Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT SHEET: Paano nalusutan ng Pharmally ang mga kinakailangan para makuha ang P8.7-bilyong pandemic contract sa DBM?

Ang ulat ng Commission on Audit (COA) tungkol sa P67.32 bilyong "deficiencies" sa pandemic response funds ng Department of Health (DOH) ay nagbunsod ng imbestigasyon ng kongreso sa paglilipat ng P42 bilyon sa Procurement Service sa Department of Budget and Management (PS-DBM). Ito naman ay humantong sa pagkakadiskubre ng P8.68 bilyon na mga kontrata ng supply sa Pharmally Pharmaceutical Corp.

By VERA Files

Sep 20, 2021

10-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Ang ulat ng Commission on Audit (COA) tungkol sa P67.32 bilyong “deficiencies” sa pandemic response funds ng Department of Health (DOH) ay nagbunsod ng imbestigasyon ng kongreso sa paglilipat ng P42 bilyon sa Procurement Service sa Department of Budget and Management (PS-DBM). Ito naman ay humantong sa pagkakadiskubre ng P8.68 bilyon na mga kontrata ng supply sa Pharmally Pharmaceutical Corp.

May P625,000 paid-up capital, nakarehistro ang Pharmally sa Securities and Exchange Commission (SEC) noong Set. 4, 2019 bilang wholesaler, distributor, at importer ng mga pharmaceutical na produkto, makinarya, at kagamitan.

Makalipas ang pitong buwan, nagsimula itong makakuha ng mga kontrata mula sa PS-DBM. Sa unang kalahati pa lamang ng 2020, nakakuha ito ng siyam na kontrata na nagkakahalaga ng P8.01 bilyon ng personal protective equipment (PPE) items sa pamamagitan ng mga negotiated agreement sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 9184, o ang Government Procurement Reform Act. Noong Hunyo 2021, nakakuha ang Pharmally ng karagdagang P774 milyong kontrata para sa mga coronavirus disease 2019 (COVID-19) testing kit.

Ilang katanungan ang lumutang sa mga kwalipikasyon, partikular sa kakayahan sa pananalapi, ng Pharmally, ang prosesong pinagdaanan nito para makuha ang mga kontrata, at ang track record nito sa pakikipagtransaksyon sa gobyerno.

Sa isang pampublikong pagdinig noong Set. 10 ng Senate Blue Ribbon Committee, tinanong ng mga senador kung paano binayaran ng kumpanyang may napakaliit na kapital ang mga international supplier ng surgical face masks, face shields, at reverse transcription-polymerase chain reaction (RT-PCR) testing kits na inihatid sa PS-DBM.

Si Linconn Ong, isang direktor sa Pharmally, ay sumagot na ang kumpanya ay humingi ng tulong kay Michael Yang, ang dating economic adviser ni Pangulong Rodrigo Duterte, na “nag garantiya” para dito sa mga pakikitungo nito sa mga international supplier. Pinatotohanan ni Yang na ipinakilala niya ang Pharmally sa mga supplier sa China.

Pinahihintulutan ng RA 9184 ang negotiated procurement basta sumusunod ang mga ito sa mga safeguard na ginagarantiyahan ang proteksyon ng pera ng bayan.

Ano ang negotiated procurement? Sa ilalim ng anong mga sitwasyon ito pinapayagan ng batas? Paano magiging kwalipikado ang isang kumpanya para sa negotiated procurement? Paano ang naging takbo ng kumpanyang Pharmally bago ang pandemic?

Narito ang tatlong bagay na kailangan mong malaman:

1. Ano ang negotiated procurement at kailan ito pinapayagan?

Ang negotiated procurement ay isang paraan ng pagbili kung saan ang kumukuhang entity (hal. isang ahensya ng gobyerno) ay “direktang nakikipagnegosasyon sa isang supplier, kontratista o consultant na may kakayahang teknikal, legal at pinansyal para sa isang kontrata.”

Isa ito sa limang alternatibong paraan ng procurement na pinapayagan lamang sa ilang partikular na kundisyon, tulad ng kalamidad o emergency gaya ng COVID-19 pandemic, kung saan kailangang gumawa ng agarang hakbang ang pamahalaan upang maiwasan ang “napipintong panganib” sa buhay o ari-arian.

Sa ilalim ng implementing rules and regulations (IRR) ng RA 9184, maaaring kailanganin ang negotiated procurement para maibalik ang mahahalagang serbisyong pampubliko, pasilidad ng imprastraktura, at iba pang pampublikong kagamitan.

