Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT SHEET: Ang new coronavirus ay katulad ng HIV, sabi ni Duterte. Ganoon ba?

Ihinahambing ang novel coronavirus (tinatawag ngayon na severe acute respiratory syndrome coronavirus 2 o SARS-CoV-2) sa iba pang mga epidemya, tulad ng human immunodeficiency virus (HIV), sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na ito ay "mamamatay ng kusa" kahit na walang mga bakuna.

By VERA Files

Feb 28, 2020

6-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Ihinahambing ang novel coronavirus (tinatawag ngayon na severe acute respiratory syndrome coronavirus 2 o SARS-CoV-2) sa iba pang mga epidemya, tulad ng human immunodeficiency virus (HIV), sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na ito ay “mamamatay ng kusa” kahit na walang mga bakuna.

Sa isang press briefing noong Peb. 3 tungkol sa ginagawa ng gobyerno para mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), inihalintulad ng pangulo ang SARS-CoV-2 sa HIV:

You don’t die of HIV. You die because your body is weakened by the virus and then the bacteria will take over and that is (Hindi ka mamamatay sa HIV. Mamamatay ka dahil ang iyong katawan ay nanghina dahil sa virus at pagkatapos mamamayani ang bacteria at iyon ay) pneumonia. Ganito rin ‘yan. By itself — hindi ‘yan.”

Pinagmulan: Presidential Communications Operations Office, Media Interview: Briefing on the 2019-Novel Coronavirus-Acute Respiratory Disease, Peb. 3, 2020, panoorin mula 19:35 hanggang 19:57

Sinabi ni Duterte, tulad ng HIV, ang SARS-CoV-2 — ang virus na nagdudulot ng COVID-19 — ay “magpapahina” sa katawan at “sisira” sa white blood cells ng tao. Kapag ang mga ito ay “naubos,” papasok ang bacteria na nagiging sanhi ng pagkamatay ng tao dahil sa ibang mga impeksyon, “karaniwang pneumonia,” idinagdag niya.

Ngunit ano ba talaga ang HIV at paano ito nakakaapekto sa katawan? Pareho ba ito sa SARS-CoV-2? Narito ang tatlong bagay na kailangan mong malaman.

1. Ang HIV at SARS-CoV-2 ay ‘magkaiba.’

Sa isang email noong Peb. 27, sinabi ng World Health Organization (WHO) sa VERA Files na “hindi tama” na ihambing ang dalawang virus dahil “(they) differ in nature.”

Ang COVID-19 ay ang “nakakahawang sakit” na dulot ng SARS-CoV-2. Ang pinakakaraniwang sintomas nito ay lagnat, pagkapagod, at tuyong ubo, habang ang ilang mga pasyente ay maaari ring makaranas ng pananakit, baradong ilong, sipon, namamagang lalamunan, o pagtatae, sinabi ng WHO. Karamihan sa mga tao, o humigit kumulang 80 porsyento, ay gumagaling sa sakit nang hindi nangangailangan ng espesyal na paggamot. (Tingnan ang VERA FILES FACT SHEET: Novel coronavirus: Anim na bagay na dapat mong malaman)

Sa kabilang banda, ang HIV ay “pinupuntirya ang immune system at pinapahina ang defense systems ng mga tao laban sa mga impeksyon at ilang uri ng cancer.” Ang virus ay “sumisira at pinipigilan ang paggana ng immune cells,” kaya’t ang mga taong na infect ay unti-unting nagiging immunodeficient, sinabi ng WHO sa email nito.

Partikular na inaatake at sinisira nito ang mga “cell-fighting CD4 [o T-helper] na mga cell ng immune system” ng katawan, na siyang nakikipag-ugnay sa iba pang immune cells para labanan ang mga impeksyon at sakit, ayon sa isang fact sheet ng United States’ National Institutes of Health.

Kapag ang immune defenses ng isang tao ay humina, siya ay nagiging mas madaling bumigay sa mga oportunistang impeksyon, tulad ng pulmonya, na dala ng “microbes at iba pang mga pathogens sa ating pang-araw-araw na kapaligiran,” paliwanag ng WHO sa email.

Ang ganitong mga impeksyon ay tinatawag na “oportunista” dahil “sinasamantala nila ang pagkakataon na dala ng isang mahinang immune system,” idinagdag ng WHO. Ito ang mga sanhi ng kamatayan ng people living with HIV (PLHIV), hindi ang virus mismo.

Sa pinakahuling yugto ng HIV infection, kapag ang immune system ng katawan ay napinsala nang husto ng virus, ang tao ay nagkakaroon ng acquired immunodeficiency syndrome (AIDS), na nadedebelop sa loob ng dalawa hanggang 15 taon kung hindi ginagamot, “depende sa indibidwal,” ayon sa WHO fact sheet.

2. Tuberculosis, hindi pulmonya, ang nangungunang sanhi ng kamatayan ng mga PLHIV.

Ang tuberculosis (TB) ay responsable sa “halos isa sa tatlong pagkamatay na nauugnay sa HIV,” sinabi ng WHO sa VERA Files.

