Skip to content
post thumbnail

Ang kagimbal-gimbal na budget insertions ni Chiz Escudero

Ang kabuuan ng budget insertions ni Escudero na mukhang nagbabalatkayong pandarambong — P142,717,586,000.Dapat nating ilantad ang engrandeng sikreto ni Escudero na ginagawang tanga ang bawat mamamayang Pilipino.

By Antonio J. Montalvan II

Jul 26, 2025

6-minute read

Share This Article

:

Kung ito ay kaso ng mga “hoodlum” sa mga pinto, ang mga ”hoodlum” ay wala na sa mga pinto. Sa katunayan, nakapasok na sila sa mga pinto at ngayon ay nasa loob na ng Senado.

Ang nag-iisang konteksto sa pulitika: Gusto ni Chiz Escudero na maging Senate president muli para sa 20th Congress. Pero ang kanyang ambisyon ay hindi nagkakahalaga ng libreng tanghalian lamang. Kailangan niyang manalo sa pamamagitan ng mga proyekto hindi lamang para sa kanyang mga kaalyadong senador, kundi para sa kanyang sarili rin. Dagdag pa rito, walang makapipigil din sa kanya sa paggamit ng mga insertion na ito para bilhin ang kanilang mga boto at i-acquit si Sara Duterte. Nakuha ba ninyo ang diskarte?

Sa madaling salita, ang pera natin ay gagamitin sa pagsusulong sa engrandeng ambisyon ni Escudero, at pagkatapos ay magbakasakali na bilihin ang hatol ng impeachment court. Ito ay isang buktot na operasyon sa mabuti o masamang paraan na tanging manloloko lamang ang makapagplaplano.

Sa “maliit” na bicam, kinamkam ni Escudero ang tungkulin ng finance chair para ipasok ang mga insertion sa General Appropriations Act.

Ang aming batayan sa mga ito ay isang 103-pahinang dokumento na ipinadala sa amin na nagdedetalye sa engrandeng budget plan ni Escudero. Sa kanyang nangungunang 10 budget insertions, ang pinakamalaking alokasyon ay mapupunta sa lalawigan ng Bulacan na nagkakahalaga ng P12,084,500,000.

Bulacan, narito ang maaasahan sa Escudero insertion: P2,930,000,000 para sa flood control; P3,260,500,000 para sa mga kalsada; P3,609,000,000 para sa mga gusali; at P2,285,000,000 para sa mga street light. Bulacan, ito ay kung talagang mapupunta ang mga pondong ito sa mga nasabing proyekto. Dahil para ba talaga sila sa Bulacan o para sa isang taga-Bulacan?

Pangalawa ang home province ni Escudero na Sorsogon na may halagang P9,136,000,000. Ito ay hinati sa P1,165,000,000 para sa flood control; P3,062,000,000 para sa mga kalsada; P525,000,000 para sa mga tulay; at P4,384,000,000 para sa mga gusali.

Nasa pang-lima ang “Davao” – walang indikasyon kung ito ay Davao City o Davao region (na may 5 lalawigan)– na may alokasyon na P7,213,500,000. Sa ika-9 na pwesto ay ang Valenzuela City na paglalaanan ng P4,251,800,000. Tignan maigi ang mga buong numero [na nagtatapos lahat sa maraming zero], na hindi ginagawa sa pagbabadyet ng gobyerno na gumagamit ng mga tunay na numero ayon sa aktwal na mga gastos.

Sa “Davao” ay maaaring makinabang ang dalawang senador: Bong Go (bumoboto siya ngayon sa Davao Oriental bilang kanyang bagong balwarte mula noong 2025 elections) at Bato Dela Rosa (Davao del Sur). Mula sa lungsod ng Valenzuela si Sherwin Gatchalian.

Para sa sanggunian: ang parehong dokumentong ibinigay sa amin ay sinuri at pinag-aralan din ng dalawang publikasyon: politico.com.ph at Bilyonaryo News Channel. Inaanyayahan ang mambabasa na basahin ang mga artikulo sa mga hyperlink na ito.

Napansin ng parehong mga publikasyon na ang mga entry ni Escudero ay kulang sa mga detalye ng engineering at geographic references. Mayroong maraming mga entry sa mga proyekto sa kalsada na inuulit sa ilalim ng segmented kilometer markings. Ang parehong mga ruta ay nahati sa Package A hanggang Package D. Gayunpaman, alam namin kung ano ang ibig sabihin ng mga ito. Ito ang karaniwang pagtatangka na hatiin ang mga proyekto sa mas maliliit na bahagi para maiwasan ang mga limitasyon sa pag-audit.

