Sinabi ni Sonshine Media Network International (SMNI) News anchor Mike Abe na hiniling ni Bise Presidente Leni Robredo na makapanayam siya ng isang partikular na “media personality” lamang sa Peb. 15 na debate na inorganisa ng network para sa mga kandidato sa pagkapangulo sa Mayo 9 na eleksyon.
Hindi ito totoo. Sinabi ng tagapagsalita ni Robredo na ang alegasyon ay isang “imbento lamang.”
PAHAYAG
Ilang oras bago ang debate noong Peb. 15, sinabi ni Abe sa programang Usaping Bayan ng SMNI News:
“Itong si Leni, isa pang pasaway itong si Leni. Nag-demand pa ng personality sa media na mag-i-interview sa kanya, sasali sa debate. Nung pagbigyan, umatras din. Anong klaseng kandidato ‘yan?”
Pinagmulan: SMNI News, Mike Abe: Wala kayong isang salita, mambobola kayo, Feb. 15, 2022, panoorin mula 17:40 hanggang 17:54
Ang video ng SMNI News ay napanood nang higit sa 306,000 beses noong Peb. 21. Nakakuha ito ng higit sa 1,000 Facebook (FB) interactions at posibleng umabot sa higit sa 622,000 netizens, ayon sa social media monitoring tool na CrowdTangle. Ang nangungunang traffic generator nito ay ang FB page Team Philippines.
Makalipas ang isang araw, dalawang FB users ang nag-repost ng maling pahayag ni Abe. Ang kanilang mga post ay sama-samang nakakuha ng higit sa 6,400 reactions, 601 komento, at 2,800 shares hanggang Peb. 21.
Nag-post din ang TikTok user na dennissaint_five noong Peb. 16 ng bahagi ng pahayag ni Abe sa SMNI News program. Ito ay natingnan nang higit sa 260,600 beses at nakakuha ng mahigit 29,800 interactions hanggang Peb. 21.
ANG KATOTOHANAN
Sinabi ng abogadong si Barry Gutierrez, tagapagsalita ni Robredo, sa isang mensahe sa Viber sa VERA Files Fact Check noong Peb. 16 na ang pahayag ay “hindi totoo at imbento lamang.”
Si Robredo at ang kanyang running mate na si Sen. Francis “Kiko” Pangilinan ay hindi dumalo sa debate dahil sa kanilang “matagal nang na iskedyul” na pakikipagkita sa kanilang mga campaign lider at tagasuporta sa Panay Island. Ito ang unang pagkakataon na hindi sumali si Robredo sa isang presidential debate para sa 2022 elections.
Ang mga kapwa kandidato na sina Francisco “Isko Moreno” Domagoso, Panfilo “Ping” Lacson at Emmanuel “Manny” Pacquiao Jr. ay tumanggi ring sumali sa SMNI debate bunga ng iba’t ibang dahilan.
Ang SMNI ay pag-aari ng kontrobersyal na lider ng simbahan na si Apollo Quiboloy, na kasalukuyang pinaghahanap ng United States Federal Bureau of Investigation dahil sa mga kasong sex trafficking.
Nagsimulang kumalat ang maling pahayag ilang oras bago ang presidential debate ng network, na dinaluhan ng apat sa 10 kandidato para sa pagkapangulo.
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga pinagmulan
SMNI News, Mike Abe: Wala kayong isang salita, mambobola kayo, Feb. 15, 2022
Barry Gutierrez, private message to VERA Files Fact Check, Feb. 16, 2022
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)