Sa panahon ng pandemya, nagkalat ang mga maling impormasyon na hindi lang nakapanliligaw, maaaring makaapekto rin ito sa ating kalusugan kung basta-basta nating paniniwalaan.
Ngayong papalapit ang eleksyon, mas maraming naglipana na mga balitang gawa-gawa lamang.
Kaya naman ipinakikilala ng VERA Files Fact Check si VERA, isang bot na puwede mong maging kaibigan at kasangga sa paglaban sa disinformation at misinformation!
Ang VERA Files Misinformation Tip Line ay ang kauna-unahang public misinformation tip line sa Viber sa buong Asia Pacific. Si VERA, isang truth bot, ang nagpapatakbo sa tip line.
Naniniwala kami na lahat ay kaya at dapat mag-fact-check. Kasama natin dito si VERA.
Ano pa ang hinihintay mo? I-share mo na ang totoo at magandang balita!
-
Sino si VERA, the truth bot at ano ang ginagawa niya?
Si VERA ay isang bot sa Viber na puwede mong padalhan ng litrato, video, link, o tip para ma-check o ma-verify ng aming team.
Naniniwala kami sa kakayahan ng bawat isa na mag-ambag sa pagpapalaganap ng totoong impormasyon. Kaya kapag may nakita kang kahina-hinalang post o pahayag na gusto mong ipa-fact-check, ipadala agad ito sa misinformation tip line.
-
Saan ko makikita si VERA?
Puwedeng hanapin si VERA sa Viber search. I-type lang ang “VERA, the truth bot” at padalhan siya ng “Hello!” para ma-activate.
-
Para saan ko magagamit si VERA?
Maaaring makatulong si VERA sa tatlong bagay kaugnay ng fact-checking at online verification.
Una, puwede kang magpadala ng tip o mga bagay na gusto mong ipa-fact-check.
Pangalawa, puwede mong malaman kung anu-ano ang mga latest na post at pahayag na na-verify ng VERA Files Fact Check.
Pangatlo, puwede kang matutong mag-fact-check gamit ang mga tutorial na i-sesend sa ’yo ni VERA!
-
Ano ang mangyayari sa mga ipadadala kong tip?
Ang ipadadala mong tip o impormasyon ay dadaan sa masusing pagsusuri ng team ng VERA Files Fact Check.
Meron kaming three-point criteria na ginagamit na basehan para matukoy kung ang isang post o pahayag ay maaaring ma-fact-check. Kailangan OO ang sagot sa mga sumusunod na katanungan:
-
- Ito ba ay statement of fact at hindi opinyon?
- Kaya ba itong i-fact-check kaagad gamit ang mga available na resources tulad ng government records, journal articles, interview sa mga eksperto at iba pa?
- Relevant ba ito at makaaapekto sa publiko?
Para sa mga kumakalat na impormasyon online, tinitingnan din namin kung ito ay nag-viral at nakarating sa napakaraming tao o nai-share ng maraming account/pages sa social media. Ito ay para makaiwas na mas lumawak pa ang reach ng isang post.
Basahin itong explainer tungkol sa aming fact-check process.
-
Magpa-publish ba ang VERA Files ng fact check kaugnay ng mga ipinadala kong litrato, video, link o tip?
Puwede! Tinatawag namin ang fact check na ito na READER REQUESTED. Pero ‘wag mag-alala dahil pinahahalagahan namin ang iyong kaligtasan, seguridad at sensitibong impormasyon. Hindi namin pinapangalanan ang mga nagpapadala ng request.
Pagkatapos naming i-fact-check ang isang tip, nagpapadala kami ng kopya ng FACT CHECK ARTICLE sa nag-request pati sa iba pang mga tao na naghahanap ng kasagutan sa kaparehong tanong o impormasyon.