Ang pagbaba ng minimum age ng mga taong maaaring bumili, magbenta, o gumamit ng vapes at electronic cigarettes sa 18 taong gulang ay nangangahulugan nang pagbibigay sa mas bata ng access sa mga produkto na may masamang epekto sa kalusugan na maaaring humantong sa substance abuse, sinabi ng mga medical at health expert.
“Ang ating tinututulan ay‘ yung palalaganapin ang paggamit nito (e-scigarette) sa lahat ng tao, kahit ‘yung hindi naninigarilyo, kahit ‘yung kabataan dahil napakaraming side effects, panganib. Daan ito para maging adik sa ibang mga sangkap tulad ng tabako,” sabi ni Antonio Dans, pangulo ng Asia Pacific Center for Evidence-Based Health Care, sa halong Ingles at Filipino sa isang forum noong Agosto 31 na inorganisa ng Philippine College of Physicians (PCP).
(Tingnan ang Vape use could lead to alcohol and illegal drug use ー health experts)
Ang Senate Bill (SB) No. 2239, o ang Vaporized Nicotine Products Regulation Act na isinampa ni Sen. Ralph Recto noong Mayo 26, ay nasa interpellation bago ang pag-apruba sa pangalawang pagbasa, habang ang katuwang nito, ang House Bill No. 9007, ay naaprubhan sa pangatlong pagbasa noong Mayo.
Binibigyan ng SB 2239 ang mga retailer ng “responsibilidad na alamin ang edad ng mga mamimili,” na “maaaring hingian” ng anumang legal na identification card na nagpapakita ng edad o petsa ng kapanganakan.
Ang nakabinbing panukalang batas ay naghahangad na baguhin ang Executive Order No. 106, na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Pebrero 2020, na nagbabawal sa pagbebenta at distribution ng electronic nicotine/non-nicotine delivery systems (ENDS/ENNDS) at heated tobacco products (HTPs) sa mga taong wala pang 21 taong gulang.
Ano ang tunay na kahulugan ng pagbaba ng edad kaugnay ng paghihigpit sa mga novel cigarette product? Narito ang tatlong bagay na kailangan mong malaman:
1. Sa anong edad nagsisimula ang mga naninigarilyo?
“Ang paninigarilyo ay isang pediatric disease. Marami sa ating mga naninigarilyo ay nagsisimula ng paninigarilyo bago ang edad na 18,” sabi sa Ingles ni Rizalina Gonzalez, isang pediatrician at miyembro ng Philippine Pediatric Society (PPS), sa isang online forum tungkol sa COVID-19 at Tobacco na inorganisa ng Imagine Law, isang public interest group na nagtataguyod ng evidence-based na polisiya para sa kalusugan at kabutihan ng mga Pilipino.
Isa sa walong mga kabataang Pilipino na may edad 13 hanggang 15 ay “gumamit ng mga produktong tabako,” batay sa datos mula sa 2019 Global Youth Tobacco Survey (GYTS), isang nationally representative, school-based na survey na isinasagawa tuwing tatlo hanggang apat na taon ng Epidemiology Bureau ng Department of Health (DOH), na may suporta mula sa World Health Organization (WHO) at sa United States Centers for Disease Control and Prevention (U.S. CDC).
Saklaw ng survey questionnaire ang mga paksa sa paggamit ng tabako, pagtigil, secondhand smoke, pag-access at pagkakaroon ng mga produktong tabako, at kaalaman at pagtingin sa paggamit ng tabako.
Ipinakita sa parehong survey na 14.1%, o 940 sa 6,670 na mga kalahok na estudyante, ay nagsabing “sinubukan [nila] o nag eksperimento [sila gamit] ang mga electronic cigarettes.”
Apat na taon na ang nakalilipas nang magsimula ang DOH na isama ang katanungan sa mga e-cigarette, ipinakita ng GYTS na higit sa 40% ng mga mag-aaral ang may kamalayan tungkol sa produkto.
Ayon sa isang 2018 position paper ng PPS Tobacco Control Advocacy Group (TCAG), sinubukan ng mga kabataan ang e-cigarettes kadalasan “dahil sa curiosity.” Ang ibang isinasaalang-alang na mga kadahilanan tulad ng “magagandang lasa,” impluwensya ng mga kasamahan, at ang paniniwala na ang mga iyon ay mas “healthy” kaysa sa tradisyunal na sigarilyo.
Sinabi ni Tedros Adhanom Ghebreyesus, director-general ng WHO, sa isang artikulo noong Hulyo 27 tungkol sa pakikipaglaban sa epidemya ng tabako na ang ahensya ay “nag-aalala na ang mga bata na gumagamit ng mga produktong ito (e-cigarettes) ay hanggang sa tatlong beses na mas malamang na gumamit ng mga produktong tabako sa hinaharap.”
