Mula sa pagtanggi sa pagkakasangkot sa mga naiulat na pagsisikap sa destabilisasyon laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., paulit-ulit at pampublikong nananawagan ngayon si dating pangulong Rodrigo Duterte sa militar at pulisya na “protektahan ang Saligang Batas” at “iwasto” ang sinasabing plano ng kasalukuyang administrasyon na panatilihin ang hawak nito sa kapangyarihan sa pamamagitan ng pag-amyenda nito.
Noong nakaraang Disyembre, inihayag ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang plano ng House of Representatives na muling bisitahin ang 1987 Constitution, titingnan ang mga pagbabago sa pamamagitan ng people’s initiative.
Pagkalipas ng ilang linggo, lumabas ang balita na ang mga kongresista at iba pang lokal na pinuno ay nagtitipon ng mga lagda para sa isang people’s initiative na payagan ang Senado at ang House of Representatives na bumoto nang magkasama sa pag-amyenda sa Charter. Binatikos ito ng ilang opisyal ng gobyerno, kabilang sina Vice President Sara Duterte at Sen. Imee Marcos, dahil sa mga ulat ng panunuhol.
Pinangunahan ng mga Duterte ang prayer vigil laban sa Charter change sa Davao City noong Enero 28, kasabay ng kick-off rally sa Manila, sa pangunguna ni Pangulong Marcos, para sa Bagong Pilipinas campaign ng administrasyon.
PAHAYAG
Sa Davao City rally, nanawagan ang dating pangulo sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na “protektahan” ang Saligang Batas sa gitna ng mga alegasyon ng panunuhol para matuloy ang mga hakbang ng kasalukuyang administrasyo na maisakatuparan ang Charter change. Sinabi niya:
“I am calling now the Armed Forces of the Philippines and the PNP, protect the Constitution. Trabaho ninyo ‘yan (It’s your job)… You should worry about the nation, the millions of Filipinos. ‘Wag kayong mag-isip lang ng isang pamilya. (Do not think about [the interests of] just one family).”
(“Nananawagan ako ngayon sa Armed Forces of the Philippines at sa PNP, protektahan ang Constitution. Trabaho ninyo ‘yan … Kailangan kayong mag-alula tungkol sa bansa, sa milyong mga Filipino. ‘Wag kayong mag-isip lang ng isang pamilya.”)
Pinagmulan: Rody Duterte Facebook Page, PRAYER RALLY, Enero 28, 2024, panoorin mula 4:01:24 hanggang 4:01:55
Sa parehong talumpati, sinabi ni Duterte na dapat makialam ang militar at pulisya sakaling abusuhin ni Marcos ang kanyang kapangyarihan para palawigin ang kanyang termino:
“Kung hindi na talaga ito mapigilan, nand’yan ang military pati pulis. Makinig kayo, pag-aralan ninyo kung ano ‘yang pinapakain nila sa taong bayan at pagka nakita niyo kung ano ang mali, you correct it. Nasa inyong kamay na ‘yan.”
(“Kung hindi na talaga ito mapigilan, nand’yan ang military pati pulis. Makinig kayo, pag-aralan ninyo kung ano ‘yang pinapakain nila sa taong bayan at pagka nakita niyo kung ano ang mali, wastuhin ninyo. Nasa inyong kamay na ‘yan.”)
Pinagmulan: panoorin mula 3:46:44 hanggang 3:47:11
ANG KATOTOHANAN
Sa isang press conference noong Enero 7 sa Davao City din, itinanggi ni Duterte na siya ang nasa likod ng umano’y pagsisikap ng destabilisasyon laban sa administrasyong Marcos. Sinabi niya:
“Why would I bother to tinker with these things? Naging president na ako [I already became president]. For what purpose? To what? To place somebody else in place of Marcos? I’m comfortable with Marcos. Why should I replace him and who am I to replace him at this time of my life?”
(“Bakit naman ako mag-aabala sa mga bagay na ito? Naging presidente na ako. Para saan? Sa ano? Upang ilagay ang ibang tao bilang kapalit ni Marcos? Komportable ako kay Marcos. Bakit ko siya papalitan at sino ba naman ako para palitan siya sa panahong ito ng buhay ko?”)
