Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Robin Padilla ipinagtanggol si Sen. Bong Go, iginiit na Tausug si Lapulapu kahit hindi napatunayan

Sa pagtatanggol kay Sen. Christopher “Bong” Go, iginiit ng aktor na si Robin Padilla na "mayroong historical fact" sa pahayag ng senador na si Lapulapu, na itinuring na unang pre-colonial na bayani ng Pilipinas, ay isang Muslim-Tausug na lider mula sa dating Sultanate of Sulu.

By VERA Files

May 10, 2021

9-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Sa pagtatanggol kay Sen. Christopher “Bong” Go, iginiit ng aktor na si Robin Padilla na “mayroong historical fact” sa pahayag ng senador na si Lapulapu, na itinuring na unang pre-colonial na bayani ng Pilipinas, ay isang Muslim-Tausug na lider mula sa dating Sultanate of Sulu.

PAHAYAG

Isang Muslim convert at lantarang tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte, si Padilla ay nangatuwiran na ang “Islamic na bersyon” ng etniko ni Lapulapu ay maaaring naiiba sa “Western na bersyon,” ngunit ang lahat ng mga salaysay tungkol sa unang bayani ng Pilipino ay dapat na ipagsaalang-alang dahil walang anumang aktwal na video recording ng mga makasaysayang kaganapan nang mga pangyayari. Sinabi niya:

“Walang pwedeng magsabi na may mali dahil wala namang … meron bang video? Wala namang video, eh, di ba? Ang tanging makakapagpatunay niyan [ay] kung merong isang time traveller dun, na-video niya at na-interview niya ‘yung mga tao.”

Pinagmulan: Robin Padilla official Facebook page, Lapu lapu, Abril 29, 2021, panoorin mula 49:44 hanggang 50:00

Sinabi ng aktor na nakalulungkot na binatikos si Go sa kanyang talumpati sa pagdiriwang ng ika-500 anibersaryo ng tagumpay ni Lapulapu noong 1521 laban sa Portugese explorer na si Ferdinand Magellan at mga tauhang nagsisilbi sa Espanya na ang bayani ng Battle of Mactan ay isang mandirigmang Tausug mula sa isang “East Kingdom of Sulu.” Kasunod ng mga matinding pagpuna, humingi ng paumanhin si Go “kung iba ang dating ng aking naikwento” ngunit hindi niya binawi ang kanyang istorya.

Si Duterte, sa mga nakaraang talumpati mula pa noong 2018, ay gumawa rin ng katulad na mga pahayag na si Lapulapu ay isang Tausug, pero hindi siya nagbigay ng iba pang mga detalye.

Sa higit isang oras na video live streaming sa kanyang Facebook account noong Abril 29, sinabi ni Padilla na dapat huminto na ang mga tao sa pagpuna kay Go dahil:

“…meron pong historical fact ‘yung sinasabi ng aking kaibigan, at iyan po ay iyong point of view ng mga Muslim. Tandaan po natin, dumating dito ang mga Espanyol early 16th century (unang bahagi ng ika-16 na siglo) … Ang mga Muslim po nandito na nung middle of 14th century (kalagitnaan ng ika-14 na siglo).”

Pinagmulan: panoorin mula 1:01:04 hanggang 1:01:35

Sa kanyang mahabang diskurso, sinabi ni Padilla na ang bersyon ng mga Muslim sa kaganapan ay ganito:

“…Iyong kasaysayan na sinulat naman ng Sultanate of Sulu nasunog na iyon. Pero sa kanila namang narrative (kuwento) na si Lapulapu … noong malaman ng Datu Lapulapu, ng Sultanate of Sulu, na may lumanding na foreigner (dayuhan) doon … Aba inutusan nila si Datu Lapulapu na sumakay pa ng balanghay (sasakyang pandagat bago masakop ang Pilipinas ng mga banyaga) na mag-travel (mag biyahe) papunta ng Visayas. At doon hinarap niya si Magellan. Doon nagkaroon ng labanan.”

Pinagmulan: panoorin mula 50:57 hanggang 52:28

Dagdag dito, sinabi niya:

“At, alam niyo, paano niyo po sasabihin na hindi rin naman totoo iyong narrative (kuwento) ng Sultanate of Sulu? Dahil after (pagkatapos) ng labanan, wala nang [mga record] si Lapulapu! … Kung si Lapulapu po ay taga-doon, dapat after ng labanan may records (mga record) si Lapulapu … Ibig sabihin saan nagpunta si Lapulapu? Hindi po kaya pagkatapos ng labanan ay umuwi na siya ng Sulu?”