2. Ano ang nalalaman natin sa ngayon tungkol sa mga epekto ng paninigarilyo ng e-cigarette sa kalusugan sa mga kabataan?
Ang usok ng tabako ay mayroong higit sa 7,000 mga kemikal — higit sa 90 sa mga ito, tulad ng amonya at carbon monoxide, ay nakakapinsala at potensyal na may mapanganib na mga epekto sa kalusugan, ayon sa U.S. Food and Drug Administration (FDA). May 70 na may kaugnayan sa cancer, kabilang ang arsenic, benzene, at lead, batay sa pagtatasa kamakailan ng International Agency for Research on Cancer.
Sa mga ito, partikular na nababahala ang mga eksperto sa pagkakalantad ng mga bata sa nicotine, isang chemical compound sa mga halaman ng tabako na may nakaka-adik na katangian.
Sinabi ng mga health expert sa forum noong Agosto 31 na ang “utak ng kabataan ay mahina laban sa mga rewarding na epekto ng nicotine,” lalo na sa mga aspeto ng kanilang cognitive, emotional, social, sensory, at motor development, na maaaring maging daan para sa paggamit ng iba pang mga droga at substances.
Ipinaliwanag ni Gonzalez na ang nicotine ay maaaring makaapekto sa mga executive function ng utak tulad ng learning, impulse control, at risk-taking behaviors. Idinagdag pa niya na kapag ang isang bata ay natututong manigarilyo, ang pagtigil ay magiging mas mahirap “dahil sa pagiging immature ng kanilang utak.”
Isang sistematikong pagsusuri noong 2017 sa mga pag-aaral sa hindi magagandang resulta ng paninigarilyo sa kalusugan ng mga bata, na inilathala sa Current Opinion in Pediatrics, ang nagsabi na ang paninigarilyo sa panahon ng adolescence ay nagdudulot ng peligro para sa pagdebelop ng mga psychiatric disorder at pagkasira ng cognitive function sa kalaunan.
Sa isang 2019 explainer tungkol sa mga alternative novel product, na inilathala ng Philip Morris International, isang kumpanya ng tabako na nakabase sa United States, ang mga HTP at karamihan sa mga e-cigarette ay naglalaman pa rin ng nicotine, ngunit ang ilang mga e-liquid ay walang nicotine.
Ang nicotine “ay natural na mayroon” sa mga HTP, na gawa sa mga dahon ng tabako, habang ang nicotine sa mga e-cigarettes ay “idinadagdag sa e-liquid,” sabi nito.
(Tingnan ang VERA FILES FACT SHEET: Smoke-free alternatives to cigarettes explained)
Bukod sa nicotine, nababahala rin ang mga eksperto sa kalusugan tungkol sa mga epekto sa kalusugan ng mga flavoring agent na ginagamit sa ENDS/ENNDS kapag nilalanghap. Sa pagtatantya ng WHO, higit sa 16,000 unique flavors ng e-liquid ang mabibili sa merkado, na pangunahing nakakaakit ng mga batang gumagamit.
Bagaman ang ilan sa mga flavoring na ito (propylene glycol, acetaldehyde, formaldehyde, at acrolein) ay karaniwang kinikilala bilang ligtas sa pagkain at inumin, mayroong limitadong ebidensya upang maipakita ang kaligtasan nito kapag ginamit sa mga e-cigarettes, sinabi ng U.S. Flavor and Extract Manufacturer Association.
Halimbawa, ang diacetyl, isang kemikal na may intense na lasa ng mantikilya, ay may “kilalang pulmonary toxicity” na matinding iniuugnay sa isang sakit na tinatawag na “popcorn lung” (bronchiolitis obliterans). Ang pananaliksik mula sa 2016, na inilathala sa Environmental Health Perspectives, ay nagpakita na ang diacetyl ay nakita sa 39 sa 51 flavored e-cigarettes na ipinagbibili ng mga nangungunang brand sa U.S.
“Ang mga flavoring … hindi napupunta sa ating tiyan … napupunta ito sa baga at walang sapat na datos o walang datos na nagsasabi na ito ay talagang ligtas … meron siyang pinsala sa ating katawan,” șinabi sa Ingles ni Glynna Ong-Cabrera, pulmonologist at pinuno ng Philippine College of Chest Physicians, sa magkahalong Ingles at Filipino.
Gayunpaman, kasalukuyang walang sapat na impormasyon upang matukoy ang eksaktong mga epekto sa kalusugan mula sa pangmatagalang paggamit ng mga produktong ENDS / ENNDS, ayon sa 2020 report ng WHO Regional Office for Europe.
Mayroon lamang katibayan para sa mga sumusunod:
Hanggang noong Peb. 18 noong nakaraang taon, ang U.S. FDA ay nagkapagtala ng 2,807 kaso ng e-cigarette o vape-associated lung injury (EVALI) o pagkamatay sa buong bansa, karamihan sa mga gumagamit na teenager.
