Sa isang pakikipanayam sa media pagkatapos ng kanyang State of the Nation Address (SONA), sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na nais niyang buwagin ang Commission on Human Rights (CHR).
Nauna rito, inakusahan ng Presidente ang komisyon ng pagtatanggol sa mga kriminal, at pagbubulag-bulagan sa mga krimen na ginagawa ng mga adik sa droga, na salungat sa mandato ng CHR. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Sinabi ni Duterte na pinuprutektahan/ipinagtatanggol ng CHR ang mga criminal).
Maging ang Justice Secretary ni Duterte, si Vitaliano Aguirre, ay maling tinuligsa ang CHR sa hind pagsasampa ng mga kaso laban sa mga nagkakasalang miyembro ng kapulisan. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Tama ba si Aguirre sa pagsasabi na ang CHR ay dapat magsampa ng mga kaso laban sa mga pulis na nagkakamali?)
Sa gitna ng kalituhan, narito ang tatlong katotohanan tungkol sa CHR.
Ano ang CHR?
Ito ay isang malayang ahensya ng gobyerno na, ayon sa pangalan nito, ay sumisilip sa mga kasong may kinalaman sa karapatang pantao at mga paglabag sa karapatang pantao na ginagawa ng mga taong bahagi ng estado at walang kinalaman sa estado.
Ang 1987 Konstitusyon mismo ang nagbigay daan sa paglikha ng CHR. Ang tanggapan ay nilikha noong Mayo 5, 1987, nang pirmahan ni dating Pangulong Corazon Aquino ang Executive Order 163.
Kabilang sa mga iniutos ng Konstitusyon sa CHR ang “mag imbestiga, ng kusa o ayon sa reklamo ng sinumang partido, ng lahat ng anyo ng paglabag sa karapatang pantao na kinasasangkutan ng mga karapatang sibil at pampulitika.”
Ano ang talagang ginagawa ng CHR?
Ang CHR ay isang tanggapan na nag-iimbestiga at nagrerekomenda. Hindi ito nagsasampa at naghuhusga ng mga kaso.
“Hindi ito maaaring maglitis at magpasya sa mga kaso (o duminig at tumukoy ng mga sanhi) tulad nga mga hukuman o kahit quasi-judicial bodies,” sabi ng Korte Suprema sa isang desisyon noong 1991.
Kung may makita ang CHR sa pagsisiyasat nito na may mga paglabag sa karapantang pantao, maaari itong gumawa ng mga rekomendasyon sa mga angkop na ahensya ng gobyerno na may hurisdiksiyon sa kaso.
Noong 2012, halimbawa, inirekomenda ng CHR sa isang resolusyon, kasunod ng isang pampublikong pagtatanong, na imbestigahan ng tanggapan ng Ombudsman si Duterte dahil sa “posibleng administratibo at kriminal na pananagutan” dahil sa umano’y kawalan ng pagkilos kaugnay ng pamamaslang na ginawa ng tinatawag na Davao Death Squad. Si Duterte ay mayor ng Davao City sa loob ng 22 taon.
Tinapos ng Ombudsman noong 2016 ang kaso dahil sa kakulangan ng ebidensya, ngunit muli itong bubuksan matapos ang pagsasampa ng isang kriminal na reklamo laban kay Duterte ng isang aminadong hitman na si Edgar Matobato (Tingnan VERA FILES FACT CHECK: Wala nga bang kinalaman si Duterte sa Davao Death Squad?)
Sinusuri din ng CHR kung ang pamahalaan ay sumusunod sa mga kasunduan na pang internasyonal, kabilang ang 1948 Universal Declaration of Human Rights, kung saan ang Pilipinas ay isa sa mga lumagda.
Higit pa, mayroon itong “kapangyarihan na bumisita” sa mga kulungan at bilangguan, tulad ng ginawa nito noong nakalipas na Abril, nang madiskubre nito ang isang nakatagong pasilidad ng detensiyon sa istasyon ng pulis sa Tondo, na ipinagbabawal ng Konstitusyon. (Tingnan ang VERA FILES FACT SHEET: Gaano karaming batas ang nilabag ng sikretong selda sa kulungan ng PNP?)
Maaari bang buwagin ang CHR matapos ang pahayag ni Duterte?
Ang tanging paraan para buwagin ang CHR ay sa pamamagitan ng pag amyenda sa Konstitusyon, sinabi sa VERA Files ng abugadong si Christian Monsod, isa sa mga bumuo ng 1987 Konstitusyon.
Ilang ulit nang sinabi ni Duterte na gusto niyang baguhin ang Konstitusyon, lalo na ang pagpapalit ng sistema ng gobyerno tungo sa pederalismo. Ngunit hindi niya nililiwanag kung paano niya nais ipatupad ito. (Tingnan Ganun ba? Duterte, Alvarez lumipat mula Con-Con sa Con-Ass)
Kapansin-pansin na kinilala mismo ng Pangulo ang papel ng CHR nang pirmahan niya ang General Order 1 noong Mayo 30, ang pagpapatupad ng Proclamation 216 na naglagay sa Mindanao sa ilalim ng Martial Law.
Nakasaad sa Seksyon 5 ng order:
“Sa pagpapatupag ng Order na ito, ang mga karapatan na sambayanang Pilipino na ginagarantiyahan ng Konstitusyon ay dapat igalang at protektahan sa lahat ng oras.
Ang Commission on Human Rights ay inuutusan na masigasig na ipatupad ang kanyang mandato sa ilalim ng 1987 Konstitusyon, at tulungan ang Ehekutibo sa pagtiyak sa patuloy na proteksyon ng mga konstitusyunal at karapatang pantao ng lahat ng mga mamamayan.”
Mga Pinagkunan:
CHR Resolution on the Davao Death Squad
GR no. 96681, Cariño v Commission on Human Rights
Media interview with President Rodrigo Roa Duterte Following His 2nd State of the Nation Address