Pinagmulan: panoorin mula 52:30 hanggang 53:58

Ang mga Kastila, katuwiran niya, ay hindi tatanggapin na ang kanilang bayani, si Magellan, ay pinatay ng isang Muslim tulad ni Lapulapu dahil sa kanilang kasaysayan na sinakop ng mga Muslim o Moor sa loob ng 800 taon sa Iberian Peninsula, kung saan ang kasalukuyang Spain ay matatagpuan.

ANG KATOTOHANAN

Ang mga detalye tungkol sa personal na buhay at pinagmulan ni Lapulapu, kasama ang kanyang ethnicity bilang isang mandirigmang Tausug mula sa isang kaharian ng Sulu, ay nananatiling isang misteryo dahil sa kawalan ng “anumang kapani-paniwalang eyewitness account o anumang uri ng dokumento” na tumutukoy kahit sa lugar ng kanyang kapanganakan at mga magulang, ayon sa National Historical Commission of the Philippines (NHCP).

Sinabi ng NHCP na ang impormasyon tungkol sa posisyon ni Lapulapu bilang isang pinuno sa isang pre-colonial na komunidad sa Mactan Island (na nahahati na sa munisipalidad ng Cordova at Lapu-Lapu City) sa lalawigan ng Cebu ay batay lamang sa mga kuwento ng ilang mga nakaligtas, kasama na ang Italian chronicler na si Antonio Pigafetta, kabilang sa mga miyembro ng tauhan ng Magellan-Elcano expedition na nagtapos noong 1522. Si Magellan, ang kapitan ng mga tauhan, ay napatay ng isang pana na may lason sa pakikipaglaban sa mga sundalo ni Lapulapu sa Mactan Island noong Abril 27, 1521.

Sinabi ng ahensya na “isinasaalang-alang nito ang lahat ng mga kilalang account at kwento sa labas ng mga historical source bilang haka-haka at folkloric at hindi dapat ituring bilang mga katotohanan ng kasaysayan.”

Gayunman, ang ilang mga academic expert at historian ay kinuwestiyon na si Lapulapu ay isang Muslim o isang Tausug mula sa Sulu, na binabanggit ang mga kasanayan na non-Islam ng ilang mga pre-colonial na tao sa Visayas, tulad ng mga nasa Cebu at mga kalapit na isla na binisita ng mga tauhan ng Magellan, na dokumentado ni Pigafetta.

Sa pagsipi sa Pigafetta chronicles, sinabi ni History professor Michael “Xiao” Chua ng De La Salle University sa isang pakikipanayam sa Philstar.com na ang mga pre-colonial na mga Bisaya ay “animists,” na tumutukoy sa mga taong sumasamba sa mga espiritwal na nilalang. Sinabi rin niya na ang baboy ay bahagi ng pagkain ng mga katutubo, isa sa mga uri ng karne na itinuturing na “haram” o ipinagbabawal na kainin sa relihiyong Islam.

Ang Pigafetta chronicles ay walang sinabi tungkol kay Lapulapu na hindi tubong Mactan Island. Sa kanyang mga account patungo sa Battle of Mactan, ang kampo ni Lapulapu ay hindi kailanman tinanggap ang alok ni Magellan na “sundin” ang Hari ng Espanya, “kilalanin” si Rajah Humabon ng Cebu (na nabinyagan at binigyan ng isang Kristiyanong pangalan na Carlos) bilang kanilang hari, at bigayan ng pagkilala, na humantong sa labanan kung saan napatay ang kapitan na Portugese.

Sa kabilang banda, sumuporta kay Padilla si Norodin Alonto Lucman, isang Muslim na nakabase sa Marawi City na nagsulat ng mga libro tungkol sa kasaysayan ng Muslim. Sa kanyang Facebook post noong Abril 29 na pinamagatang “Ignorance and Dangerous,” sinabi niya na si Lapulapu ay kabilang sa mga tax collector ng Sultanate of Sulu, batay sa kanilang salsila o mga talaangkanan. Idinagdag ni Lucman na si Lapulapu ay kilala sa kanyang kasanayan bilang isang navigator at mandirigma, at tinawag din na “Kaliph Pulaka o Maas Illiji Rajiki,” na nabuhay mula 1491 hanggang 1547.