Dito sa Pilipinas, kinumpirma ng Department of Health (DOH) ang unang kaso ng e-cigarette-associated lung injury noong Nob. 19, 2019 na kinasasangkutan ng isang 16-taong-gulang na babae mula sa Central Visayas na gumamit ng parehong mga e-cigarette at sinisindihang sigarilyo sa loob ng anim na buwan. Naranasan niya ang “biglaang matinding kapos sa paghinga, pangangailangan ng oxygen supplementation, at pagpasok sa ICU,” iniulat ng DOH.
3. Paano mapoprotektahan ang mga bata mula sa paninigarilyo?
Sa isang position paper noong 2018 ng PPS TCAG, hinihimok ang mga pediatrician na i-screen ang mga bata, kabataan, magulang, at maging ang mga caregiver para sa paggamit ng ENDS/ENNDS pati na rin upang turuan sila tungkol sa mga panganib nito sa kalusugan.
Inirekomenda din nito ang regulasyon sa pagbenta sa internet ng ENDS/ENNDS “dahil ang mga menor de edad ay maaaring mag-access at bumili” kahit na may mga babala na ang mga produkto ay para lamang sa mga nasa legal na edad.
Nauna nang sinuportahan ni Education Secretary Maria Leonor Briones ang mas mahigpit na mga hakbang laban sa e-cigarettes, na binanggit na “sa mga bagay na nauugnay sa substance use prevention, hindi sapat ang edukasyon lamang.”
“Sa labas ng mga klase, kailangan namin ng mga patakaran at istraktura na makakatulong sa pagpapatibay ng mga pagpipilian na nagtataguyod ng kalusugan ng aming mga mag-aaral, na akma sa itinuturo namin sa kanila sa paaralan,” dagdag niya.
Binigyang diin din ni Gonzalez, na namumuno sa TCAG, ang papel ng mga magulang sa pagbabawas ng pagkakalantad ng mga bata sa nicotine, lalo na sa gitna ng kasalukuyang krisis sa kalusugan kung saan hiniling na sila ay manatili sa bahay.
“Kailangan talaga nating turuan ang mga may sapat na gulang na hindi lamang sila ang apektado. Sa totoo lang, iyong mga anak na nasa paligid, kahit na nasa labas ka, ang third-hand smoke, ang residue ng kemikal ay isang risk factor, “sinabi niya sa magkahalong Ingles at Filipino.
Mga Pinagmulan
Senate of the Philippines, Senate Bill No. 2239
House of Representatives, House Bill No. 9007
Official Gazette of the Philippines, Executive Order No. 106
Philippine College of Physicians, Press Conference: Junk Vape Bill Now!, Aug. 31, 2021
Imagine Law, Public Forum on COVID-19 and Tobacco, Aug. 16, 2021
World Health Organization, Global Youth Tobacco Survey
On the health effects of e-cigarette smoking
- U.S. National Institutes of Health, Tobacco, E-Cigarettes and Child Health, April 29, 2017
- International Agency for Research on Cancer, List of classifications by cancer sites with sufficient or limited evidence in humans, IARC Monographs Volumes 1–129
- U.S. Food and Drug Administration, Chemicals in Cigarettes: From Plant to Product to Puff, June 6, 2020
- Environmental Health Perspectives, Flavoring Chemicals in E-Cigarettes: Diacetyl, 2,3-Pentanedione, and Acetoin in a Sample of 51 Products, Including Fruit-, Candy-, and Cocktail-Flavored E-Cigarettes, June 1, 2016
- Journal of Medical Toxicology, Review of Health Consequences of Electronic Cigarettes and the Outbreak of Electronic Cigarette, or Vaping, Product Use-Associated Lung Injury, July 16, 2020
- Flavor and Extract Manufacturers Association of the United States, The Safety Assessment and Regulatory Authority to Use Flavors: Focus on E-Cigarettes
- U.S. Food and Drug Administration, Food Additive Status List
- World Health Organization Regional Office for Europe, ELECTRONIC NICOTINE AND NON-NICOTINE DELIVERY SYSTEMS
U.S. Centers for Disease Control and Prevention, Outbreak of Lung Injury Associated with the Use of E-Cigarette, or Vaping, Products | Electronic Cigarettes | Smoking & Tobacco Use, Aug. 3, 2021
Department of Health, DOH-FDA RECEIVES FIRST PH CASE REPORT OF E-CIGARETTE OR VAPE-ASSOCIATED LUNG INJURY (EVALI), Nov. 15, 2019
World Health Organization, WHO reports progress in the fight against tobacco epidemic, July 27, 2021
World Health Organization, WHO report on the global tobacco epidemic 2021: addressing new and emerging products, July 27, 2021
World Health Organization, Tobacco: Industry tactics to attract younger generations, March 25, 2020
World Health Organization, Tobacco: Industry tactics to attract younger generations, March 25, 2020
Philippine Pediatric Society, PPS-TOBACCO CONTROL ADVOCACY GROUP POSITION STATEMENT ON ENDS/ ENNDS
Department of Education, DepEd supports stricter measures against e-cigarettes | Department of Education, April 4, 2021
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)