Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT SHEET: Sino ang angkop para maging PhilHealth chief?

Ang pagtatalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Dante Gierran, dating director ng National Bureau of Investigation (NBI), bilang pangulo at chief executive officer ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), isang government-owned and controlled corporation (GOCC), ay humakot ng mga katanungan tungkol sa kanyang mga kwalipikasyon para sa posisyon.

By VERA Files

Sep 15, 2020

10-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Ang pagtatalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Dante Gierran, dating director ng National Bureau of Investigation (NBI), bilang pangulo at chief executive officer ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), isang government-owned and controlled corporation (GOCC), ay humakot ng mga katanungan tungkol sa kanyang mga kwalipikasyon para sa posisyon.

Pinalitan ni Gierran, isang abugado at certified public accountant, si Ricardo Morales na nagbitiw noong Agosto 26 sa gitna ng mga pagsisiyasat sa hinihinalang mga iskema at overpriced na information technology equipment na humigit-kumulang P15 bilyon sa health insurance agency na pagmamay-ari ng estado.

Sa kanyang pampublikong pahayag noong Agosto 31, sinabi ni Duterte na sinabi niya kay Gierran na ang huling dalawang taon ng kanyang termino ay tututok sa pakikipaglaban sa katiwalian at dapat niyang hanapin ang mga taong (sa PhilHealth) ipadadala sa kulungan (dahil sa katiwalian).

Sa maraming panayam sa media, inamin ni Gierran na takot siyang tanggapin ang trabaho dahil wala siyang karanasan sa public health o kaalaman sa pagpapatakbo ng PhilHealth.

Ang tapat na pahayag ni Gierran ay humantong sa maraming mga katanungan mula sa mga netizen pati na rin mula sa mga pulitiko, tulad ni Sen. Francis Pangilinan, tungkol sa kanyang pagiging angkop sa trabaho. Binanggit ng mga netizen ang isang probisyon ng Republic Act (RA) 11223 o ang Universal Health Care Act na nagsasaad ng mga kwalipikasyon para sa pinakamataas na opisyal ng ahensya.

Sa isang press release, sinabi ni Pangilinan na muling pinili ng Malacanang na “huwag pansinin” ang public health expertise sa pagpili kay Gierran, na binanggit ang panunungkulan ni Morales sa PhilHealth na natapos nang “napakaterible” dahil sa kanyang kawalan ng karanasan para sa posisyon.

Si Morales, 67, ay isang retiradong heneral ng Army mula sa Davao City na itinalaga upang mamuno sa PhilHealth noong Hunyo 2019, wala pang isang buwan matapos siyang kunin bilang miyembro ng Board of Trustees ng Metropolitan Manila Waterworks and Sewerage System (MWSS).

Naunang hiniling ng unyon ng mga manggagawa ng ahensya, PhilHealth Workers for Hope, Integrity, Transparency, and Empowerment (PhilHealth WHITE), kay Duterte na magtalaga ng isang eksperto sa healthcare financing. Gayunpaman, sinabi ng unyon na handa itong makipagtulungan kay Gierran kahit na hindi siya angkop sa ninanais nitong pinuno ng ahensya.

Pinanindigan ng Malacanang na kwalipikado si Gierran na mamuno sa PhilHealth. Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, isa sa mga prinsipal na may-akda ng RA 11223, na si Gierran ay mayroong pitong taong karanasan sa pamamahala at ang kanyang kasanayan bilang isang accountant-lawyer ay makakatulong sa pagtanggal ng katiwalian sa ahensya hanggang matapos ang termino ni Duterte sa loob ng dalawang taon.

Narito ang apat na bagay na kailangan mong malaman tungkol sa mga kinakailangan upang maging pinuno ng PhilHealth:

1. Ano ang mga kwalipikasyon ayon sa batas para maging pinuno ng PhilHealth?

Pinalawak ng Section 14 ng RA 11223, na naging batas noong 2019, ang mga kwalipikasyon para sa CEO at presidente ng PhilHealth. Nakasaad dito na ang itatalagang opisyal ay dapat isang mamamayang Pilipino na “kailangang magkaroon ng hindi bababa sa pitong taong karanasan sa larangan ng public health, management, finance, at health economics o kombinasyon ng alinman sa mga kadalubhasaan na ito.”

