Nalagay sa alanganin sina Jeffrey “Ka Eric” Celiz at Lorraine Badoy, parehong anchor ng Sonshine Media Network International (SMNI) news channel, dahil sa pagtanggi nilang ibunyag ang pagkakakilanlan ng kanilang mga pinagkunan ng impormasyon, na nagsabing gumastos si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ng P1.8 bilyon sa loob lamang ng isang taon para sa kanyang mga pagbibiyahe.
Si Celiz, isang dating aktibista na nagsabing siya ay dating kadre ng New People’s Army, at si Badoy, isang lisensyadong doktor na nagsilbi bilang undersecretary sa Presidential Communications Office sa ilalim ng administrasyong Duterte, ay na-cite for contempt at ikinulong noong Dis. 5 sa Batasang Pambansa. Pinalaya sila noong Dis. 12 dahil sa “humanitarian considerations” sa diwa ng panahon ng Pasko.
“Hindi ko sasagutin iyan dahil protektado ako ng batas, ayon sa payo at pakikipagkumperensya sa akin mga abogado rito. Ako ay protektado ng Sotto Law,” ani Celiz sa pagdinig ng House Committee on Legislative Franchises noong Dis. 5.
Sa isang pagdinig ng House committee noong Nob. 30, sinabi ni Celiz na ang kanyang source ay “isang empleyado ng Senado” ngunit hindi kinilala ang tao, at binanggit na ang Sotto Law ay nagpoprotekta sa “source ng bawat mamamahayag o reporter.”
Ano ang Sotto Law? Sino ang pinoprotektahan nito? Narito ang limang bagay na kailangan mong malaman:
-
Tungkol saan ang Sotto Law?
Ang Sotto Law ay tumutukoy sa Republic Act (RA) No. 53, na pinagtibay noong 1946. Ito ay kinilala bilang Sotto Law bilang parangal sa may-akda nito, si Sen. Vicente Sotto, ang lolo ni dating Senate president Vicente “Tito” Sotto III.
Ang batas ay “nagbibigay sa mamamahayag ng karapatang tumanggi na ibunyag ang mga pinagmumulan ng impormasyon na ipinaalam sa kanya nang may buong tiwala na ito ay iingatan,” ayon kay Numeriano Rodriguez Jr., abogado at dating media law instructor sa Master in Journalism program ng Ateneo De Manila University.
“Ang pribilehiyo ay, samakatuwid, ang layunin, hindi lamang upang protektahan ang mamamahayag, ang manunulat, ang manunulat ng item ng balita, kung mayroon man, ngunit upang protektahan din ang pinagmulan,” paliwanag niya.
Ang RA No. 1477, na nag-amyenda sa RA No. 53 noong 1956, ay nagsasaad:
“Without prejudice to his liability under the civil and criminal laws, the publisher, editor, columnist or duly accredited reporter of any newspaper, magazine or periodical of general circulation cannot be compelled to reveal the source of any news-report or information appearing in said publication which was related in confidence to such publisher, editor or reporter unless the court or a House or committee of Congress finds that such revelation is demanded by the security of the State.”
(“Nang walang pagkiling sa kanyang pananagutan sa ilalim ng mga batas sibil at kriminal, ang tagapaglathala, editor, kolumnista o akreditadong reporter ng anumang pahayagan, magasin o peryodiko ng pangkalahatang sirkulasyon ay hindi maaaring pilitin na ihayag ang pinagmulan ng anumang ulat ng balita o impormasyong lumalabas sa nasabing publikasyon na ibinigay nang may kumpiyansa sa naturang publisher, editor o reporter maliban kung nalaman ng hukuman o ng Kapulungan o ng komite ng Kongreso na ang naturang paghahayag ay hinihingi ng seguridad ng Estado.”)
Pinagmulan: Supreme Court E-Library, Republic Act No. 1477, Na-access noong Dis. 15, 2023
Binigyang-diin ni Rodriguez na ang isang “napaka-basic na prinsipyo” sa ilalim ng Konstitusyon ay ang pagtataguyod ng press freedom at freedom of the press, na naghihikayat sa pagpapakalat ng impormasyon na “maaaring may kinalaman sa interes ng publiko.”
