Ilang Facebook (FB) pages at grupo, kabilang ang opisyal na account ni Sen. Robin Padilla, ang nagpasa ng litratong nagpapakita kay dating pangulong Rodrigo Duterte na nagre-relax sa labas ng kanyang tahanan sa Davao City, pagkatapos umano bumaba sa puwesto noong Hunyo 30. Ito ay nakaliligaw.
Ang litrato, na lumabas noong Hulyo 2, ay nagpakita kay Duterte na nakaupo sa silya na nakabaligtad habang nasa labas ng gate ng kanyang bahay, kasama ang kanyang partner na si Honeylet Avanceña at tatlong iba pang mga tao na nakatayo sa paligid niya. Na-repost ito buong linggo at patuloy na nakakakuha ng traksyon sa mga FB user, ayon sa social media monitoring tool na CrowdTangle.
PAHAYAG
Lahat ng mga post sa sinasabing litrato ng pagreretiro ni Duterte ay may caption na:
“LOOK! FORMER PRESIDENT DUTERTE SEEN OUTSIDE THEIR HOUSE IN DAVAO! Former President Duterte is seen outside [sic] their house in Davao like a normal citizen. People are amazed of how humble our former President is. He is outside to breath [sic] some fresh air. Enjoy your retirement FPRRD! Salamat sa 6 years (Thank you for the six years)!”
(Tingnan mo! SI DATING PRESIDENT DUTERTE NAKITA SA LABAS NG KANILANG BAHAY SA DAVAO! Si dating Pangulong Duterte ay nakita sa labas ng kanilang bahay sa Davao na parang isang normal na mamamayan. Namangha ang mga tao sa pagiging mapagkumbaba ng ating dating Presidente. Nasa labas siya para makalanghap ng sariwang hangin. Mag enjoy kayo sa iyong pagreretiro FPRRD! Salamat sa 6 na taon!)
Ang FPRRD ay tumutukoy kay pangulong Rodrigo Roa Duterte.
ANG KATOTOHANAN
Nakaliligaw ang caption ng litrato. Hindi kinunan ang litrato pagkatapos ng termino ni Duterte noong Hunyo 30. Na-upload ito noong Setyembre 2017, Disyembre 2019 at Oktubre 2020 ng mga page sumusuporta sa noo’y presidente, at may caption na:
“Ganito lang po ka simply (sic) ang Bahay ni President Rody Duterte sa Dona Luisa village Davao. Minsan nakipagbiruan pa siya sa mga bisita niya. Ang bahay nya ngayon ay araw araw marami ang bumibisita naging tourist spot na ito hindi dahil sa isang bonggalo (sic) na bahay kng (sic) hindi sa ka simplihan nito na karamihan ay hindi makapaniwala na ito ang Bahay ng isang Pangulo ng Republica (sic) ng Pilipinas.”
Ang karagdagang pananaliksik sa pinagmulan ng larawan ay nagpakita na ito ay kuha sa isang panayam kay Duterte noong Abril 17, 2016, na ginanap sa labas ng kanyang bahay noong siya ay kandidato pa lang sa pagkapangulo.
Sa panayam na iyon, binatikos ni Duterte ang mga kritiko na bumabatikos sa kanya dahil sa isang kontrobersyal na biro tungkol sa rape na ginawa niya sa isa sa kanyang mga talumpati sa kampanya.
Bagama’t hindi na available ang eksaktong kopya ng litratong na-upload noong araw ding iyon, makikita sa recording ng panayam mula sa Rody Duterte YouTube channel na nakasuot siya ng parehong puting kamiseta na may asul na print na disenyo habang nakaupo sa nakabaigtad na dilaw na monobloc na silya.
Makikita sa video ang isang babaeng maikli ang buhok na naka-mint green na polo shirt na may bitbit na blue-green sling bag. Ang babae ay hindi isang regular na bisita kundi isang reporter.
Makikita sa isang clip ng panayam na na-upload sa GMA News YouTube channel ang babae na may mahabang buhok at nakasuot ng itim na damit at checkered na flannel at lalaking nakasuot ng pulang polo na may hawak na mikropono. Parehong reporter din ang dalawa.
Hindi bababa sa 30 FB groups at pages ang nag share ng litrato at nakakuha ng higit sa 162,000 na interactions noong Hulyo 8, ayon sa social media monitoring tool na CrowdTangle. Ang mga nangungunang traffic generator nito ay Robin Padilla (nilikha noong Mayo 27, 2011), Bucks Pinoy (Agosto 13, 2020), at BBM 2022 (Mayo 3, 2021).
Ang verified account ng Bombo Radyo Gensan ay nag-upload din ng larawan na may nakaliligaw na caption noong Hulyo 3, kung saan umani ito ng 5,300 reactions, 207 comments, at 225 shares.
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga Pinagmulan
Robin Padilla official Facebook page, LOOK! FORMER PRESIDENT DUTERTE SEEN OUTSIDE THEIR HOUSE IN DAVAO!, July 2, 2022
Good News Supporters Facebook page, Ganito lang po ka simply ang Bahay ni President Rody Duterte sa Dona Luisa village Davao, Sept. 9, 2017
Good News Supporters Facebook page, Ganito lang po ka simply ang Bahay ni President Rody Duterte sa Dona Luisa village Davao, Dec. 8, 2019
Duterteism United Facebook page, Napaka-simple!, Oct. 3, 2020
Rody Duterte YouTube channel, RRD Interview April 17, April 17, 2016
GMA News official YouTube channel, UB: Duterte, hindi magso-sorry sa sinabi, pero nag-sorry sa nangyaring insidente, April 18, 2016
Bombo Radyo Gensan official Facebook page, LOOK! FORMER PRESIDENT DUTERTE NAKITA SA GAWAS SA ILANG PANIMALAY SA DAVAO, July 3, 2022
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)