Sa Bulacan solar street lighting projects, ang iba’t ibang highway ay pinaglaanan ng P100,000,000 bawat isa anuman ang aktwal na haba ng kalsada. Nagtataka tuloy kami kung ang mga aktwal na pagtatasa ng pangangailangan ay isinagawa ayon sa kinakailangan.

Para sa mga proyekto sa pagkontrol sa baha, ang isa ay ang “Pagtatayo ng Flood Mitigation Structures – Sa Buong Bansa.” Walang nabanggit na probinsya. Walang mga hazard map na ipinakita upang bigyang-katwiran ang mga proyekto. Nararapat na itanong natin – mga ghost project ba ito?

Kung hindi ghost projects, politically motivated ba ang mga ito? Valid na tanong ito dahil malaking bahagi ang inilalaan bilang “Projects for Bong Go” na may grand total na P3,020,500,000.

Ang mga proyekto ni Go ay para sa pagtatayo/pagkumpleto/pagbibigay ng kagamitan ng Barangay Health Centers, Super Health Centers/Rural Health Units, Completion/Upgrading/ Repair/Equipping ng RHU/SHC, LGU Hospitals, DOH Hospitals, Philippine General Hospital, at mga ambulansya para sa iba’t ibang lungsod at munisipalidad.

Ang pagtukoy sa isang senador para sa budget insertions ay medyo kakaiba, kahit paano. At bakit ang handyman-deboto ni Rodrigo Duterte na si Bong Go? Lahat ng mga proyekto ni Go ay tumatawid sa lahat ng rehiyon ng bansa. Ito ba ay para paghandaan ang kanyang pagtakbo sa pagkapangulo sa 2028? Ang mga tanong na ito ay dapat itanong sa Senado, kahit na ang transparency ay hindi talento ni Escudero. Ang mga ito ay pera ng mga tao at ang mga tao ay may karapatang malaman — sa kabila ng aming paniniwala na mayroon tayong mga salbahe, hindi mga senador, sa Senado.

Kaya nga tanong namin, sa kaso ng Bulacan -– bakit Bulacan? Ang Bulacan ay ang home province ng Villanueva evangelical dynastic family na ang adbokasiya ay “giyera ng mga mamamayan laban sa korapsyon.” Ito nga ba? Nais ni Joel Villanueva na maging Senate majority leader muli at hindi ito lihim. Magiging hangal tayo kung hindi mag-iisip ng kabayaran sa pagitan ni Escudero at Villanueva. Hindi malinis ang record ni Villanueva sa gobyerno.

Pagkatapos ay mayroong mahabang seksyon sa mga insertion ng badyet ni Escudero para sa iba’t ibang kalsada at highway sa buong bansa. Madaling napagtanto na ang mga ito ay talagang mga insertion dahil ang mga partikular na pahina sa 2025 General Appropriations Act ay ipinahiwatig.

Ang isa pang mahabang seksyon ay ang pagpapagawa ng mga “multipurpose building” sa iba’t ibang munisipalidad sa bansa, na hindi ipinahihiwatig kung bakit kailangan ang mga gusaling ito. Daan-daan ang bilang nito. Ang ilang mga “multipurpose hall” ay para sa rehabilitasyon. Ang nakababahala ay mas maraming multipurpose na gusali kaysa sa mga school building. May hindi ayos dito.

Panghuli, ang kabuuan ng secret misadventure ni Escudero na mukhang nagbabalatkayong pandarambong — P142,717,586,000.

Ang mga perang ito na umaabot ng bilyun-bilyong piso ay hindi mga mumo ng tinapay lamang. Sa pagtatapos ng isang taon ng pananalapi, sapat na ang mga ito para maging multimillionaire ang bawat benepisyaryo na senador.

Isinusulat namin ito sa panahon ng pagbaha dala ng Bagyong Crising na sumira sa maraming bahagi ng bansa at sa Metro Manila. Alam natin na sa maraming pagkakataon ang mga lugar ay ninakawan ng pera na inilaan para sa mga proyekto sa pagkontrol sa baha. Ang isang dahilan ng pagbaha ay ang pagnanakaw ng mga pulitiko at ang kanilang walang-sawang kasakiman.

Dapat nating ilantad ang engrandeng sikreto ni Escudero na ginagawang tanga ang bawat mamamayang Pilipino.

Ang mga pananaw sa kolum na ito ay sa may-akda at hindi nangangahulugang sumasalamin sa mga pananaw ngVERA Files.

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.