Ang mga kwalipikasyon para sa posisyon ay mas detalyado sa RA 7875 o National Health Insurance Act ng 1995 — ang batas na nagtatag ng PhilHelath na pinamamahalaan ng estado noong 1995 ngunit inamyendahan o pinawalang-bisa sa ilang mga bahagi ng RA 9241, RA 10149, RA 10606, at RA 11223. Ang Section 19 (paragraph C) ng RA 7875, na pinawalang-bisa, ay nagsabi na ang pinuno ng PhilHealth “ay dapat magkaroon ng sapat at angkop na pagsasanay at hindi bababa sa limang taong karanasan sa larangan ng healthcare financing at corporate management.”

Nang tanungin kung natutugunan niya ang mga kwalipikasyon sa ilalim ng RA 11223, inamin ni Gierran na wala siyang kaalaman tungkol sa public health o sa mga operasyon ng PhilHealth. Gayunpaman, sinabi niya kwalipikado siya para sa posisyon bunga ng kanyang karanasan sa financial management, insurance, at pagsisiyasat. Bago sumali sa NBI, si Gierran ay nagtrabaho bilang isang credit investigator at accountant sa loob ng 11 taon sa Davao City mula 1979 hanggang 1990, ayon sa kanyang profile na nai-post sa website ng Rotary Club of Manila.

Bilang karagdagan, ang Governance Commission for Government Owned and Controlled Corporation (GCG), na itinatag sa ilalim ng RA 10149 noong 2011 na may mandato na pangasiwaan ang mga GOCC tulad ng PhilHealth, ay nagtakda rin ng pinakamababang pamantayan para sa pagtatalaga ng mga director at opisyal ng korporasyon ng gobyerno, kabilang ang pinuno ng PhilHealth.

Batay sa Memorandum Circular No. 2019-01 ng GCG, ang pinuno ng PhilHealth ay dapat na hindi bababa sa 30 taong gulang, may mabuting pag-uugali, nagtataglay ng mga kasanayan sa pamamahala at kakayahan na higit na nauugnay sa pagpapatakbo ng PhilHealth, at dumalo o dadalo sa loob ng tatlong buwan mula sa petsa ng appointment ng isang espesyal na seminar sa public corporate governance.

2. Ano ang proseso ng pagtatalaga sa pinuno ng PhilHealth?

Sa ilalim ng parehong section ng RA 11223 na nagtatakda ng mga kwalipikasyon para sa pangulo at CEO ng PhilHealth, iniutos na ang PhilHealth Board ang imagrekomenda sa pangulo ng bansa ng kandidato sa posisyon mula sa mga ex-officio member na nakakatugon sa mga kinakailangan.

Noong Set. 11, inihayag ng PhilHealth Board na “naipadala” nito sa pangulo ang kumpirmasyon nito ng rekomendasyon na italaga si Gierran bilang pinuno ng ahensya. Ito ay halos dalawang linggo matapos isapubliko ni Duterte ang kanyang pagtatalaga sa posisyon kay Gierran.

Ayon sa PhilHealth, nanumpa kamakailan si Gierran bilang director for indirect contributor sector.

Pagkatapos maaprubahan ang rekomendasyon ng board, iniuutos ng GCG sa itinalagang pinuno ng PhilHealth na magsumite ng isang sinumpaang sertipiko na nagsasabi na siya ay mayroon ng lahat ng mga kwalipikasyon at walang anumang mga kadahilanan para sa pag-diskuwalipikasyon sa corporate secretary ng ahensya o compliance officer bago gampanan ang posisyon.

