Gumawa ng nakaliligaw na pahayag si Undersecretary Lorraine Badoy ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na ang Korte Suprema ay nagpasya na “walang panganib sa buhay, kalayaan at seguridad kapag ang isang tao ay kinilala bilang miyembro ng CPP NPA NDF.”
Tugon niya ito sa komento ni Justice Secretary Menardo Guevarra na nagbabala laban sa mga red-tagging ng mga indibidwal nang walang patunay.
PAHAYAG
Sa isang pampublikong forum noong Hunyo 15, tinanong si Guevarra kung sumasang-ayon siya sa nakagawian ng NTF-ELCAC na “public red-tagging” ng mga tao bilang “armadong komunista.”
Sumagot ang justice secretary na ang mga opisyal ng gobyerno ay dapat maghain ng kinakailangang legal na aksyon kung mayroon silang ebidensya, at idinagdag niya:
“Kung wala ka namang ebidensya to support anything except to suspect (para suportahan ang kahit na ano maliban sa suspetsa) na ito ay fronts ng, let’s say (sabihin natin), communist terrorist groups, eh ‘wag ka na lang magsalita dahil you’re endangering certain people (inilalagay mo sa panganib ang ilang tao), ‘no, kung wala ka namang sufficient evidence (sapat na ebidensya). Baka mamaya target naman ‘yung mga tao na ‘yon na who are just vocal about their own political views (dahil lamang hayagan ang kanilang mga pampulitikang pananaw); baka ma-endanger (malagay sa panganib) naman ‘yung mga tao na ‘yon.”
Pinagmulan: Kapihan sa Manila Bay with Marichu Villanueva, Kapihan sa Manila Bay with Justice Secretary Menardo Guevarra, Hunyo 15, 2022, panoorin mula 1:13:28 to 1:13:55
Sa isang Facebook post isang araw matapos magkomento si Guevarra, sinabi ni Badoy:
“We also find it unfortunate that no less than a Justice secretary seems ignorant that our Supreme Court has ruled, in Zarate vs Aquino, that there is no danger to life, liberty and security when you are identified as a member of the CPP NPA NDF.”
(Nalulungkot din kami na isang Justice secretary ang tila ignorante na ang ating Korte Suprema ay nagdesisyon, sa Zarate vs Aquino, na walang panganib sa buhay, kalayaan at seguridad kapag ikaw ay kinilala bilang isang miyembro ng CPP NPA NDF.)
Pinagmulan: Lorraine Marie T. Badoy Official Facebook Account, NTF ELCAC RESPONSE TO SECRETARY GUEVARRA (archive), Hunyo 16, 2022
ANG KATOTOHANAN
Hindi ito sinabi ng Korte Suprema sa Zarate vs. Aquino. Ang sinabi ng Mataas na Hukuman sa kaso ay ang “pagmimiyembro lamang sa mga organisasyon o sektor” na binanggit sa petisyon — kabilang ang mga progresibong grupong Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, Karapatan, at Bayan Muna — “ay hindi maaaring itugma sa isang aktwal na banta na maaaring magpa-isyu ng isang writ of amparo.”
Ang writ of amparo ay makukuha ng sinumang tao na ang karapatan sa buhay, kalayaan at seguridad ay nilabag o binantaang lalabagin ng isang labag sa batas na gawa o hindi pag gawa ng isang pampublikong opisyal o empleyado, o ng isang pribadong indibidwal o entity. Saklaw nito ang mga extralegal na pagpatay at sapilitang pagkawala o pagbabanta na dinanas ng sinumang “kwalipikadong” tao.
Ipinaliwanag ng Mataas na Hukuman na ang petisyon ay tinanggihan sa dalawang dahilan:
- Nabigo ang mga petitioner na magbigay ng “matibay na ebidensya” na nagpapatunay na may aktwal na banta sa kanilang buhay, kalayaan, at seguridad gaya ng kinakailangan para sa pagbibigay ng writ of amparo.
- Ang writ of amparo ay hinihingi ng “indibidwal at ipinagkaloob ng indibidwal” kaya’t kailangan ng korte na alamin nang hiwalay ang sitwasyon ng bawat petitioner.
BACKSTORY
Humingi ng writ of amparo ang mga petitioner sa Zarate vs. Aquino matapos isama ang mga partylist representative (ng Bayan Muna, Gabriela Women’s Partylist, at AnakPawis) at mga miyembro ng human rights groups (Karapatan, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, Rural Missionaries of the Philippines, United Church of Christ in the Philippines, Children’s Rehabilitation Center) sa “listahan” ng gobyerno ng mga indibidwal na sinasabing sangkot sa kidnapping, serious illegal detention, at trafficking.
Sinabi ng mga petitioner na ito, gayundin ang umano’y panliligalig, gawa-gawang mga kasong kriminal, at mga patutsada na nag-uugnay sa kanila sa NPA, ay “mga banta sa kanilang buhay, kalayaan, at seguridad, na nangangailangan ng garantiya ng proteksyon ng writ of amparo.”
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga Pinagmulan
Kapihan sa Manila Bay with Marichu Villanueva, Kapihan sa Manila Bay with Justice Secretary Menardo Guevarra, June 15, 2022
Lorraine Marie T. Badoy Official Facebook Account, NTF ELCAC RESPONSE TO SECRETARY GUEVARRA (archive), June 16, 2022
Supreme Court of the Philippines E-library, G. R. No. 220028, Nov. 10, 2015
Supreme Court of the Philippines, The Rule on the Writ of Amparo, Sept. 25, 2007
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)