Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT SHEET: Pagkampanya sa panahon ng COVID-19 pandemic

Ang pangangampanya para sa darating na halalan sa Mayo 9 ay walang katulad sa kasaysayan ng bansa dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic. Iboboto ng mga Pilipino ang bagong hanay ng mga pambansa at lokal na pinuno sa gitna ng isang rumaragasang pandemic na kumitil ng higit sa 50,000 buhay, halos pumilay sa ekonomiya, at humamon sa kakayahan ng mga kasalukuyang opisyal sa pagtugon sa krisis sa kalusugan ng publiko.

By VERA Files

Feb 3, 2022

7-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Ang pangangampanya para sa darating na halalan sa Mayo 9 ay walang katulad sa kasaysayan ng bansa dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic. Iboboto ng mga Pilipino ang bagong hanay ng mga pambansa at lokal na pinuno sa gitna ng isang rumaragasang pandemic na kumitil ng higit sa 50,000 buhay, halos pumilay sa ekonomiya, at humamon sa kakayahan ng mga kasalukuyang opisyal sa pagtugon sa krisis sa kalusugan ng publiko.

Hindi tulad sa mga nakaraang eleksyon, hindi magkakaroon ng parang circus na mga aktibidad sa kampanya ng mga kandidato, tulad ng mga pagbisita sa bahay-bahay at pakikipagkamay sa mga botante, dahil sa mga safety protocol upang maiwasan ang pagkalat ng virus.

Ang opisyal na campaign period ay magsisimula sa Peb. 8 para sa mga kandidatong tumatakbo para sa mga pambansang posisyon – presidente, bise presidente, at senador – gayundin para sa party-list na representasyon sa House of Representatives. Ang mga tatakbo para sa mga lokal na puwesto sa antas ng probinsiya, lungsod, at munisipyo, kabilang ang mga puwesto sa pambatasan na distrito sa Kamara, ay magsisimula sa Marso 25. Lahat sila ay may hanggang Mayo 7 – dalawang araw bago ang araw ng halalan – para ligawan ang mga botante.

Narito ang ilan sa mga alituntunin na inilabas ng Commission on Elections (Comelec) para sa maayos na pagsasagawa ng pangangampanya sa panahon ng pandemic:

1. Limitado ang mga aktibidad sa kampanya batay sa mga COVID alert level

Ang lahat ng aktibidad na may kaugnayan sa kampanya ay ia-ayos batay sa limang tier na COVID-19 category level ng Comelec na pinagtibay mula sa pinakabagong community quarantine classifications ng Inter-Agency Task Force for the Management of Infectious Emerging Diseases (IATF-MEID). Ang bawat kategorya ay tumutugma sa mga limitasyon sa personal na pangangampanya at kapasidad ng lugar para sa mga caucus, pagpupulong, kombensiyon, rali, at miting de avance.

Ang Comelec, batay sa Resolution No. 10732, ay magtatatag ng National Comelec Campaign Committee (NCCC) na tutukuyin ang antas ng kategorya para sa bawat rehiyon, lalawigan, lungsod, at munisipalidad, na sasailalim sa pagsusuri tuwing 14 na araw, o kung makitang kinakailangan.

Magkakaroon ng Comelec Campaign Committee (CCC) bawat lugar na mag-aapruba ng mga aplikasyon para sa pagsasagawa ng mga aktibidad sa kampanya at susubaybayan ang mga ito, bukod sa iba pang mga tungkulin.

Habang ang NCCC ang may pangunahing gawain sa pagtukoy sa mga antas ng kategorya, ang mga CCC sa munisipyo at lungsod ay maaaring itaas ang mga ito sa loob ng kani-kanilang hurisdiksyon batay sa bilang ng mga kaso ng COVID-19 at rate ng transmission sa lugar.

Dahil sa sistema ng antas ng kategorya, ang mga kandidato ay dapat kumuha ng pagsang-ayon mula sa bawat kinauukulang CCC, at ang mga aplikasyon ay dapat na ihain ng hindi bababa sa 72 oras bago ang isang aktibidad. Halimbawa, ang mga kandidato sa pagkapangulo at bise-presidente ay dapat humingi ng pahintulot ng Regional CCC (RCCC), habang ang mga kandidato sa pagka-gobernador at bise-gubernador ay nangangailangan ng pahintulot mula sa Provincial CCC (PCCC).

2. Mga paghihigpit sa mga aktibidad ng kampanya sa mga barangay

Magkakaroon ng minimum public health standards para sa mahigpit na pagpapatupad. Dapat subaybayan ng mga opisyal at tanod ng barangay na itinalaga ng Comelec, kasama ang mga miyembro ng Barangay Health Emergency Response Team (BHERT), ang pagsunod sa alituntunin. Maaaring makipag-ugnayan ang pulisya at militar sa mga opisyal ng barangay sa pagpapanatili ng kaayusan at seguridad.

Pagkatapos ng bawat aktibidad, ang Section 26 ng Comelec Resolution No. 10732 ay nag-aatas sa mga barangay official at tanod na magsumite ng report sa loob ng 72 oras sa kani-kanilang CCC. Ang bawat kandidato o ang kanilang kinatawan ay dapat magsumite ng affidavit of compliance sa mga alituntunin ng kampanya.

