Sa pagsasalita sa harap ng mga tao sa Tagum City, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang Commission on Human Rights ay nagdedepensa sa mga kriminal at mga criminal lang ang kliyente nito.
Noong Hulyo 1, sa ika-50 anibersaryo ng pagkakatatag ng lalawigan ng Davao del Norte, sinabi ng Pangulo:
“Kadalasan, itong (Commission on) Human Rights ipinagtatanggol ang mga criminal. Wala na silang kliyente na hindi criminal.”
(Pinagkunan: Speech ni Pangulong Rodrigo Duterte, Davao del Norte Sports and Tourism Complex, Mankilam, Tagum City, Hulyo 1, 2017, panoorin mula 16:49 hanggang 17:10)
FACT
Hindi ipinagtatanggol ng CHR ang sinuman, kriminal o iba pa. Ang mandato nito, bilang ahensya ng gobyerno na nilikha ng Konstitusyon at ayon sa pangalan nito, ay mag imbestiga ng mga paglabag sa karapatang pantao. (Tingnan: VERA FILES FACT SHEET: Ang Komisyon sa Karapantang Pantao, ipinaliwanag).
Gayunman, may hinawakan itong mga kaso kung saan ang mga nagrereklamo ay walang mga kasong kriminal na nakadikit sa kanilang pangalan.
Ang komisyon ay nagpadala sa VERA FILES ng listahan ng mga kaso na sinasabing nitong “inimbistigahan at nalutas, na may kinalaman sa mga biktima at/o mga nagrereklamo maliban sa mga kriminal o may mga kasong kriminal.”
Kasama sa listahan ang:
- Maguindanao Massacre, kung saan 58 katao, kabilang ang 32 miyembro ng media, ang pinatay ilang buwan bago ang eleksyon noong 2010. Naniniwala ang CHR na ang pamamaslang ay malubhang paglabag sa Konstitusyon ng Pilipinas at sa Universal Declaration of Human Rights. Kabilang sa mga inirekomenda nito ang pagbibigay ng tulong na pinansiyal sa mga pamilya ng biktima.
- Ang pagpatay noong Enero 2013 kay San Pablo City Councilor Edgar Adajar ng isang suspek na sa tingin ng komisyon ay isang posibleng kaso ng ekstrahudisyal na pagpatay. Ang kaso ay nakabinbin sa korte.
- Isang kaso ng karahasan laban sa mga kababaihan at bata (VAWC), sa reklamo ng isang ina mula sa Cavite laban sa ama ng kanyang mga anak na babae, dahil sa pag-iwas sa mga obligasyon ng magulang. Nag ayos ang CHR ng isang pag-uusap, kung saan inamin ng ama ang kanyang pagkukulang at nangako na magbigay ng tulong pinansiyal.
Kamakailan, inako ng CHR ang pag-iingat sa kaligtasan ni Efren Morillo, na nakaligtas sa operasyon ng Oplan Tokhang noong Agosto 2016 sa Payatas, at naging saksi sa unang legal na reklamong isinampa ng isang sibilyan laban sa ipinatutupad ng gobyerno na kampanya kontra ilegal na droga. (Tignan: Drug war survivor claims police shot at them, ‘execution-style’)