Ang 13-miyembro na board of directors ng PhilHealth, ang gumagawa ng patakaran at quasi-judicial body ng ahensya, ay binubuo ng walong itinalagang mga direktor at limang mga ex officio member, na mga secretary (o kanilang mga kahalili) ng mga kagawaran na legal na kinakailangang sumali sa board.

Ang mga direktor na hinirang ng pangulo ay dapat magmula sa isang shortlist na inihanda ng GCG, na may limang mga kinatawan na sektoral para sa hindi direkta at direktang mga contributor, mga heath care provider at grupo ng mga employer, at tatlong mga direktor na dalubhasa sa health economics at finance.

Si Health Secretary Francisco Duque III ang nakaupong ex-officio chairman ng PhilHealth Board of Directors kasama sina Social Welfare Secretary Rolando Bautista, Labor Secretary Silvestre Bello III, Finance Secretary Carlos Dominguez III, at Budget Secretary Wendel Avisado bilang mga ex-officio member.

3. Paano kung ang hinirang na pinuno ng PhilHealth ay hindi katugma ng itinakdang mga kwalipikasyon sa ilalim ng mga batas?

Sakaling ang hinirang na pinuno ng PhilHealth ay hindi kwalipikado, batay sa iniutos na mga kinakailangan, irerekomenda ng GCG sa pangulo ang kanyang “pagtanggal sa puwesto for cause” kahit na siya ay umupo na sa posisyon, ayon sa Article 9.2 ng Memorandum Circular No. 2012-05 ng komisyon, na gumawa ng Fit and Proper Rule para sa pagpili ng mga itatalagang direktor at CEO ng GOCC.

Sa circular, binanggit ng GCG ang pinakamababang pamantayan, mga batayan para sa disqualification at ang pamamaraan sa pagtatalaga o muling pagtatalaga ng mga opisyal ng GOCC tulad ng mga direktor ng PhilHealth bilang karagdagan sa iniutos ng umiiral na mga batas o regulasyon.

Nakasaad din sa circular na ang mga opisyal ng GOCC ay kailangang panatilihin ang lahat ng kanilang mga kwalipikasyon at wala ng anumang mga batayan para sa mga diskuwalipikasyon sa panahon ng kanilang panunungkulan sa tanggapan o tenure sa board upang maiwasan ang pagtatanggal o upang sila ay muling maitalaga.

4. Ano ang mga tungkulin at responsibilidad ng pinuno ng PhilHealth?

Ayon sa 2018 Revised Manual for Corporate Governance of PhilHealth, ang pinuno nito, na parehong gumaganap bilang pangulo at CEO, ay “sa huli mananagot” para sa “pang-organisasyon at pang-pinansyal na kontrol” ng ahensya.

Ang iba pang mga responsibilidad na ibinigay sa pinuno ng PhilHealth ay kinabibilangan ng pangkalahatang pangangasiwa ng negosyo, mga gawain, at mga pag-aari ng korporasyon at sa mga opisyal at empleyado nito. Inaatasan din siya na tiyakin na ang lahat ng mga utos at resolusyon ng board ay naisakatuparan, at iulat dito ang lahat ng mga bagay na may interes ang PhilHealth.

Kinakailangan din ng pangulo na isumite sa board ang kumpletong mga ulat tungkol sa mga aksyon ng pagdidisiplina sa mga rank-and-file na empleyado, mga operasyon, pinagkakagastusan, at estado ng mga gawain ng PhilHealth pagtatapos ng bawat fiscal year.

5. Gaano katagal ang panunungkulan at magkano ang sahod para sa posisyon?

Ang pinuno ng PhilHealth ay may isang taong tenure lamang at maaaring alisin ng board ng mas maaga “for cause.” Gayunpaman, maaaring siyang mapili muli ng board bawat taon, ayon sa RA 10149.

Dati, ang pinuno ng PhilHealth ay may isang hindi mauulit na anim-na-taong termino mula 1995 hanggang 2011, nang magkabisa ang RA 10149, nililimitahan ang panunungkulan ng mga director ng GOCC board sa isang taon lamang.

