Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT SHEET: Ang Mamatay Nang Dahil Sa…? Ano ang sinasabi ng mga dokumento ng hukuman tungkol sa paglilitis at pagbitay kay Rizal

Dalawang araw bago salubungin ng bansa ang panibagong taon, gugunitain ng mga Pilipino ang pagbitay kay Jose Rizal noong Dis. 30, na unang idineklara na holiday ng yumaong pangulong Emilio Aguinaldo noong Dis. 20, 1898.

By VERA Files

Dec 29, 2021

6-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Dalawang araw bago salubungin ng bansa ang panibagong taon, gugunitain ng mga Pilipino ang pagbitay kay Jose Rizal noong Dis. 30, na unang idineklara na holiday ng yumaong pangulong Emilio Aguinaldo noong Dis. 20, 1898.

Mula noon, tuwing Rizal Day, inaalala ng bansa ang malungkot na umaga noong 1896 nang ang propagandista ay pinatay sa pamamagitan ng firing squad para sa mga krimen na kinasasangkutan ng “rebelyon.”

Ano ang mitsa sa pagbitay kay Rizal? Ang kanyang mga krimen ba ay katumbas ng hatol ng kamatayan? Narito ang tatlong bagay na kailangan mong malaman:

1. Anong mga krimen na ikinaso kay Rizal?

Noong Dis. 26, 1896, idineklara ng military court ng Espanya sa Pilipinas, na tinatawag na Ordinary Court Martial of the Post, na si Rizal ay nagkasala sa “pagtatatag ng mga iligal na asosasyon” at “pagsusulong o pag-udyok sa paglunsad ng rebelyon,” ang unang krimen na “kinakailangang paraan” sa paggawa ng ikalawa, ayon sa yumaong mananalaysay na si Horacio De La Costa sa kanyang 1961 na aklat, The Trial of Rizal.

Itinuro ng mga tagausig ang pagkakasala ni Rizal sa kanyang “pag-amin” na isinulat niya ang mga kautusan ng La Liga Filipina noong siya ay nasa Hong Kong mula 1891 hanggang kalagitnaan ng 1892. Nagpatotoo si Rizal sa kanyang deposisyon noong Nob. 20, 1896 na sa pamamagitan lamang ng “pagpilit” ni Don José Basa na sinulat niya ang mga kautusan at alituntuning-panloob ng Liga Filipina, sabi ni Dela Costa.

Kaya naman, ikinatuwiran ng prosekusyon na si Rizal ang “organizer” ng iligal na asosasyon. Sinabi rin ni Judge Advocate General Nicolas De La Peña na si Rizal ang “nangunguna sa pagsulong” ng rebelyon at sinentensiyahan siya na “patayin ng firing squad.”

Pinagtibay ni De La Peña, na siya ring chief legal adviser ng military court noong panahong iyon, ang hatol kay Rizal at inendorso ang kanyang pagbitay. Pagkatapos ay itinakda ni gobernador-heneral Camilo G. De Polavieja ang petsa ng kamatayan ni Rizal sa Dis. 30, 1896, ika-7 ng umaga, sa parang ng Bagumbayan, na kilala ngayon bilang Rizal Park.

2. Ginagarantiyahan ba ng mga kasong ito ang kanyang agarang pagbitay?

Sinabi ng military court na ang hatol na kamatayan kay Rizal ay “naaayon” sa Artikulo 189 at 12 na iba pang mga artikulo ng kodigo penal ng Espanya. Gayunpaman, nakasaad sa Artikulo 189 na ang mga nagkasala sa pagtatatag ng mga ilegal na asosasyon ay mahaharap sa prision correccional, o pagkakulong, ayon sa yumaong historian na si Miguel Bernad sa isang 1998 journal article.

Kung magkaroon ng pardon, sinabi ng military court, haharapin ni Rizal ang habambuhay na pagkakakulong at pagbabantay, na may ganap at walang hanggang pag-alis ng mga karapatang sibil. May kasama itong multang P100,000 na kailangang bayaran ng kanyang mga tagapagmana.

3. Ano ang sinabi ni Rizal tungkol sa mga paratang?

Pinanindigan ni Rizal ang kanyang kawalang-kasalanan hanggang sa wakas. Iginiit niya na ang La Liga Filipina ay hindi isang subersibong organisasyon. Kung ito ay totoo, katwiran niya, hindi sana nabuo ang Katipunan.

Ito ay bahagi ng 12-puntong liham ng depensa ni Rizal, na binasa sa military court bago siya hatulan noong Dis. 26, 1896. Iginiit ng manggagamot:

1. Concerning the rebellion. I have had nothing whatever to do with political affairs from 6 July 1892 to 1 June of the present year. On the latter date, upon being told by Don Pío Valenzuela that an uprising was being contemplated, I advised against it and tried to reason him out of it.