Kung walang ganoong proteksyon, idinagdag niya, ang isang source na may ilang impormasyon ay maaaring matakot na lumabas dahil ang kanyang pagkakakilanlan ay maaaring matunton at nanganganib na maging target ng pag-uusig o persekusyon. “Kung gayon ay walang magiging motibasyon para sa kanya na lumabas kahit na siya ay puno ng civic-mindedness at interes na tumulong sa lipunan,” sinabi niya.
Binanggit ni Rodriguez ang kahalagahan ng pagdaragdag ng pariralang “nang walang pagkiling sa kanyang pananagutan sa ilalim ng mga batas sibil at kriminal” nang ang RA 53 ay amyendahan ng RA 1477.
“Naidagdag doon ‘yung posibleng pananagutan ng isang mamamahayag pagdating sa sibil at/o kriminal na pananagutan sa ilalim ng batas para sa mga ulat na maaaring lumalabag sa mga batas na ito,” aniya.
“Nagkaroon ng intensyon na balansehin ang mga naglalabang interes sa pagitan ng kahalagahan ng konstitusyon na ibinigay sa pampublikong debate upang maipahayag ang mga isyu at ang pribadong karapatan ng tao o mga taong maaaring maapektuhan.”
Noong Agosto 2019, ang RA 1477 ay higit pang sinusugan ng RA 11458, na nagpapalawak sa saklaw ng batas upang isama ang broadcast, wire service organizations, o electronic mass media, kabilang ang cable television at mga variant nito, “na hindi maaaring piliting ihayag ang mga pinagmumulan ng alinmang balita, ulat o impormasyon… na ibinigay nang may kumpiyansa sa media practitioner.”
-
Ano ang mga eksepsiyon sa Sotto Law?
Ang unang pag-ulit ng batas ay nagsasaad na “ang korte o ang Kapulungan o komite ng Kongreso” ay maaaring mag-utos ng pagsisiwalat ng pinagmulan ng impormasyon kung ito ay itinuring na “nasa interes ng estado.”
Gayunpaman, sinabi ni Rodriguez: “Anumang bagay ay maaaring maging, at magiging at dapat maging interes ng estado. Kaya napakalaki ng eksepsiyon na kailangan mong isiwalat. Ito ay halos tulad ng pagbawas o pagpapahina ng proteksyon na ipinagkaloob ng batas sa mamamahayag at sa pinagmulan ng impormasyon. Kasi lahat pwedeng pumasok do’n sa mga ekpepsiyon.”
Sa ilalim ng RA 1477, ang “interes ng estado” ay ginawang “seguridad ng estado.” “Ang pambansang seguridad ay isang bagay na napakaseryoso, na maaaring makaapekto sa mismong pag-iral ng estado o ang pagguho ng gobyerno,” paliwanag ni Rodriguez.
-
Sino ang kuwalipikado bilang isang “accredited journalist” para protektahan ng Sotto Law?
Sinabi ni Rodriguez na ang intensyon ng batas ay “masakop ang halos sinumang nakikibahagi sa [media at pamamahayag].” Kabilang dito ang mga blogger o influencer “na gumagawa lang ng mga blog sa kanilang mga silid-tulugan,” dagdag niya.
“Sa ilalim ng isyung ito ay ang karapatan ng malayang pagpapahayag. Kaya, kung ikaw ay may sasabihin na may kinalaman sa interes ng publiko, na sa tingin mo ay kailangan malaman ng publiko, samakatuwid, sa palagay ko walang kuwestiyon na ang provision ng batas na ito ay magpo-protekta sa iyo,” ani Rodriguez.
Iminungkahi ni Rodriguez na amyendahan ang batas para tanggalin ang salitang “accredited.” Ipinaliwanag niya: “Ang mga mamamahayag, ang mga media practitioner ay hindi nangangailangan ng anumang akreditasyon mula sa alinmang ahensya ng gobyerno dahil ang anumang uri ng akreditasyon ay magkakaroon ng anyo ng regulasyon, na isang pagsumpa sa konsepto ng kalayaan sa pamamahayag.”
“Hindi mo kailangang maging miyembro ng isang mainstream na news organizayion o broadcasting organization para magamit ito,” sabi niya.
-
Ano ang mangyayari kung ang impormasyong ibinigay ng isang source ay lumabas na mali?