Pinagmulan: Bangon Pilipinas YouTube channel, LIVE PRESSCON WITH FORMER PRES. RODRIGO DUTERTE, Enero 7, 2024, panoorin mula 18:02 hanggang 18:38
Sa isang episode noong Nobyembre 2023 ng kanyang programang “Gikan sa Masa Para sa Masa,” inamin ni Duterte na nakikipag-usap siya sa mga retiradong heneral at naalala niyang sinabi sa kanila na ang “laganap” at “walang kontrol” na katiwalian ay maaaring “magpabagsak sa gobyerno.”
Gayunpaman, itinanggi niya ang kanyang pagkakasangkot sa umano’y planong destabilization at sinabing maaaring siya ay na-misquote.
Ipinaliwanag ni Duterte na wala siyang nakitang “seryosong isyu ng katiwalian” sa administrasyong Marcos na mangangailangan ng mga hakbang para patalsikin ito.
“Kapag pinag-uusapan natin ang tungkol sa kudeta o pagpapalit ng gobyerno sa pamamagitan ng puwersa, hayagang pinag-uusapan ito para walang duda. Halimbawa, kung mayroong [isang] seryosong isyu ng katiwalian, na, sa tingin ko, ay wala sa ngayon… wala akong nakita sa kapaligiran… mga isyu na sapat lumikha ng isang kaguluhanl,” sinabi niya.
BACKSTORY
Sa isang mensahe sa seremonya ng pagpapalit ng command sa Western Mindanao Command noong Nobyembre 2023, binalaan ni AFP Chief of Staff Romeo Brawner Jr. ang mga sundalo laban sa pakikilahok sa anumang hakbang para i-destabilize ang kasalukuyang administrasyon.
Kalaunan ay nilinaw niya na hindi niya binanggit ang isang “plot” ng destabilisasyon laban kay Marcos, kundi “mga pagsisikap.”
“Kasi ‘pag sinabi nating plot, parang plano na ito na ipatupad na lang. Kaya, ang sinabi ko sa king pahayag ay may naririnig tayo na mga ugong-ugong ng mga destabilization efforts,” paliwanag ni Brawner.
Ang paglilinaw na ito ay binanggit din ni AFP Spokesperson Medel Aguilar na, sa isang panayam sa radyo, ay nagsabi na si Brawner ay nagsasalita tungkol sa mga hakbang ng ilang indibidwal upang guluhin ang katatagan ng gobyerno, na hindi pa nakikita ng militar bilang banta sa pambansang seguridad.
(Basahin ang VERA FILES FACT CHECK: KULANG SA KONTEKSTO ang pahayag ni AFP Chief Brawner tungkol sa umuugong na ‘destabilization’)
May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).
Mga Pinagmulan
House to push for charter change
- ABS-CBN News, House to push for charter change in 2024: Speaker, Dec. 12, 2023
- CNN Philippines, House to revive Cha-cha push in 2024 – Romualdez, Dec. 12, 2023
- GMA News, Romualdez: House to focus on easing restrictions, Cha-cha in 2024, Dec. 13, 2023
Rody Duterte Facebook Page, PRAYER RALLY, Jan. 28, 2024
Bangon Pilipinas YouTube channel, LIVE PRESSCON WITH FORMER PRES. RODRIGO DUTERTE, Jan. 7, 2024
DZAR 1026, LIVE: ‘Gikan sa Masa, Para sa Masa’ kasama si dating Pang. Rodrigo Roa Duterte | November 6, 2023, Nov. 6, 2023
Western Mindanao Command, AFP, Joint Change of Command and Chief of Office Ceremony of Western Mindanao Command and office of the Inspector General, AFP, Nov. 3, 2023
GMA News, AFP Chief of Staff Romeo Brawner Jr., may mga naririnig umanong mga ugong na… | 24 Oras Weekend, Nov. 4, 2023
ABS-CBN News, No destabilization plot, only efforts to ‘upset’ Marcos administration: AFP, Nov. 5, 2023
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)