Batay sa 2019 Report on Salaries and Allowances, ang pangulo at CEO ng PhilHealth ay mayroong taunang basic na suweldong P2.10 milyon, o P175,184.00 kada buwan na may dagdag na mga bonus, allowance, honoraria bawat pagpupulong ng board, at iba pang mga benepisyo na maaaring umabot sa hindi bababa sa P3.06 milyon sa isang taon.

Ipinakita sa ulat ng COA na si Morales, na nagsilbi sa PhilHealth ng halos 14 na buwan, ay kumita mula Hulyo hanggang Disyembre 2019 ng P2.03 milyon na suweldo, incentives at allowance, kabilang ang P501,874.00 na mga allowance at iba pang mga benepisyo bilang miyembro ng board.

 

Mga Pinagmulan

Presidential Communications Operations Office, President Duterte appoints former NBI director as new PhilHealth chief, Sept. 1, 2020

GMA News Online, Gierran says he will consult public health experts, Sept. 3, 2020

Rappler.com, Who is Dante Gierran, Duterte’s choice for PhilHealth chief?, Sept. 1, 2020

Interaksyon, Dante Gierran as new Philhealth chief forces question: What are his qualifications? , Sept. 1, 2020

CNN Philippines, PhilHealth chief Morales resigns, Aug. 26, 2020

Rappler.com, PhilHealth chief Morales resigns, Aug. 26, 2020

ABS-CBN News, PhilHealth chief Ricardo Morales resigns, Aug. 26, 2020

One News PH, PhilHealth Officials Face P15-Billion Fraud, Other Allegations; Funds Seen To Run Out By 2022, Aug. 5, 2020

CNN Philippines, Whistleblower claims ₱15 billion stolen by PhilHealth execs in fraud schemes , Aug. 4, 2020

Inquirer.net, P15 billion went to PhilHealth ‘syndicate’ – whistleblower, Aug. 5, 2020

Profile of Morales

PTV, Kumusta Po Mahal Kong Kababayan? | Meeting on COVID-19 Concerns and Talk to the People on COVID-19, Aug. 31, 2020

ANC, ‘Scared but not cowed’: New PhilHealth Chief Dante Gierran vows to restore public trust in agency, Sept. 1, 2020

Official Gazette, Republic Act 11223

Senate of the Philippines, Medical, financial expertise needed in PhilHealth, COVID response: Pangilinan, Sept. 1, 2020

CNN Philippines, PhilHealth workers’ union willing to work with incoming chief Dante Gierran, Sept. 1, 2020

Presidential Communications Operations Office, Palace vouches PhilHealth chief’s competence, Sept. 1, 2020

PTV, WATCH: Palace virtual presser with Presidential Spokesperson Harry Roque, Sept. 1, 2020

Governance Commission for Government-Owned or Controlled Corporations, About us, Accessed Sept. 7, 2020

Official Gazette, Republic Act No. 10149

Governance Commission for Government-Owned or Controlled Corporations, Memorandum Circular No. 2019-01, April 1, 2019

Philippine Health Insurance Incorporated, Republic Act 7875

Philippine Health Insurance Incorporated, About us, Accessed Sept. 7, 2020

Philippine Health Insurance Incorporated, Board of Directors, Accessed Sept. 7, 2020

Official Gazette, Republic Act No. 9241

Official Gazette, Republic Act No.10606

Governance Commission for Government-Owned or Controlled Corporations, Memorandum Circular No. 2012-05, Retrieved from Archive.org

Philippine Health Insurance Incorporated, PHILHEALTH BOARD RESOLUTION NO. 2371 S. 2018 RESOLUTION APPROVING AMENDMENTS TO THE PHILHEAL TH REVISED MANUAL OF CORPORATE, May 10, 2018

Commission on Audit, CY 2019 Report on Salaries and Allowances, Accessed Sept. 7, 2020

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flop, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.