Gustong tapusin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang termino ang napakamahabang paghahangad na mabawi ang nakaw na yaman ng pamilya Marcos.
Sinabi niya kanyang papadaliin ang isang kasunduan sa mga Marcos at ipapasa ito sa Kongreso. Bilang kapalit, ang pamilya ng namayapang diktador ay nais magkaroon ng immunity sa karagdagang pag-uusig, sinabi niya.
Sa speech noong Set. 5, sinabi ni Duterte:
“Itong mga Marcos, hindi ito papayag na isauli bila tapos kulungin mo sila. Kaya sinabi ko kailangan ninyong gumawa ng isang batas dito, at iyon ay immunity. Hindi mga bobo ‘yan … ‘O sige isauli ko, pero huwag mo akong kulungin … ganoon ‘yan.’ Kung hindi, kung kulungin mo ako, kung ako si Marcos, bakit ko isauli? Kung gayon mas gugustuhin ko ireserba ito para sa aking mga anak at apo. ”
Pinagkunan: Media Interview of President Rodrigo Roa Duterte, Sept. 5, 2017 panoorin mula 2:50-3:18
Hindi nagbigay ng dagdag na detalye dng presidente, maliban sa ang immunity ay papagtibayin sa konsultasyon sa Department of Justice, Department of Finance at Bangko Sentral ng Pilipinas.
Gayunpaman, kung ang kasaysayan ay anumang indikasyon, ang pagbuo ng isang kasunduan ay hindi magiging madali.
Dalawampu’t apat na taon na ang nakalilipas, ang mga Marcos at ang Presidential Commission on Good Government, ang ahensya na nilikha upang mabawi ang nakaw na yaman ng pamilya, ay lumagda sa isang kasunduan na magtatapos sa lahat ng nakabinbing kaso sa mga ari-arian ng pamilya.
Ang kasunduan ay nilagdaan nang lihim noong Dis. 28, 1993, tatlong buwan pagkatapos hatulan ng Sandiganbayan ang dating unang ginang at kasalukuyang Ilocos Norte 2nd District Rep. Imelda Marcos na nagkasala sa kasong pagpapayaman.
Ang mga pumirma (sa kasunduan) ay ang PCGG, sa pamamagitan ng noo’y Chairman Magtanggol C. Gunigundo, at Imelda kasama at ang kanyang mga anak na sina Ilocos Norte Gob. Imee Marcos at Irene Marcos-Araneta.
Ang kasunduan ay dapat na iharap para sa pag-apruba noon ni Pangulong Fidel V. Ramos, na sa kanyang Hulyo 1993 State of the Nation Address ay nanghimok na magkaroon ng mga kasunduan sa nakaw na yaman ni Marcos, sa ilalim ng mga patnubay na itatatag ng Kongreso.
Noong 1995, ang kasunduan ay lumabas sa publiko pagkatapos isinampa sa Sandiganbayan ang isang petisyon para sa pag-apruba nito. Nang maglaon, tinawag itong “lihim na kompromiso ni Marcos-PCGG ng 1993,” at naging sanhi ng malaking ingay.
Tumugon si Ramos sa pamamagitan ng pagbibigay ng isang pahayag, na nagsasabing siya ay “hindi nagbigay ng pahintulot kay Gunigundo na aprubahan ang anumang kasunduan sa mga Marcos at hindi niya aaprubahan ang mga ito, kung isinumite sa akin.”
Idinagdag niya na ang buong power of attorney na ibinigay niya kay Gunigundo noong 1994 ay hindi nagpapahintulot na “aprubahan ang mga Kasunduan, na inireserba ko para sa aking sarili bilang Pangulo ng Republika ng Pilipinas.”
Kahit na walang pirma si Ramos, ang kasunduan kinuwestyon sa Korte Suprema ng namayapang solicitor general Frank Chavez.
Noong 1998, pinawalang bisa ng Korte Suprema ang tinatawag na lihim na kasunduan, kabilang ang mga sumusunod na probisyon, kasama ang iba pa.
Tax exemption
Sa kasunduan, ang mga ari-arian na maiiwan sa mga Marcos ay magiging “net at hindi ipagbabayad ng lahat ng uri ng buwis.”
Ang pamilya ay nangakong gagawa ng imbentaryo ng lahat ng kanilang mga ari-arian at ang kanilang mga lokasyon nito, kasama ang mga ari-arian na naiuri bilang mga sumusunod:
-lupain
-alahas
-mga painting at iba pang obra ng sining
-securities
-mga pondong naka deposito
– mga mamahaling metal at
-iba pang mga pag-aari na hindi kasama sa mga binanggit na kategorya
Batay sa imbentaryong ito, tutukuyin ng PCGG kung aling mga pag-aari ang ibibigay sa gobyerno, at kung ano ang mananatili sa mga Marcos.