Sinabi ni Rodriguez, “Sa ilalim ng RA 53, gaya ng sinusugan, ang pagbabawal laban sa pagpilit sa isang mamamahayag na ibunyag ang kanyang source ay hindi gumagawa ng anumang pagkakaiba sa pagitan ng isang piraso ng impormasyon na totoo at isa na lumalabas na mali.”
“Ang malinaw na ibig sabihin ng batas ay ang isang mamamahayag ay hindi maaaring pilitin na ibunyag ang kanyang source, maliban kung ang mga interes ng pambansang seguridad ay hinihingi,” paliwanag niya.
Gayunpaman, ang sinumang tao na “maaaring nakararamdam na ipinahihiwatig at [naramdaman] na ang kanyang reputasyon ay nasira” ay maaaring magsampa ng demanda na paninirang-puri laban sa mamamahayag. “Kung uunlad ang naturang defamation suit ay ibang tanong,” paglilinaw niya.
“Ang pagkakaroon ng legal na remedyo na ito ay ginawang mas malinaw sa pamamagitan ng pagpasok ng pariralang ‘nang walang pagkiling sa kanyang pananagutan sa ilalim ng mga batas sibil at kriminal xxx,’ na wala sa orihinal na teksto ng RA 53,” sabi niya.
-
Kung ang mamamahayag ay kakasuhan ng libel, mananagot din ba ang source?
Napansin ni Rodriguez ang hirap sa pagdemanda sa isang hindi kilalang tao. “Ang hukuman ay dapat na agad na makakuha ng hurisdiksyon sa taong akusado o nasasakdal,” sabi niya.
“Ngunit, kung ipagpalagay na ang source ay sa kasamaang-palad na nahayag o independiyenteng natuklasan, ang isang demanda sa paninirang-puri laban sa kanya ay kailangang ma-resolba, tulad ng isang demanda ng paninirang-puri laban sa mamamahayag, batay sa batas sa paninirang-puri, umiiral na jurisprudence at ebidensya,” dagdag niya.
Noong Dis. 11, ilang mga news outlet ang nag-ulat na isiniwalat ni Celiz ang pagkakakilanlan ng kanyang source kay Parañaque City Rep. Gus Tambunting, ang chairman ng House Committee on Legislative Franchises. Nang hindi nagbibigay ng pangalan, sinabi ni Tambunting sa mga mamamahayag na lalaki ang source ni Celiz at hindi kawani ng alinman sa mga senador.
Makalipas ang isang araw, binanggit si Celiz sa isang ulat ng balita ng ABS-CBN na itinatanggi niyang ibinunyag niya ang pangalan ng kanyang source kay Tambunting.
May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).
Mga Pinagmulan
Numeriano Rodriguez Jr., Personal communication, Dec. 15, 2023
On Badoy and Celiz’s detention
- CNN Philippines, Badoy, Celiz walk free from House detention, Dec. 12, 2023
- Inquirer.net, House allows release of SMNI hosts Badoy, Celiz on humanitarian grounds, Dec. 12, 2023
- GMA News Online, SMNI’s Badoy, Celiz to be released from House detention, Dec. 12, 2023
One News PH, HAPPENING NOW: HOUSE RESUMES PROBE ON SMNI, Dec. 5, 2023
One News PH, HAPPENING NOW: HEARING OF HOUSE CMTE. ON LEGISLATIVE FRANCHISES, Nov. 30, 2023
Official Gazette of the Philippines, Republic Act No. 11458, Accessed on Dec. 13, 2023
Supreme Court E-Library, Republic Act No. 53, October 05, 1946, Accessed on Dec. 13, 2023
Supreme Court E-Library, Republic Act No. 1477, Accessed on Dec. 15, 2023
On Celiz revealing his source
- Inquirer.net, Finally, Celiz bared source of wrong info on Romualdez travel fund – solon, Dec. 11, 2013
- GMA News Online, Detained SMNI host names ‘source,’ seeks furlough, says Tambunting, Dec. 11, 2013
- Manila Bulletin, Celiz finally names ‘mystery source’, but only to this solon, Dec. 11, 2013
- ABS-CBN News, House panel to tackle bill seeking to revoke SMNI franchise in January, Dec. 13, 2023
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)