(1. Tungkol sa rebelyon. Wala akong anumang kinalaman sa mga usaping pampulitika mula 6 Hulyo 1892 hanggang 1 Hunyo ng kasalukuyang taon. Sa huling petsa, nang sabihin ni Don Pío Valenzuela na ang isang pag-aalsa ay pinag-iisipan, pinayuhan ko siya na huwag ituloy at sinubukang paliwanagan para pigilan.)

Pinagmulan: The Trial of Rizal, Translated: Additions to My Defense (Dec. 26, 1896), 2015 edition

Sa parehong sulat, mariing itinanggi ni Rizal ang mga salaysay ng saksi na nagtuturo sa kanya bilang “honorary president” ng Katipunan. Sinabi niya:

5. One of the witnesses claims that I was the chief (of Katipunan). What kind of chief is he who is left out of account in the planning of an enterprise and who is notified only that he might sneak away? What kind of chief is he whose followers say ‘yes’ when he says ‘no’?”

(5. Sinasabi ng isa sa mga saksi na ako ang pinuno [ng Katipunan]. Anong uri ng pinuno ang taong hindi isinasaalang-alang sa pagpaplano ng isang gawain at naabisuhan lamang na maaaring tumakas? Anong uri ng pinuno siya na ang mga tagasunod ay nagsasabing “oo” kapag sinabi niyang “hindi”?)

Pinagmulan: The Trial of Rizal, pahina 108

Ganoon din, ipinunto ni Rizal na marami siyang pagkakataon upang makatakas sa pagkakakulong, lalo na sa kanyang pagkakatapon sa Dapitan. Sa halip, sinabi niyang “tinanggap niya ang [kanyang] pagkatapon nang may pagsuko,” isang katotohanan na, aniya, ay maaaring mapatunayan ng mga military governor, residente, at pari sa Dapitan.

Ipinunto rin ni Rizal na ang kanyang pagkakatapon ay nagbigay sa kanya ng pagkakataon na “makapagsulat-sulat.”

Isang araw lamang bago ang kanyang pagbitay, nilagdaan ni Rizal ang hatol ng korte na tumuldok sa kanyang hindi napapanahong kamatayan. Ayon sa mananalaysay na si Wenceslao Retana, ang pagpirma ni Rizal sa dokumento ay nagpakita na ginawa niya ito sa isang “napakatatag, malinaw, at magandang sulat kamay, bawat hagod ay nagsasaad ng pinakakumpletong pagsasarili.”

Nang hapong iyon, nagpaalam si Rizal sa ilang miyembro ng kanyang pamilya na pinayagang pumasok sa kanyang selda. Sumulat din siya ng mga liham ng paalam sa kanyang mga kaibigan, kabilang si Fernando Blumentritt. Sinulat ni Rizal:

My dear Brother (Mahal kong kapatid na lalaki),

When you receive this letter, I shall be dead by then (Kapag natanggap mo ang liham na ito, patay na ako.)

Tomorrow at seven, I shall be shot; but I am innocent of the crime of rebellion (Bukas ng alas siyete, ako ay babarilin; ngunit ako ay inosente sa krimen ng paghihimagsik).

I am going to die with a tranquil conscience (Ako ay mamamatay na may payapang budhi).

Adieu, my best, my dearest friend, and never think ill of me! (Paalam, aking pinakamahusay, ang aking pinakamamahal na kaibigan, at huwag kailanman mag-isip ng masama tungkol sa akin!) […]”

Pinagmulan: University of Vienna, 211. Rizal, Fort Santiago, Manila, 29 December 1896, Accessed Dis. 17, 2021

 

Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.

 

Mga Pinagmulan

Official Gazette of the Philippines, AN ACT DECLARING JUNE 19 OF EVERY YEAR A SPECIAL NONWORKING HOLIDAY IN THE WHOLE PROVINCE OF LAGUNA IN HONOR OF THE BIRTH ANNIVERSARY OF OUR NATIONAL HERO, DR. JOSE P. RIZAL, TO BE KNOWN AS “ARAW NG KAPANGANAKAN NI DR. JOSE P. RIZAL”, Nov. 9, 2018

De la Costa, D. H. (2019). The Trial of Rizal (1st ed.) [E-book]. Ateneo de Manila University Press

Bernad, M. (1998). “The Trial of Rizal”, Accessed Dec. 15, 2021

University of Vienna, Who was Wenceslao Emilio Retana?, Dec. 15, 1998

ABS-CBN News, The last days of Jose Rizal, Dec. 29, 2016

University of Vienna, 211. Rizal, Fort Santiago, Manila, 29 December 1896, Accessed Dec. 17, 2021

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.