Ipinahayag ng Korte Suprema na ang probisyon na ito ay labag sa saligang-batas, sinasabing Kongreso lamang ang may kapangyarihan na magpataw ng buwis at magbigay ng mga paglilibre sa buwis.
Kahit na ipasa ng Kongreso ang isang batas, “anumang espesyal na pagbibigay ng paglilibre sa buwis na pabor lamang sa mga tagapagmana ni Marcos, ay bubuo ng class legislation,” idinagdag nito.
Ang class legislation ay may kaugnayan sa anumang batas na nagbibigay ng isang espesyal na pribilehiyo sa isang uri ng mga tao at isang pasanin sa isa o pareho. Ito ay lumalabag sa tuntunin ng konstitusyon na ang pagbubuwis ay “magiging pantay at magkakatulad.”
Dagdag pa, sinabi ng Korte Suprema na habang ang mga commissioner ng Bureau of Internal Revenue ay maaaring magbigay ng mga paglilibre sa buwis, maaari lamang nila ito gawin sa mga partikular na pagkakataon — wala sa mga ito ang naaangkop sa kaso ng mga Marcos.
Pagbabasura ng lahat ng mga nakabinbing kaso
Sa ilalim ng kasunduan, ibabasura ng gobyerno ang “lahat ng iba pang mga kaso na nakabinbin sa Sandiganbayan at lahat ng iba pang korte” at ititigil ang pagsasampa ng mga bagong kaso laban sa mga Marcos kapag ang pamilya ay nagsumite ng listahan ng mga pag-aari.
Ayon sa Korte Suprema, ang probisyong ito ay nakakaapekto sa mga panghukumang kapangyarihan.
“Kapag ang isang kaso ay isinampa sa harap ng isang korte ng may kakayahang hurisdiksyon, ang bagay ng pagbabasura o pagsasakatuparan nito ay nasa buong paghuhusga at kontrol ng hukom,” ayon sa pasiya.
Ang PCGG, na nag-usig ng mga kaso ng nakaw na yaman, “ay hindi magagarantiyahan ang pagbabasura ng lahat ng gayong mga kaso laban sa mga Marcos na nakabinbin sa mga korte.”
Immunity sa kriminal na pag-uusig
Pang huli, kabilang sa kasunduan ang immunity sa kriminal na pag-uusig ng mga Marcos, na pinawalang-bisa din ng Korte Suprema.
Ang mga kompromisong kasunduan ay pinahihintulutan at sa pangkalahatan ay hinihikayat sa mga kaso ng sibil, ngunit hindi sa mga kriminal na kaso na hinaharap ng mga Marcos, anang desisyon ng Korte Suprema.
“Ang immunity sa kriminal na kaso ay hindi maaaring ipagkaloob sa mga Marcos na siyang mga prinsipal na akusado sa maraming mga kaso ng nakaw na yaman na nakabinbin sa Sandiganbayan,” sabi nito. “Ang probisyon ay naaangkop para lamang sa mga saksi na magbibigay ng impormasyon o nagpapatotoo laban sa isang nakademanda, nasasakdal o akusado sa isang kaso ng nakaw na yaman.”
Dahil dito, mga 289 na kaso laban sa mga Marcos at kanilang mga kroni ay nananatiling nakabinbin sa iba’t ibang korte. Sa pagtatantya ng PCGG, ang halaga ng ninakaw na yaman ng pamilya ay nasa pagitan ng USD 5-10 bilyon.
Mula 1986, nabawi ng PCGG ang halos USD 4 bilyon.
Mga pinagkunan:
AbsCbn.com. Thousands gather at UPLB expecting part of Marcos wealth. Sept 23, 2017
Interaksyon.com. LOOK | Thousands of Marcos loyalists flock to UP Los Baños. Sept 23, 2017
Inquirer.net. Thousands flock to UPLB to get P1M each ‘from Marcos wealth.’Sept 24, 2017
RTVMalacañang. Media Interview of President Rodrigo Roa Duterte. Sept. 5, 2017
G.R. No. 126995. Imelda Marcos vs. The Honorable Sandiganbayan (First Division)January 29, 1998
G.R. No. 130716. Chavez vs. PCGG. December 9, 1998
Section 28, Article VI of the 1987 Constitution
Executive Order No. 14, s. 1986
Executive Order No. 14-A, s.1986
Black’s Law Dictionary 2nd Edition
Salonga, J. (2000). Presidential plunder: The quest for the Marcos ill-gotten wealth. Quezon City. University of the Philippines