Sa isang pagdinig sa Senado noong Sept. 5 tungkol sa pagpatay sa 17-taong-gulang na estudyanteng si Kian Delos Santos, pinaliit ni Philippine National Police Chief Ronald Dela Rosa ang kanyang datos kaugnay ng giyera laban sa droga.
ANG PAHAYAG
Sumasagot sa tanong ni Sen. Franklin Drilon tungkol sa bilang ng mga indibidwal na napatay sa mga “lehitimong” operasyon ng pulis simula noong Hulyo 1, 2016, sinabi ni Dela Rosa: “2,216, your honor, 2,216.”
Pinagkunan: Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs Hearing, September 5, 2017 panuorin mula 1:28:27 to 1:29:25
FACT
Ang bilang ni Dela Rosa ay hindi tumutugma sa tila mga “tunay na numero” kaugnay ng giyera laban sa droga na inilathala ng mismong PNP, sa sarili nitong website.
Sa infographic na tinatawag na “Real Numbers PH,” na lumilitaw sa homepage ng PNP website, nakalagay na 3,811 ang bilang ng “mga personalidad na dawit sa droga na namatay sa mga operasyong laban sa droga” mula Hulyo 1, 2016 hanggang Agosto 29, 2017.
Ang datos ng “Real Numbers PH” ay mula sa apat na ahensya ng gobyerno na sangkot sa kampanya laban sa ilegal na droga: ang PNP, Philippine Drug Enforcement Agency, National Bureau of Investigation at Bureau of Customs.
BACKSTORY
Bago si Dela Rosa, si Pres. Rodrigo Duterte mismo sa ilang mga okasyon ang nagkamali sa datos tungkol sa giyera laban sa droga, ang ipinalalagay na sentro ng polisiya ng kanyang administrasyon.
Noong Agosto 4, pinalaki ni Duterte ang halaga ng shabu na nakumpiska sa kanyang termino. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Duterte skews war on drugs figures; Aquino gets it wrong too)
Noong Agosto 21, mali ang kanyang ipinahayag na dalawa hanggang tatlong pulis ang pinapatay araw-araw sa giyera kontra droga. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Duterte says 2-3 cops killed daily in war on drugs)
Mga pinagmulan:
Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs Hearing, September 5, 2017
Philippine National Police official website, Real Numbers PH update July 1, 2016 to Aug. 29, 2017