Noong Marso 29, sinabi ni Sen. Francis Tolentino na “tinanggap niya ang panukala” na maging abogado ng kanyang kasamahan na si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, sa International Criminal Court (ICC). Ang korte na nakabase sa The Netherlands ay nakahanda nang tingnan ang mga krimen na may kaugnayan sa droga noong panahon ng administrasyong Duterte nang si Dela Rosa ang namuno sa Philippine National Police na nagpatupad ng kampanya laban sa iligal na droga.
Nangangailangan ito ng konteksto dahil sa isang probisyon sa Konstitusyon na nagbabawal sa mga senador at kongresista na “personal na humarap bilang abogado sa anumang hukuman ng hustisya o sa harap ng Electoral Tribunals, o quasi-judicial at iba pang mga administrative body.”
PAHAYAG
Sa isang press conference, sinabi ni Tolentino:
“I accept the letter of proposal of Senator Dela Rosa to lawyer for him … So I am now speaking as a counsel of Senator Dela Rosa.”
(“Tinatanggap ko ang letter of proposal ni Senator Dela Rosa na mag-abogado para sa kanya … Kaya ako ngayon ay nagsasalita bilang isang abogado ni Senator Dela Rosa.”)
Pinagmulan: News5, Sen. Tolentino, tatayong legal counsel ni Dela Rosa sa kaso niya sa ICC, Marso 29, 2023, panoorin mula 0:00 hanggang 0:19
Idinagdag ng mambabatas, na mayroong tatlong Master of Laws degree mula sa mga dayuhang unibersidad:
“My role then would be to ensure the protection of Senator Dela Rosa not just within the confines of the ICC — because we’re claiming that they don’t have jurisdiction — but even locally.”
(“Ang tungkulin ko doon ay tiyakin ang proteksyon ni Senator Dela Rosa hindi lamang sa loob ng ICC – dahil sinasabi namin na wala silang hurisdiksyon – ngunit maging sa lokal.”)
Pinagmulan: CNN Philippines, Tolentino tatayong abogado ni Dela Rosa sa ICC | News Night, panoorin mula 0:45 hanggang 0:59
ANG KATOTOHANAN
Ang Article 6, Section 14 ng 1987 Constitution ay nagbabawal sa mga miyembro ng Kongreso na mga abogado na personal na humarap bilang abogado sa mga lokal na korte. Ang Term of Office and Privileges of senators ay nagpapahintulot sa kanila na mag praktis ng abogasya ngunit sa mga paglilitis at pagdinig, “ang pagharap at maaaring hindi na (sila) kundi ang ibang miyembro ng (kanilang) law office” alinsunod sa pagbabawal sa konstitusyon.
Sinabi ni Solicitor General Menardo Guevarra, sa isang panayam noong Marso 31 sa GMA News, na hindi malinaw sa ngayon kung saklaw ng pagbabawal ang imbestigasyon ng ICC, na isang dayuhang korte na nakabase sa The Hague. Ipinaliwanag niya na kung si Dela Rosa ay kakasuhan ng ICC at ang kanyang kaso ay humantong sa paglilitis, isa pang komplikasyon ay ang kawalan ng accreditation ni Tolentino.
“Makakabangga naman ni Sen. Tolentino diyan ay — halimbawa, kung ang tinutukoy niya ay hanggang sa paglilitis ng kaso… Baka maging komplikasyon ay masabing, ‘Pasensya na, hindi ka accredited ng ICC. Kailangan na meron munang application na ma-accredit ka namin para makapag-participate ka sa paglilitis na gagawin ng Trial Chamber,’” paliwanag ni Guevarra.
Bagamat pinangalanan sina Dela Rosa at dating pangulong Rodrigo Duterte sa kahilingan ng ICC prosecutor noong 2021 na ipagpatuloy ang imbestigasyon, hindi pa sila pinangalanan bilang mga suspek sa kaso. (Read VERA FILES FACT CHECK: Bato wrongly claims he is ‘co-accused’ with Duterte in ICC probe)
Hanggang Dis. 20, 2022, si dating presidential spokesperson Harry Roque ang tanging abogadong Pilipino na nasa opisyal na List of Counsel ng ICC.
Ayon kay constitutional expert Michael Yusingco, ang desisyon ni Tolentino na kumatawan kay Dela Rosa sa harap ng ICC ay isang “gray area” dahil ang pagbabawal ng Konstitusyon ay limitado lamang sa mga domestic court.
“Ang pag apply nito sa mga internasyonal na tribunal ay maaaring isang stretch. O, sa simpleng pananalita, ang anumang conflict kaugnay nito ay kailangang desisyunan ng (Supreme Court),” isinulat niya sa isang email sa VERA Files Fact Check.
Binanggit din ni Yusingco na ang probisyon sa Term of Office and Privileges ng Senado ay para lamang sa isang senador na may law office. “Ngunit kung tungkol sa pagbabawal ng personal na pagharap, ang parehong pangangatwiran tulad ng sa pagbabawal sa konstitusyon ay maaaring magamit,” sabi ni Yusingco.
Tinanggihan ng ICC Appeals Chamber noong Marso 27 ang kahilingan ng gobyerno ng Pilipinas na suspindihin ang imbestigasyon ng prosecutor habang nagpapatuloy ang apela nito para sa pagbaligtad ng desisyon noong Enero 2023 para sa pagpapatuloy ng pagsisiyasat. (Basahin ang ICC denies PH request to suspend drug war investigation)
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga Pinagmulan
News5, Sen. Tolentino, tatayong legal counsel ni Dela Rosa sa kaso niya sa ICC, March 29, 2023
CNN Philippines official Twitter, Senador Francis Tolentino tatayong abogado ni Senador Bato dela Rosa…, March 29 2023
Official Gazette, 1987 Constitution, accessed on March 31, 2023
Senate of the Philippines, Term of Office and Privileges, accessed on March 31, 2023
Atty. Michael Yusingco, Personal communication (email), March 31, 2023
GMA News, SolGen Guevarra, nilinaw ang posisyon ng bansa sa imbestigasyon ng ICC | The Mangahas Interviews, March 31 2023
International Criminal Court, List of Counsel Before the ICC, Dec. 20, 2022
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)