Ang mga PLHIV ay “20 beses na mas malamang na magkasakit ng TB kaysa sa mga walang HIV.” Kahit na nagpapagamot ng TB, ang mga taong coinfected ng HIV at TB ay “3 beses na mas malamang na mamatay dahil sa TB,” dagdag nito.

Ang datos ng WHO ay nagpapakita ng may 251,000 PLHIV na ang namatay dahil sa TB noong 2018. Ito ay 16.33 porsyento na pagbaba mula sa 300,000 pagkamatay noong 2017, at 37.25 porsyento na pagbaba mula sa 400,000 na naitala noong 2016.

Ang TB ay sanhi ng isang bacteria (mycobacterium tuberculosis) na “kadalasang nakakaapekto” sa baga. Kumakalat ito mula sa isang tao tungo sa isa pang tao sa pamamagitan ng hangin kapag ang mga may TB sa baga ay “umubo, bumahin, o dumura” at ang mga mikrobyo ng TB ay napupunta sa hangin, sabi ng WHO. Ang mga pagkamatay ng mga PLHIV na may TB ay maiiwasan kung maagang matuklasan at mabigyan ng naaangkop na paggamot.

Ang Joint United Nations Program on HIV / AIDS (UNAIDS), na nagkoordina sa pandaigdigang pagkilos laban sa virus at sakit, ay naglista ng iba pang mga karaniwang “oportunistang impeksyon” na nakakaapekto sa mga PLHIV. Kabilang dito ang isang uri ng pulmonya (pneumocystis carinii pneumonia) na sanhi ng isang maliit na parasite na nakakaapekto sa baga, bukod sa iba pang mga organ; at herpes (herpes simplex), isang sakit na maaaring maipasa sa pamamagitan ng oral to oral contact, na nagdudulot ng impeksyon sa bibig, o sex, na nagdudulot ng impeksyon sa genital o anal area.

3. Ang PH ang may pinakamabilis na dumadaming kaso ng HIV sa Asia at Pacific region.

Sa pinakahuling ulat nito, na inilabas noong Disyembre 2019, sinabi ng UNAIDS na, “habang mayroong malakas na pag-unlad sa maraming mga bansa,” ang epidemya ay “nalampasan na” ang tugon sa ilan, kasama ang Pilipinas, dahil ang taunang mga bagong HIV infection ay “mabilis na tumataas.”

Ang datos sa ulat ng UNAIDS ay nagpapakita na ang mga bagong HIV infection sa bansa ay tumaas ng 203 porsyento mula 2010 hanggang 2018.

Ang Epidemiology Bureau ng Department of Health, sa ulat nito noong Setyembre 2019, ay nagsabi na naitala ang average na 36 na mga bagong kaso ng HIV bawat araw.

May 77,000 Pilipino na nasa sapat na gulang at mga bata ang tinatayang may HIV sa taong 2018, kung saan halos 18,000 o 24 porsiyento ang hindi alam ang kanilang kalagayan, ayon sa datos ng UNAIDS.

Disyembre 2018, mayroong 37.9 milyon na people living with HIV sa buong mundo; 1.7 milyon ang bagong tinamaan ng virus — 16 porsyentong pagbaba mula sa 2.1 milyong mga bagong impeksyon na naitala noong 2010.

 

Mga Pinagmulan

World Health Organization, Naming the coronavirus disease (COVID-19) and the virus that causes it

Presidential Communications Operations Office, Media Interview of President Rodrigo Roa Duterte following the briefing on the 2019-Novel Coronavirus, Feb. 3, 2020

RTVMalacanang Youtube, Briefing on the 2019 Novel Coronavirus – Acute Respiratory Disease, Feb. 3, 2020

World Health Organization, Q&A; on coronaviruses (COVID-19), Feb. 23, 2020

National Institutes of Health U.S. National Library of Medicine, HIV Overview

National Institutes of Health U.S. National Library of Medicine, HIV/AIDS Glossary: CD4 T Lymphocyte

Centers for Disease Control and Prevention, AIDS and Opportunistic Infections

HIV.gov, What are HIV and AIDS?, June 17, 2019

World Health Organization, HIV/AIDS, Nov. 15, 2019

World Health Organization, Tuberculosis, Oct. 17, 2019

World Health Organization, TB causes 1 in 3 HIV deaths, Sept. 26, 2018

World Health Organization, HIV/AIDS Online Q&A;, November 2017

World Health Organization, What is TB? How is it treated?, January 2018

Joint United Nations Programme on HIV/AIDS, UNAIDS Technical Update: HIV-related opportunistic diseases pg 3-4, October 1998

U.S. Department of Health and Human Services, Pneumocystis carinii pneumonia

World Health Organization, Herpes simplex virus, Jan. 31, 2017

Joint United Nations Programme on HIV/AIDS, Country factsheets: Philippines 2018

Department of Health, DOH Epidemiology Bureau, HIV/AIDS & Art Registry of the Philippines, Sept. 2019

Joint United Nations Programme on HIV/AIDS, Global HIV & AIDS statistics — 2019 fact sheet

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.