Ayon sa NHCP, ang Sultanate of Sulu ay ang unang sentralisadong gobyerno na itinatag ng isang pamayanang Muslim sa Sulu bandang 1450 nang ang mga katutubong Tausug ay nag-convert sa Islam noong ika-13 na siglo.

Dagdag dito, ang isa pang sinabi ni Padilla ay mga Espanyol ang nagtatag sa DLSU at Ateneo De Manila University. Ito ay nakaliligaw at walang sapat na mga detalye.

Muli niyang iginiit sa isa pang video noong Mayo 5 na ang DLSU ay masasabing itinatag ng mga Kastila dahil nag-ugat sa Espanya ang tagapagtatag nito, si Saint John Baptist De La Salle (ipinanganak sa Reins, France), ng Katolikong kongregasyon na Brothers of Christian Schools (kilala rin bilang De La Salle Brothers) na nagtatag ng unibersidad sa bansa. Sinabi niya na kahit ang sangay ng kongregasyon na De La Salle Philippines, isang network ng 16 na Lasallian schools sa bansa, ay gumagamit ng coat of arms ng mga ninuno ni Saint de La Salle mula sa Catalonia, Spain.

Habang ang ADMU ay itinatag talaga ng Spanish Jesuit priests noong 1859 at kolonya ng Espanya ang Pilipinas, mali si Padilla sa pagsabing ang DLSU ay isang paaralang itinayo ng mga Kastila. Bagaman si Saint La Salle, na namatay noong 1719 sa France, ay may lahing Espanyol, ang nasyonalidad ng siyam na De La Salle Brothers na dumating upang maitatag ang DLSU-Manila sa bansa noong 1911 ay French (lima), Irish (tatlo), at Amerikano (isa) batay sa graduate studies student handbook ng DLSU Manila.

Ang siyam na De La Salle Brothers ay dumating noong panahon ng pananakop ng Amerikano (1898-1912) sa kahilingan ni Manila Archbishop James Harty, isang Amerikanong pari na estudyante ng De La Salle school mismo sa United States, upang hadlangan ang pagkalat ng Protestantismong na dinala ng mga gurong Amerikano (kilala rin bilang Thomasites).

 

Mga Pinagmulan

Robin Padilla official Facebook page, Lapu lapu, April 29, 2021

Robin Padilla official Facebook page, Bismillah, May 3, 2021

Norodin Alonto Lucman

Bangsamoro Commission on the Preservation of Culture Heritage, Meranao, Accessed May 5, 2021

Presidential Communications Operations Office, 500th Anniversary of the Victory at Mactan Lapu-Lapu Shrine, Lapu-Lapu City April 27, 2021, April 27, 2021

Presidential Communications Operations Office, SPEECH OF PRESIDENT RODRIGO ROA DUTERTE DURING THE LAUNCHING OF THE SECOND PHASE OF DECOMMISSIONING OF MILF COMBATANTS AND WEAPONS, Sept. 7, 2019

Presidential Communications Operations Office, Speech of President Rodrigo Roa Duterte during his visit to Jolo, Sulu – Presidential Communications Operations Office, Aug. 31, 2020

Presidential Communications Operations Office, DURING HIS VISIT TO FIRE VICTIMS, July 27, 2018

National Historical Commission of the Philippines, Statement of the National Historical Commission of the Philippines on the Origin of Lapulapu and Other Details of His Personal Life, April 30, 2021

National Quincentennial Committee, About Us, Accessed April 30, 2021

National Quincentennial Committee, Accounts of the Philippine voyage of the first circumnavigation of the planet by the Magellan-Elcano expedition …, May 26, 2020

Antonio Pigafetta’s chronicles

Michael “Xiao” Chua

Historians debunk claims Lapulapu a Tausug

Ministry of Agriculture, Fisheries, and Agrarian Reform – BARMM, HALAL INFO | Haram na Pagkain, Accessed May 3, 2021

Animism

Christopher “Bong” Go official Facebook Page, Idol namin ni Pangulong Duterte si Lapu-Lapu., April 29, 2021

National Museum, The Philippine Colonial Tradition of Sacred Art: Treasures of Philippine Art from the Collections of the Bangko Sentral ng Pilipinas, 2020

National Commission for the Cultural and the Arts, The History of the Muslim in the Philippines, Accessed May 5, 2021

Robin Padilla, https://www.delasalle.ph/identity-mission, Accessed May 5, 2021

DLSU history

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.