Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Dating editor ng Philstar.com hindi operatiba ng CPP-NPA-NDF, gaya ng sinasabi ni Badoy nang walang ebidensya

WHAT WAS CLAIMED

Si Jonathan De Santos, dating editor ng Philstar.com, ay isang operatiba sa lungsod ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front.

OUR VERDICT

Walang basehan:

Walang ipinakitang anumang patunay si Lorraine Badoy, dating undersecretary sa Presidential Communications Office at tagapagsalita sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict, na si Jonathan De Santos ay may koneksyon sa CPP-NPA-NDF.

Si De Santos, na nagbitiw sa Philstar.com, ay kasalukuyang tagapangulo ng National Union of Journalists of the Philippines. Wala raw siyang kinalaman sa pagsusulat at paglalathala ng news article sa Philippine Star noong Agosto 26 na tinutukoy ni Badoy at dahilan ng pagre-red-tag sa kaniya. Bukod dito, ang online news site na Philstar.com ay iba sa broadsheet na pahayagang Philippine Star, bagama’t pareho silang nasa ilalim ng STAR Group of Publications.

By VERA Files

Aug 30, 2023

6-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Walang basehan si Sonshine Media Network International (SMNI) host Lorraine Badoy na si Jonathan De Santos, dating editor ng online news site na Philstar.com, ay isang “urban operative” ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).

PAHAYAG

Pinupuna ang artikulo ng balita sa Philippine Star noong Agosto 26 tungkol grupo ng mga mambabatas na nagbabantang magsampa ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte-Carpio,” sinabi ni Badoy sa isang Facebook post noong araw ding iyon na:

“The other guilty party here is Jonathan de Santos – online editor of Philstar online. He, too, is an urban operative of the CPP NPA NDF.

(“Ang isa pang guilty dito ay si Jonathan de Santos – online editor ng Philstar online. Siya rin ay isang operatiba ng CPP NPA NDF sa lungsod.”)

 

Pinagmulan: Lorraine Marie T. Badoy official Facebook account, H They’re not lawmakers. What they really are are urban operatives of the terrorist CPP NPA NDF (archive), Ago. 26, 2023

Ang artikulo sa Philippine Star–isang broadsheet na pahayagan na iba sa online news site na Philstar.com–ay nagsabing tinitingnan ng mga mambabatas na kabilang sa Makabayan bloc ang posibilidad na magsampa ng impeachment complaint laban kay Duterte-Carpio dahil sa paggamit umano ng P125-million confidential funds sa 2022 nang walang pahintulot ng kongreso.

Si Badoy, dating undersecretary sa Presidential Communications Office at tagapagsalita sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict, ay nagpahiwatig na si De Santos ay nagpapakalat ng propaganda ng CPP-NPA-NDF sa pamamagitan ng artikulo ng Philippine Star “para maging parang [ang] gobyerno ay walang silbi at corrupt.”

Si Jeffrey “Ka Eric” Celiz, ang co-host ni Badoy sa SMNI show na “Laban Kasama ang Bayan,” ay gumawa rin ng katulad na pahayag noong Mayo na si De Santos ay “aktibo sa underground operations” ng CPP-NPA-NDF. (Basahin ang VERA FILES FACT CHECK: SMNI anchor makes BASELESS claims that PhilStar.com editor, NUJP were part of CPP-NPA-NDF)

Sa kanyang Facebook post, inilarawan din ni Badoy ang mga mambabatas ng Makabayan party-list – sina Arlene Brosas ng Gabriela, Raoul Manuel ng Kabataan at France Castro ng Alliance of Concerned Teachers – bilang “hindi mga mambabatas [kundi] mga operatiba sa lungsod ng teroristang” CPP-NPA- NDF.

ANG KATOTOHANAN

Si De Santos, ang kasalukuyang chairperson ng National Union of Journalists of the Philippines, ay hindi isang “urban operative” ng CPP-NPA-NDF.

“Itinatanggi ko ang akusasyon na ako ay isang urban operative ng CPP NPA NDF,” sinabi ni De Santos sa VERA Files Fact Check sa isang pribadong mensahe noong Ago. 29.

#VERAFIED: Hindi operatiba ng CPP-NPA-NDF ang dating Philstar.com editor, taliwas sa walang basehan na pahayag ni Badoy Si De Santos, kasalukuyang chairperson ng National Union of Journalists of the Philippines, ay hindi “urban operative’ ng CPP-NPA-NDF. Sabi ni De Santos, nag-resign na siya noong Hunyo sa Philstar.com at wala siyang kinalaman sa pagsulat ng news article na lumabas sa Philippine Star noong Aug. 26. Aniya, magkaiba ang dyaryong Philippine Star at ang online news site na Philstar.com, bagama’t pareho itong nasa ilalim ng STAR Group of Publications.

Idinagdag ni De Santos, na nagbitiw sa Philstar.com noong Hunyo, na wala siyang kinalaman sa artikulo sa Philippine Star noong Ago. 26. Bagama’t muling inilathala ng Philstar.com sa website nito ang mga artikulo sa Philippine Star, sinabi ni De Santos na ang 37-taong pahayagan na Philippine Star ay isang “hiwalay na [media] entity” sa Philstar.com, na itinatag noong 2000.

