Sa pagbibigay-katwiran ng red-tagging ng mga aktibista at electric cooperative bilang mga miyembro ng Communist Party of the Philippines (CPP), ang armadong grupo nito, ang New People’s Army (NPA), at koalisyon ng mga progresibong grupo, ang National Democratic Front (NDF), inulit ni Lorraine Badoy ang isang makapanlilinlang na pahayag na nagpasya ang Korte Suprema noong 2015 na ang pagkilala bilang mga miyembro ng kilusang komunista ay “hindi naglalagay ng panganib sa buhay, kalayaan, seguridad para sa mga tao.”
PAHAYAG
Sa episode ng Laban Kasama ang Bayan na ipinalabas sa Sonshine Media Network International (SMNI) noong Mayo 3, sinabi ni Badoy, dating tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict, at nagpakilalang dating opisyal ng NPA na si Jeffrey Celiz, nang walang iniharap na anumang ebidensiya, na ang Benguet Electric Cooperative (BENECO) at ang National Electrification Administration (NEA), isang korporasyong pag-aari at kontrolado ng gobyerno, ay “infiltrated” ng CPP-NPA-NDF.
Nakisawsaw ang SMNI anchor na si Franco Baranda at sinabi sa Filipino na “alam na nila ito sa simula pa lang, halos lahat ng sektor ay napasok na ng CPP-NPA-NDF,” ngunit ngayon ay binabanggit na nila ang mga pangalan, na sinagot ni Badoy:
“Napapanindigan natin ‘yung mga pangalan na ‘yon at saka wala namang – wala tayong nilalabag na batas doon.”
Pinagmulan: SMNI Youtube Channel, LIVE: Laban Kasama ang Bayan, Mayo 3, 2023, panoorin mula 16:21 hanggang 16:26
Idinagdag niya:
“Ang sinabi ng Supreme Court there is no danger to life, liberty and security when you’re identified as a member of the CPP-NPA-NDF.”
(“Ang sinabi ng Korte Suprema ay walang panganib sa buhay, kalayaan at seguridad kapag ikaw ay kinilala bilang isang miyembro ng CPP-NPA-NDF.”)
Pinagmulan: panoorin mula 16:26 hanggang 16:35
ANG KATOTOHANAN
Hindi ito sinabi ng Korte Suprema sa Zarate vs. Aquino, ang kaso na tinutukoy ni Badoy. Ang napagpasyahan ng Mataas na Hukuman ay ang “pagmi-miyembro lamang sa mga organisasyon o sektor” na binanggit sa kaso – kabilang ang mga progresibong grupong Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, Karapatan, at Bayan Muna – “ ay hindi maaaring itumbas sa isang aktwal na banta na mangangailangan ng pag-iisyu ng isang writ of amparo.”
Ni-red-tag ni Badoy ang BENECO nang hindi bababa sa dalawang beses noong 2022, na nag-udyok sa organisasyon na maglathala ng isang pahayag noong Setyembre ng nakaraang taon.
“Aming hinahamon harap ng publiko si LORRAINE MARIE T. BADOY-PARTOSA na magbigay sa amin ang impormasyon na sinabi niyang nasa kanya nang umeere ang programa. Kailangan niyang ilabas ang mga ito at patunayan ang katotohanan ng kanyang akusasyon. Isa itong tahasang konklusyon na sumisira sa reputasyon ng BENECO sa harap ng mga Member Consumer Owners nito na naninirahan sa mga bayan at komunidad na taimtim na pinaglilingkuran ng electric cooperative mula pa noong 1973,” nakasaad sa pahayag.
Noong Disyembre nang nakaraang taon, na fact-check ng Baguio Chronicle si Badoy nang walang basehan nito sinabi na ang BENECO ay ang “gatasan” ng CPP-NPA-NDF.
BACKSTORY
Ang BENECO ay isang electric cooperative na pinagkalooban ng NEA ng “tanging prangkisa para magpatakbo ng electric light at power service sa Lungsod ng Baguio at Benguet province sa loob ng limampung (50) taon,” o hanggang 2028. Ang NEA ang nangangasiwa sa pagpapatakbo ng 121 electric cooperatives bilang power providers.
Ginawa ng yumaong pangulong Ferdinand Marcos Sr. ang NEA na isang ganap na pag-aari at kontroladong korporasyon ng gobyerno wala pang isang taon matapos niyang ideklara ang batas militar sa bansa noong 1972.
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga Pinagmulan
SMNI Youtube Channel, LIVE: Laban Kasama ang Bayan | May 3, 2023, May 3, 2023
Benguet Electric Cooperative (BENECO), About, Accessed May 9, 2023
National Electrification Administration (NEA), About NEA, Accessed May 9, 2023
LawPhil, G.R. No. 220028, Nov. 10, 2015
iMPACT Leadership Twitter Account, “Serial Red-tagger…”, Oct. 14, 2022
The Baguio Chronicle, FACT CHECK: BENECO is a milking cow for the CPP-NPA-NDF, Dec. 8, 2022
Benguet Electric Cooperative (BENECO), WE ARE NOT WHAT YOU SAID WE ARE, Sept. 28, 2022
National Electrification Administration (NEA), NEA 2022 Annual Report, March 2023
Official Gazette of the Philippines, P.D. No. 269, Aug. 6, 1973
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)