Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Sa pagtatanggol sa desisyon ni Duterte na ibasura ang VFA, dating Palace spox Harry Roque gumawa ng dalawang maling pahayag

Mali si dating Presidential Spokesperson Harry Roque nang sinabi niyang walang pakinabang ang bansa sa Visiting Forces Agreement (VFA) sa United States, at ang mga sundalong Pilipino, "batay" sa Guinness World Records, ang nakikipaglaban sa "pinakamatagal na paghihimagsik” sa buong mundo.

By VERA Files

Feb 7, 2020

5-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Mali si dating Presidential Spokesperson Harry Roque nang sinabi niyang walang pakinabang ang bansa sa Visiting Forces Agreement (VFA) sa United States, at ang mga sundalong Pilipino, “batay” sa Guinness World Records, ang nakikipaglaban sa “pinakamatagal na paghihimagsik” sa buong mundo.

PAHAYAG

Sa isang panayam sa radyo noong Enero 29, sinabi ni Roque, isang international law expert, na sang-ayon siya “100 porsyento” sa desisyon ng pangulo na wakasan ang VFA sa U.S., at sinabing:

“Wala po ako talagang nakikita na pakinabang ang VFA sa ating bayan…Ano ba naman ang matututunan…ng mga sundalo natin sa mga Amerikano? Eh iyong mga sundalo natin iyong lumalaban, sang-ayon sa Guinness Book of World Records, sa pinakamatagal na insurgency (pag-aalsa) sa buong mundo.

Pinagmulan: Radyo Pilipinas 378, Si PRRD lang ang mga makagagawa ng desisyon para kanselahin ang VFA ayon kay Atty. Roque, Enero 29, 2020, panoorin mula 5:35 hanggang 6:10

ANG KATOTOHANAN

Mali si Roque sa dalawang bagay; 1) ang kanyang pahayag na ang mga sundalong Pilipino ay walang pakinabang sa mga puwersa ng U.S. ay sumasalungat sa mga sinasabi ng mga opisyal ng defense at foreign affairs; at 2) walang Guinness world record para sa “pinakamatagal na insureksyon” sa mundo.

Sa pagdinig ng Senado noong Peb. 6, binanggit ni Foreign Secretary Secretary Teodoro Locsin Jr. ang ilang mga “direktang at hindi direktang” benepisyo na nakukuha ng Pilipinas sa VFA. Kasama dito ang “mahalagang” suporta sa mga gawain kontra-terorismo, partikular sa “intelligence at capability-building” ng sandatahang lakas, na sinabi niyang naging “mahalaga” sa labanan ng Marawi noong 2017.

Sinabi rin ni Locsin na ang mga puwersa ng U.S. ay “nakatulong” sa bansa sa pakikipaglaban sa “di-tradisyonal na mga banta sa seguridad,” bukod sa iba, tulad ng human trafficking, cyberattacks, terorismo, at iligal na mga narkotiko sa pamamagitan ng “trainings, joint exercises, at exchange visits.”

Sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa parehong pagdinig na ang U.S. ay “palaging nandoon” sa panahon ng mga kalamidad. Isang U.S. aircraft carrier ang unang nag-alok ng tulong sa mga biktima ng Bagyong Yolanda noong 2013, “dahil wala kaming anumang mga magagamit noon upang dalhin doon,” dagdag niya.

Sa isa pang pahayag ni Roque, ang search sa “buong listahan” ng mga titulo ng Guinness World Records sa opisyal na website nito ay walang naibigay na resulta sa “pinakamahabang pag-aalsa” o bansang nakikipaglaban sa pinakamatagal na paghihimagsik.

Nakasaad sa patakaran ng Guinness World Records na hindi nito isasali sa mga talaan ang nasasangkot sa “mga ilegal na aktibidad” at maaaring “magdulot ng potensyal na pinsala o panganib sa mga manonood.”

Ang paghihimagsik ay isang “marahas na pagtatangka” o “pakikibaka” ng isang pangkat ng mga tao laban sa kanilang pamahalaan. Ayon sa Merriam-Webster dictionary:

Since insurgencies are rarely strong enough to face a national army head-on, insurgents (often called guerrillas) tend to use such tactics as bombing, kidnapping, hostage taking, and hijacking (Dahil ang mga insureksyon ay bihirang sapat ang lakas na harapin ang isang pambansang hukbo na head-on, ang mga rebelde (madalas na tinatawag na mga gerilya) ay may posibilidad na gumamit ng mga taktika tulad ng pambobomba, pagkidnap, pagkuha ng hostage, at pag-hijack).”

Bagamat hindi sinabi ni Roque kung aling mga rebeldeng grupo ng Pilipinas ang tinutukoy niya, ang Communist Party of the Philippines (CPP), na itinatag noong Disyembre 1968, ang pinakamatagal sa naturang grupo.

Ang iba pang mga grupo ng rebelde sa Pilipinas ay kinabibilangan ng Moro National Liberation Front, na itinatag noong 1969, at ang humiwalay na grupo nito na Moro Islamic Liberation Front, na nabuo noong 1977, ayon sa Office of the Presidential Adviser on the Peace Process.

May dalawang rebeldeng grupo sa ibang mga bansa ang mas nauna pa kaysa sa CPP-NPA: ang Karen National Liberation Army, ang armadong hukbo ng Karen National Union, sa Myanmar, naitatag noong 1947, at ang Ejército de Liberación Nacional (ELN) sa Colombia, itinatag noong 1964. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Dong Mangudadatu MALI sa “pinakamatagal” na armadong grupo sa mundo)

Ang CPP-NPA, gayunpaman, ay nagsasagawa ng “pinakamahabang pag-aalsa ng komunista” sa buong mundo, ayon sa isang profile ng Stanford University’s Center for International Security and Concern, at isang pag-aaral noong 2019 mula sa Journal of Genocide Research.

 

Mga Pinagmulan

Radyo Pilipinas 378, Si PRRD lang ang mga makagagawa ng desisyon para kanselahin ang VFA ayon kay Atty. Roque, Jan. 29, 2020

Presidential Communications Operations Office, Media Interview – Quezon City, Jan. 29, 2020

Senate of the Philippines, Committee on Foreign Relations (February 6, 2020), Feb. 6, 2020

Guinness World Records, Record policies

Guinness World Records, What makes a Guinness World Records title

Collins Dictionary, Insurgency

Cambridge Dictionary, Insurgency

Merriam-Webster Dictionary, Insurgency

Guinness World Records, Record Application Search

Office of the Presidential Adviser for Peace Process, Peace Process with the Communist Party of the Philippines/New People’s Army/National Democratic Front (CPP/NPA/NDF)

Office of the Presidential Adviser for Peace Process, Peace Process with the Moro National Liberation Front (MNLF)

Karen National Union, History

Burma Link, Karen National Liberation Army Statement, May 10, 2018

Stanford.edu, National Liberation Army, Aug. 17, 2015

Insight Crime, ELN, March 3, 2017

Colombia Reports, Profiles: National Liberation Army (ELN), Oct. 27, 2018

Stanford University Center for International Security and Cooperation, Communist Party of the Philippines – New People’s Army

Journal of Genocide Research (Volume 21, Issue 2, 2019), “Destroy and Kill ‘the Left’”: Duterte on Communist Insurgency in the Philippines with a Reflection on the Case of Suharto’s Indonesia, May 10, 2019

Interaksyon, Duterte orders ‘destruction’ of CPP-NPA as insurgency celebrates 50th anniversary, Dec. 16, 2018

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.