng nabakunahan at hindi nabakunahan laban sa COVID-19 batay sa kasalukuyang magagamit na ebidensya:

Sa panganib na mahawa Sa pangkalahatan, sinasabi ng mga scientist na ang mga taong nabakunahan ay “mas maliit ang posibilidad” na magpositibo sa COVID-19 anuman ang variant, kumpara sa mga taong hindi nabakunahan.

Hanggang Enero 23, ang Philippine FDA ay nag ulat lamang ng 3,033 na kumpirmadong COVID-19 infections, kabilang ang 203 na “malubhang kaso na nagresulta [sa] pagkamatay,” mula sa higit sa 123.37 milyong dosis ng bakuna na pinangangasiwaan.

Sinabi ng ahensya na karamihan sa mga namatay ay “hindi pa nakakakumpleto ng pagbabakuna,” at ang mga pagkamatay ay “hindi nauugnay sa paggamit ng bakuna, ngunit … aktwal na mga natural na COVID-19 infection.”

Itinuro din ng ibang mga awtoridad sa kalusugan na kahit na ang mga nabakunahan ay muling mahawahan, ang mga sintomas ay “malamang na hindi malala” kaysa sa mga hindi nabakunahan. Ang populasyon na higit na nasa panganib para sa muling impeksyon ay ang mga may mahinang immune system na sanhi ng ilang mga medikal na kondisyon o paggamot.

Kaya naman, ang DOH Health Technology Assessment Council (HTAC) ay nagrekomenda ng mga booster shot, na binabanggit ang pangangailangan ng “sustained protection laban sa COVID-19 sa mga high risk na populasyon,” lalo na para sa mga healthcare worker at matatanda.

Sa panganib na maipasa ang virus Ipinakita ng mga pinakabagong pag-aaral na mas mababa ang natra-transmit na virus ng mga taong ganap na nabakunahan kumpara sa mga hindi pa kumpleto ang bakuna at hindi pa nabakunahan.

Ngunit sinabi ng pandaigdigang pangkat ng mga eksperto sa kalusugan ng Meedan na nananatiling hindi pa rin tiyak ang eksaktong rate ng transmission sa mga nabakunahan.

Sinabi nito na “kailangan ng higit pang pananaliksik tungkol sa kaugnayan sa pagitan ng transmission ng COVID-19 at ng kasalukuyang mga bakuna upang maunawaan kung paano nakakaapekto ang pagbabakuna sa transmission sa mahabang panahon.”

Sa panganib na ma-ospital at mamatay Sa isang explainer noong Dis. 1, 2021, sinabi ng mga eksperto ng Meedan na “ang karamihan ng pananaliksik ay sumusuporta sa kaligtasan ng mga bakuna at ng kanilang benepisyo sa pagbabawas ng mga pagkamatay mula sa COVID-19 infection.” Binanggit nito ang mga pag-aaral mula sa United States, France, at Israel.

Isinulat ng mga scientist mula sa United Kingdom (U.K.) sa isang artikulo, na inilathala noong Oktubre 2021 sa The New England Journal of Medicine, na ang bakunang Pfizer-BioNTech ay 90% na epektibo laban sa kamatayan dalawang linggo pagkatapos ng pangalawang dosis. Ang AstraZeneca, sa kabilang banda, ay nakitaan ng 91% effectiveness.

Sinuri ng mga may-akda ang datos mula sa 114,706 na may sapat na gulang sa Scotland na karamihan ay nahawaan ng Delta variant.

Sa lokal, 85% ng mga kaso ng COVID-19 na na-admit sa intensive care unit (ICU) ay hindi nabakunahan, batay sa datos na nakolekta ng DOH mula sa 18 mga ospital sa Metro Manila noong Dis. 28, 2021. Ang VERA Files Fact Check ay humiling ng updated na datos ngunit ito ay hindi pa ibibigay sa oras ng paglalathala.

Binigyang-diin ni Sanicas na, “ang mga indibidwal na nabakunahan ay mas maliit ang posibilidad na mahawahan kung kaya’t mas maliit ang posibilidad na magkalat ang virus at kahit na sila ay nahawahan, mas mabilis nilang nililinis ang virus at sila ay protektado mula sa malubhang sakit, pagpapa-ospital, o kamatayan.”

Noong Peb. 1, mahigit 59.12 milyong Pilipino ang ganap na nabakunahan, habang mahigit 7.57 milyon ang nakatanggap ng kanilang booster doses, ayon sa datos ng DOH.

Ang mga awtoridad sa kalusugan ay patuloy na nagpapaalala sa publiko na mahalaga pa rin na sundin ang mga pamantayan sa kaligtasan ng kalusugan ng publiko tulad ng masking, physical distancing, at pagpapanatili ng maayos na bentilasyon upang maprotektahan mula sa virus.

BACKSTORY

Sa isang panayam noong Enero 17 sa ANC Headstart, sinabi ni Acosta na hindi pa siya nababakunahan, na binanggit ang kanyang edad at “mga pagsasaalang-alang sa kalusugan,” at idinagdag na “hindi ako makakaharap sa isang bakuna ngayon, na magdadala ng sakit sa iyo.”

Nagpahayag ng pagkadismaya si Acosta sa patakaran ng gobyerno na “No vaccine, no ride,” na inilarawan niyang “unconstitutional.”

Sa isang pahayag makalipas ang apat na araw, hinimok ni Drilon si Pangulong Rodrigo Duterte na hikayatin ang bawat opisyal ng gobyerno, kabilang si Acosta, na magpabakuna para kumbinsihin ang publiko na “ang bakunang ibinibigay niya (Duterte) sa milyun-milyong Pilipino ay ligtas at kailangan upang upang malampasan natin ang COVID-19 pandemic.”

“Kung hindi, ang kredibilidad ng iyong mga programa sa pagbabakuna ay magdurusa at ang mga tao ay mas mag-aatubili na magpabakuna,” dagdag ni Drilon sa Ingles.

 

Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.

 

Mga Pinagmulan

Dr. Melvin Sanicas, Personal Communication, Jan. 26, 2022

World Health Organization, COVID-19 Vaccines Advice, Jan. 21, 2022

Department of Health, Beat COVID-19 Media Forum, Jan. 25, 2022

On the risk of infection

On the risk of transmission

On the risk of hospitalization and death

Department of Health, National COVID-19 Vaccination Dashboard

ABS-CBN News, ANC Headstart, Jan. 17, 2022

Senate of the Philippines, Drilon urges Duterte to direct reluctant Acosta to get vaccinated, Jan. 21, 2022

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.