“Hindi na rin ako editor sa Philstar.com. Nagbitiw ako noong Hunyo at ang huling araw ko ay Hulyo 24, kaya walang batayan para ikonekta ako sa kuwento – na isang lehitimong istorya, sa anumang kaso,” sabi niya.

Sina Brosas, Castro at Manuel ay gumawa ng magkahiwalay na pahayag noong nakaraan na pinasisinungalingan ang mga akusasyon na nag-uugnay sa kanila sa kilusang komunista.

BACKSTORY

Noong Okt. 25, 2022, nakipagtulungan ang SMNI sa Philippine Army sa paglulunsad ng “information war” laban sa mga rebeldeng komunista at mga taga-suporta. Hindi nagtagal ay sinundan ito ang isang serye ng on-air red-tagging sa pamamagitan ng SMNI show ni Badoy at Celiz na “Laban Kasama ang Bayan.” (Basahin ang Philippine Army partners with SMNI media group in anti-communist campaign)

Noong nakaraang Mayo 12, nagpahayag ng “matinding pagka-alarma” ang Commission on Human Rights (CHR) matapos i-red-tag ni Celiz si De Santos at ang NUJP noong Mayo 3, 2023 episode ng “Laban Kasama ang Bayan” na kasabay ng pagdiriwang ng World Press Freedom Day. Ito ang pangalawang pagkakataon na nagpahayag ng pagkabahala ang CHR tungkol sa palabas ng SMNI. Ang unang pagkakataon ay noong Oktubre 2022 matapos sabihin nina Badoy at Celiz na isang lider ng LGBTQI ang nagre-recruit ng high school students sa Iloilo para sa CPP.

Nagbabala ang CHR na ang red-tagging ay maaaring humantong sa “pananakot, karahasan, at hindi kinakailangang paniniktik ng estado, na direktang humahadlang sa mga karapatang pantao ng mga mamamahayag, lalo na ang kanilang karapatan sa kalayaan ng opinyon, pagpapahayag at pamamahayag.”

Samantala, tinanggal ng YouTube ang mga orihinal na channel ng SMNI at “Laban Kasama ang Bayan” noong Hulyo 7 “para sa paglabag sa Mga Tuntunin ng Serbisyo ng YouTube.” Ang may-ari ng SMNI na si Apollo Quiboloy ay wanted sa United States dahil sa mga kasong human trafficking.

Gumawa ang SMNI at Laban Kasama ang Bayan ng mga bagong channel sa YouTube ilang araw pagkatapos ng ginawang takedown ng YouTube.

 

May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).

 

Mga Pinagmulan

The Philippine Star official Facebook page, Duterte, on the other hand, welcomed an investigation into her office’s use of CF in 2022, Aug. 26, 2023

The Philippine Star (via Philstar.com website), Lawmakers eye impeachment case vs Vice President Sara, Aug. 26, 2023

Jonathan De Santos, Personal communication (Viber), Aug. 29, 2023

Philstar.com, About Philstar.com, accessed Aug. 29, 2023

The Philippine Star (via Philstar.com website), The beginnings of The Philippine STAR, July 28, 2011

ANC official YouTube channel, Gabriela Women’s Party-List rejects claims of alleged ties with New People’s Army, Oct. 24, 2020

Alliance of Concerned Teachers Party-list official Facebook page,  Assistant Minority Leader and ACT Teachers Representative France Castro on the relentless terror-tagging of Makabayan lawmakers during the Senate hearing, Nov. 3, 2020

Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel official Facebook account, To my friends, relatives, acquaintances, please take note of this. Do not red-tag me, …, Feb. 15, 2020

SMNI News official Facebook page, SMNI-Philippine Army Partnership, Oct. 25, 2022

Philippine Army official Facebook page, Army, SMNI sign deal on the media partnership, Oct. 25, 2022

SMNI News official website, SMNI, PHL Army nagsanib-pwersa para sa makatotohanan at patas na pagbabalita, Oct. 24, 2022

Commission on Human Rights, Statement of the Commission on Human Rights against the red-tagging of the NUJP-affiliated journalists in an SMNI program, May 12, 2023

Commission on Human Rights, Statement of the Commission on Human Rights on the red-tagging of an LGBTQI leader on SMNI news program, Oct. 28, 2022

One News, YouTube Removes Other Channels Affiliated With Quiboloy, July 8, 2023

Philstar.com, Quiboloy-free: YouTube bans SMNI, KOJC channels, July 7, 2023

ABS-CBN News, YouTube takes down Quiboloy’s SMNI YouTube page, July 7, 2023

U.S. Federal Bureau of Investigation official website, APOLLO CARREON QUIBOLOY — FBI, accessed Aug. 29, 2023

SMNI News YouTube channel, @SonshineMediaSMNI, accessed Aug. 29, 2023

Laban Kasama ang Bayan YouTube channel, @LKAB2.0 accessed Aug. 29, 2023

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.