Matapos sabihin noong nakaraang Disyembre na hindi kailangan ang pag-amyenda sa mga probisyong pang-ekonomiya ng 1987 Constitution, naghain ng resolusyon si Senate President Juan Miguel Zubiri noong Enero 15, na eksaktong nagpapanukala ng ganoon.
Ginawa ni Zubiri ang hakbang matapos siya, kasama sina Senate President Pro Tempore Loren Legarda at House Speaker Martin Romualdez ay nakipagpulong kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Enero 11.
Sinabi ni Zubiri na itinuturing ng pangulo na “masyadong divisive” ang patuloy na kampanya ng people’s initiative para sa charter change na itinulak ng kanyang mga kaalyado sa House of Representatives, at hiniling sa Senado na “manguna” sa pagrepaso sa mga probisyon tungkol sa ekonomiya ng Konstitusyon.
PAHAYAG
Sa isang press conference noong Enero 15, sinabi ni Zubiri na alam niya ang mga legal na hamon na kinakaharap ng Republic Act (RA) No. 11659 sa Korte Suprema at ang pangangailangang isama ang mga probisyon nito sa Konstitusyon bilang isang “pangmatagalang patakaran”:
“It is only in this respect [that] the Senate can agree to modify the Constitution. […] We wish to assure the people that in reviewing the economic provisions of the Constitution, we will be circumspect.”
(“Sa bagay na ito lamang [na] maaaring sumang-ayon ang Senado na baguhin ang Konstitusyon. […] Nais naming tiyakin sa mga tao na sa pagsusuri sa mga probisyong pang ekonomiya ng Konstitusyon, kami ay magiging maingat.”)
Pinagmulan: Senate of the Philippines, Press Briefing with Senate President Juan Miguel “Migz” F. Zubiri, Dis. 15, 2024, panoorin mula 30:35 hanggang 30:58
Sinabi ng mambabatas noong Enero 18 na siya ay magbibitiw kung ang mga political amendment ay pakikialaman.
“Tinitiyak ko na tanging mga amendment sa mga probisyong pang ekonomiya (ang susuriin) para makinabang ang bansa. Ang mga pagbabago ay hindi para lamang sa ikabubuti ng iilang tao, lalo na mga politiko,” paniniguro ni Zubiri sa pinaghalong English at Filipino.
ANG KATOTOHANAN
Sinabi ni Zubiri noong nakaraang buwan na hindi kailangan ang pagrepaso sa Konstitusyon, matapos tanungin ng mga mamamahayag ng DZBB kung sumang-ayon ang Senado sa pananaw ni Marcos para sa pagsasagawa ng pag-aaral upang matukoy kung kailangan ang pag-amyenda sa mga probisyon sa ekonomiya.
Ipinaliwanag ng pangulo ng Senado na hindi ito prayoridad ng Senado, at idinagdag:
“Sa tingin ko, hindi naman po kailangan ng amendment at this particular point in time. Let us just implement the amended Public Services Act […] Ang problema kasi, sa totoo lang, alam mo naman ‘yung pulso ng mga senador. Ang pulso ng mga senador ay ‘wag muna, hindi muna talakayin ang Charter change.”
(“Sa tingin ko, hindi naman po kailangan ng amendment sa ngayon. Ating ipatupad na lang ang amended Public Services Act […] Ang problema kasi, sa totoo lang, alam mo naman ‘yung pulso ng mga senador. Ang pulso ng mga senador ay ‘wag muna, hindi muna talakayin ang Charter change.”)
Pinagmulan: DZBB Official Facebook Page, Dobol B Bantay Balita sa Kongreso | Nimfa Ravelo at Isa Avendaño-Umali | Disyembre 17, 2023, Dis. 17, 2023, panoorin mula 50:34 hanggang 50:52 at 53:45 hanggang 54:12
BACKSTORY
Ang Resolution of Both Houses No. 6, ni Zubiri, na pinagsama-samang akda nina Legarda at Sen. Juan Edgardo Angara, ay nagmumungkahi ng mga sumusunod na amendments:
-
- Walang prangkisa, certificate, o anumang iba pang anyo ng awtorisasyon na magpatakbo ng public utilities ang dapat ipagkaloob, maliban sa mga mamamayang Pilipino, mga korporasyon, at mga asosasyon, na may hindi bababa sa 60% ng kapital nito sa ilalim ng pagmamay-ari ng Pilipino, maliban kung iba ang itinatadhana ng batas;
- Ang partisipasyon ng mga dayuhang mamumuhunan sa governing body ng anumang public utility enterprise ay dapat na limitado sa kanilang proporsyonal na bahagi sa kapital nito, at ang mga executive at managing officer ng mga korporasyon at asosasyon ay dapat mamamayang Pilipino lahat, maliban kung iba ang itinatadhana ng batas;
- Ang mga pangunahing institusyong pang-edukasyon, maliban sa itinatag ng mga relihiyosong grupo at mga lupon ng misyon, ay dapat pag-aari at kontrolado ng mga mamamayang Pilipino, mga korporasyon o asosasyon, maliban kung iba ang itinatadhana ng batas;
- Tanging ang mga mamamayang Pilipino, mga korporasyon, o mga asosasyon na may hindi bababa sa 70% na kapital sa ilalim ng pagmamay-ari ng mga Pilipino ang dapat payagang sumali sa industriya ng advertising, maliban kung iba ang itinatadhana ng batas. Gayundin, ang pakikilahok ng mga dayuhang mamumuhunan sa governing body ng mga entidad sa industriya ng advertising ay dapat limitado sa kanilang proporsyonal na bahagi sa kapital nito, at ang executive at namamahala na mga opisyal ng naturang mga korporasyon o asosasyon ay dapat mamamayang Pilipino lahat, maliban kung iba ang itinatadhana ng batas.
Ang mga iminungkahing amendment ay nagpapahintulot sa Kongreso na magpasa ng mga hakbang na nagbibigay-daan na magbubukas sa mga pinaghihigpitang industriya sa dayuhang pagmamay-ari.
Inalis ng RA 11659, na nilagdaan ni dating pangulong Rodrigo Duterte noong Marso 2022, ang 40% restriction sa dayuhang pagmamay-ari ng mga negosyo sa mga pangunahing lugar ng pamumuhunan. Gayunpaman, isang petisyon na nakabinbin sa Korte Suprema ang humahamon sa constitutionality ng batas, na nag-amyenda sa 1936 Public Service Act, na kilala bilang Commonwealth Act 146.
May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).
Mga Pinagmulan
Senate of the Philippines, Resolution of Both Houses No. 6, Jan. 15, 2024
Official Gazette of the Philippines, Republic Act No. 11659, March 21, 2022
DZBB Official Facebook Page, Dobol B Bantay Balita sa Kongreso | Nimfa Ravelo at Isa Avendaño-Umali | December 17, 2023, Dec. 17, 2023
GMA News Online, Zubiri to resign as Senate President if amendments other than economic tinkered in Cha-cha, Jan. 18, 2024
ABS-CBN News, Group behind pro-Cha-cha ad speaks up: ‘We just want public discussion’, Jan. 10, 2024
News5, TV ad na nagsusulong sa cha-cha, binayaran ng PIRMA, Jan. 10, 2024
Inquirer.net, Pirma is back: Charter change drive on air, on ground, Jan. 11, 2024
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)