Ang lahat ng mga CCC ay dapat maghanda ng mga ulat tungkol sa mga aktibidad ng kampanya sa kanilang nasasakupan sa buong panahon ng kampanya.

3. Pangangasiwaan ang online advertisements

Bukod sa tradisyunal na mass media (telebisyon, radyo, at print), pangangasiwaan din ng Comelec ang mga campaign advertisement sa internet at mobile phones.

Ang lahat ng mga kandidato at rehistradong partido/koalisyon ay may hanggang Enero 31 upang irehistro sa Education and Information Department (EID) ng Comelec ang kanilang verified official accounts, websites, blogs, at iba pang social media pages na ginagamit para sa political endorsement.

Nakasaad sa Comelec Resolution No. 10730 na ang mga rehistradong account lamang ang maaaring tumakbo, magpalakas o mag-promote ng mga electoral advertisement. Ang microtargeting online advertisements na pumupuntirya sa mga user batay sa kanilang mga kagustuhan at personalidad ay ipinagbabawal, maliban sa geographical na lokasyon, edad, at kasarian.

Dagdag pa, isasaalang-alang ng komisyon bilang karagdagang mga opisyal na account ang mga hindi rehistradong website, blog, o social media pages, “direkta o hindi pinapanatili o pinangangasiwaan ng kandidato o ng kanilang mga opisyal na kinatawan ng kampanya,” na may pangunahing layunin ng pag-endorso ng isang kandidato.

4. Mga online rally na inorganisa ng Comelec tuwing gabi ng campaign period

Ang Comelec EID ay magbibigay ng plataporma para sa libreng live streaming ng mga “e-rallies” ng mga kandidato para sa mga pambansang posisyon simula Peb. 8. Maa-access ng publiko ang mga ito sa mga opisyal na social media page ng komisyon tuwing gabi ng panahon ng kampanya.

Maglalaan ang Comelec ng tatlong 10-minutong slot bawat gabi para sa bawat presidential at vice-presidential contender. Limang kandidato para sa Senado at limang party-list na organisasyon ang may tatlong-minutong spot bawat isa at 10 minuto bawat isa para sa tatlong partidong pulitikal.

Kasunod ng Enero 28 raffle ng Comelec, ang unang tatlong kandidato sa pagkapangulo na lalabas sa e-rally ay sina Sen. Manny Pacquiao, Faisal Mangondato, at Norberto Gonzales. Para sa mga vice-presidential contenders, si Dr. Willie Ong, Manny Lopez, at Rizalito David ang mga mauuna.

Ang mga kandidato, partidong pampulitika, o party-list group ay maaaring magsagawa ng sarili nilang mga e-rally sa kanilang mga social media platform, na hindi saklaw ng mga limitasyon sa broadcast advertising. Gayunpaman, dapat silang sumunod sa mga sumusunod na patakaran:

  • Ang lahat ng mga e-rally ay dapat may kasamang isang pagsisiwalat na kinikilala ang mga ito bilang mga pampulitikang pagpupulong o mga rali na dapat sumunod sa mga minimum health protocol; ang mga organizer ay dapat magbigay ng may-katuturang petsa, oras, at impormasyon sa lokasyon.
  • Ang mga recording ng e-rallies ay dapat isumite sa Comelec EID sa loob ng 72 oras mula sa pagpapalabas.
  • Maaaring makatanggap ang mga kandidato ng mga in-platform na regalo at game currency, ngunit hindi maaaring magbigay ng mga regalo o magpatakbo ng mga promosyon at kampanya na ibibigay ang mga ito sa mga manonood ng livestream.

5. Mga ipinagbabawal na aktibidad sa panahon ng kampanya

Ipinagbabawal ng Comelec ang ilang gawain sa panahon ng kampanya. Kabilang dito ang pangangampanya sa Huwebes Santo (Abril 14) at Biyernes Santo (Abril 15). Ang mga kandidato ay hindi pinapayagan na mag-abuloy o magbigay ng mga regalo na cash o gamit.

Ipinatupad na ang pagbabawal sa iba pang aktibidad mula noong simula ng election period noong Enero 9 at mananatili hanggang Hunyo 8. Kabilang dito ang gun ban, paglipat o paggalaw ng mga tauhan sa serbisyo sibil, at pagsususpinde sa hinalal na lokal na mga opisyal.

 

Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.

 

Mga Pinagmulan

Commission on Elections (Comelec) resolutions

Official Gazette, Guidelines for Nationwide Alert Level System as of 18 Nov 2021, Nov. 18, 2021

Interview with lawyer Michael Henry Yusingco, Jan. 26, 2022

Department of Health, Case Bulletin No. 688, Jan. 31, 2022

Campaign S ● A ● F ● E ● COMELEC e-Rally Channel, homepage, Accessed Jan. 31, 2022

Campaign S ● A ● F ● E ● COMELEC e-Rally Channel, (results of the virtual raffle), Jan. 30, 2022

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.