Nang tumama ang pandemic sa bansa noong Marso 2020, lalo pang binigyan ng kapangyarihan ng Kongreso ang executive department na pabilisin ang pagbili ng mga public health goods sa pamamagitan ng “expedited procurement” sa ilalim ng RA 11469, o ang Bayanihan to Heal as One Act (Bayanihan 1), at RA 11494, ang Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2). Ang Bayanihan 1 ay nagsasaad na ang pamahalaan ay dapat kumuha ng mga kinakailangang mga gamit sa “pinakamahusay, matipid, at mabilis na paraan.”

Sa ilalim ng normal na mga sitwasyon, ang procurement law ay nag-aatas sa mga ahensya ng gobyerno na dumaan sa competitive bidding, isang pitong hakbang na proseso na masusing sinusuri ang mga kumpanya at sinusuri ang kanilang mga bid para sa mga pampublikong kontrata.

2. Ano ang mga kinakailangan para sa mga kumpanyang kasali sa negotiated procurement? Natupad ba ng Pharmally ang mga kinakailangang ito?

Mayroon lamang apat na ipinag-uutos na kinakailangan para sa mga kumpanyang pumapasok sa negotiated procurement ng mga kalakal, ayon sa isang Marso 23, 2020 na resolusyon ng Government Procurement Policy Board (GPPB), isang interagency body na nagbibigay ng pangkalahatang pormulasyon ng patakaran para sa procurement ng gobyerno. Ito ay:

Tumestigo sa pagdinig ng Senado noong Set. 10 si Lloyd Christopher Lao, dating officer in charge ng PS-DBM, na “humingi” ang departamento sa Pharmally ng tatlo sa apat na kinakailangang dokumento gayundin ang “mga teknikal na detalye” ng mga bagay na gustong bilihin ng kanyang tanggapan.

Sabi niya, “Walang [iba pang] hinihingi ng batas.” Gayunpaman, ang Procurement Reform Act ay nag-uutos ng mga karagdagang safeguard para sa mga alternatibong paraan ng procurement gaya ng pagsusumite ng isang performance security o warranty security, depende sa uri ng pampublikong proyekto.

Ang performance security ay isang garantiya na ang nanalong bidder ay “tapat na gagawin” ang mga obligasyon nito gaya ng tinukoy sa kontrata. Ang warranty securities, sa kabilang banda, ay kinakailangan lamang para sa “highly specialized” na mga kalakal.

Para sa mga proyektong pang-imprastraktura na negotiated procurement, ipinag-uutos ng GPPB na ang mga prospective bidder ay magpakita ng net financial capacity contract (NFCC) para sa mga proyektong may budget na mas mataas sa P500,000.

Tinitiyak ng mga NFCC ang kapasidad ng isang bidder na “kayanin ang mga karagdagang obligasyon” na may kaugnayan sa kontrata upang malaman ang kapasidad nito sa pananalapi para makumpleto at maipatupad ang isang proyekto.

Sa pagpapaliwanag kung bakit hindi tinignan ng PS-DBM ang mga NFCC ng Pharmally, sinabi ni Lao, na isang abogado, na hindi ito kinakailangan para sa mga kontrata ng supply “sa panahon ng (sic) Bayanihan 1.”

Bagama’t hindi kinakailangan ang NFCC sa pagbili ng mga gamit sa pandemic tulad ng mga face mask at face shield sa ilalim ng mga alituntunin ng GPPB, sinabi sa Ingles ni Senate Minority Floor Leader Franklin Drilon:

“Iyan ay isang ordinaryong common sense at dahil laging kailangan na mag ingat hindi ka dapat magbigay ng P54 milyong halaga ng kontrata sa isang kumpanya na ang kapital ay P625,000 [lamang].”

Pinagmulan: Senate of the Philippines Official Youtube Channel, Blue Ribbon Committee, Set. 10, 2021, panoorin mula 5:01:49 hanggang 5:02:04

Isang pagtingin sa mga financial statement ng Pharmally na isinumite sa SEC ay nagpapahiwatig na, bago sa pakikitungo nito sa PS-DBM noong 2020, ang kumpanya ay walang aktibidad sa negosyo mula Setyembre hanggang Disyembre 2019.

3. Batay sa mga financial statement nito, ano ang takbo ng negosyo ng Pharmally bago ang COVID-19 pandemic?

Ang 2019 financial statement ng Pharmally ay nagpapakita na wala itong kakayahang umangkat ng mga produktong parmasyutiko, ayon sa ilang eksperto na naniniwalang ang kumpanya ay “masyadong delikado” makipagnegosyo dahil sa kawalan ng anumang mga transaksyon sa negosyo bago ang pandemic.

Noong 2019, nagdeklara ang kumpanya ng pagkalugi na humigit-kumulang P25,000, na nag-iwan dito ng kabuuang cash capital na P599,000 sa pagtatapos ng taon.

Sinuri ng mga accountant mula sa independiyenteng transparency initiatives na Citizens’ Budget Tracker at Right to Know, Right Know Coalition ang mga financial statement ng Pharmally noong 2019 at 2020.

Sa isang pag-aaral na inilabas noong Set. 7, natuklasan sa mga sertipikadong pampublikong accountant ng mga non-government organization na ang 2019 financial statement ng Pharmally ay “hindi nagbibigay kumpiyansa na ang kumpanya ay may kakayahang pinansyal na tuparin ang P7.9B halaga ng mga kontrata na iginawad sa maikling panahon.” Nabanggit nito na ang kapital ng Pharmally ay “lubhang hindi sapat,” batay sa pagsusuri sa mga daloy ng pera at katayuan ng pananalapi nito.

Isang pagkuwenta ng NFCC ng kumpanya ay magpapakita na kulang sa minimum na P6.24 milyon sa kasalukuyang working capital na kinakailangan upang mapanalunan ang P54-milyong kontrata na iginawad ng PS-DBM noong Abril 14, 2020, ayon sa pag-aaral.

Sa pagdinig ng Senado noong Set. 10, binanggit ni Mon Abrea, isang tax expert at chief executive officer ng Asian Consulting Group, ang ilang red flags sa mga kwalipikasyon ng Pharmally. Aniya, kahinahinala kung paano nakakuha ng bilyong pisong kontrata sa gobyerno ang isang kumpanyang halos isang taon pa lang.

Karaniwan, sinabi niya, ang proseso ng pagkuha ng kinakailangang akreditasyon at mga lisensya upang maitaguyod ang reputasyon at patunayan ang kapasidad sa pananalapi ng kumpanya at maging kwalipikado para sa bidding ay kadasalang tumatagal ng hindi bababa sa dalawang taon.

Sinabi ni Abrea, isang consultant din ng Bureau of Internal Revenue, na ang Pharmally ay dapat magkaroon ng letter of credit at iba pang mga legal na garantiya, bilang isang kumpanyang nakikibahagi sa pag angkat ng mga produktong parmasyutiko.

Ang letter of credit ay isang garantiya mula sa isang bangko sa Pilipinas na ang bayad ng isang buyer sa isang seller ay matatanggap nang nasa oras at sa tamang halaga. Sinasabi nito na sakaling hindi makabayad ang buyer sa isang transaksyon, sumasang-ayon ang bangko na sagutin ang buo o natitirang balanse.

Idinagdag ni Abrea na noong 2019, hindi ipinaalam ng Pharmally ang “mga kinakailangang mapagkukunan” na dapat mayroon lahat ng mga importer sa mga dokumentong isinumite sa SEC. Nabigo rin itong magdeklara ng anumang imbentaryo, kagamitan, at bodega nang magparehistro ang kumpanya bilang importer ng mga kalakal.

 

Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.

 

Mga Pinagmulan

Commission on Audit (COA), Executive Summary: 2020 Audit Report on DOH, Aug. 11, 2021

Procurement Service – Department of Budget and Management (PS-DBM), About PS, Accessed Sept. 15, 2021

Government Procurement Policy Board, Emergency Procurement Portal: Pharmally, Accessed Sept. 17, 2021

Securities and Exchange Commission (SEC), 2019 Financial Statement – Pharmally Pharmaceuticals, Corporation, Dec. 31, 2019

Government Procurement Policy Board, Emergency Procurement Portal: Pharmally, June 2, 2021

Securities and Exchange Commission (SEC), About Us, Accessed Sept. 15, 2021

Official Gazette of the Philippines, Republic Act No. 9184, Jan. 10, 2003

Senate of the Philippines Official Youtube Channel, Blue Ribbon Committee (September 10, 2021), Sept. 10, 2021

What is a negotiated procurement?

What are the requirements for companies engaging in negotiated procurement?

What then is Pharmally’s performance before the pandemic?

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.