Ni hindi pa nakakalabas si Pangulong Bongbong Marcos sa Batasan, nakabalandra na sa social media at sa mga komentaryo sa TV at radyo ang sentimyento na parang ok naman ang ikalimang State of the Nation Address ng pangulo.
Mula sa pulutong ng mga tagakilatis, sa mga nagbigay ng grado mula 1 (pinakamababa) hanggang 10 (pinakamataas), may nagbigay ng 7, 7.5–8.5, at 8.5 o 9. May nagsabing ito ay “good job,” na ito ay “meaty progress report,” “a rousing home run,” kaya “approve na approve.” Meron namang bahagya pang nagulat at sinabing ang SONA ni Bongbong ay “surprisingly good,” na ito ay “surprisingly . . . . pleasant.”
Mabilis talagang makalimutan ang mga pinatay.
Ipinag-uutos ng 1987 na Saligang Batas na “dapat magtalumpati ang Pangulo sa Kongreso sa pagbubukas ng regular na sesyon nito.” Inaasahang ang talumpating ito, ang SONA, ay ulat ng pangulo sa lagay ng bansa at sa papel na ginampanan ng kanyang pamahalaan sa paghubog nito.
Kahit inaasahang pili lamang ang laman ng SONA, dapat itong makatotohanan. Ang diin nasa mga bagay na maipagmamalaki ng pangulo at sa mga pinakamalalalang problema na gusto n’yang solusyunan. Hindi tiyak ang halaga sa usaping pambansa ng mga hindi binanggit.
Ayaw mang pagtuunan ng pansin ng pangulo sa kanyang SONA, ang dahas ng estado, ang kakayahan nitong pumatay, ay isang usapin na kung isasantabi lang ay may kakayahang tambangan ang kaligtasan at karapatang-pantao ng mga mamamayan.

Sa ikaapat na taon ng kanyang panunungkulan, mula Hulyo 1, 2025 hanggang Hunyo 30, 2026, ang monitor na Sandatahang Dahas ng UP Third World Studies Center, na nakatutok sa mga karahasang may kinalaman sa mga armadong ahente ng estado, ay nakapagtala ng 419 na kaso ng mga pagpatay. Sa mga ito, 350 ang napatay ng mga pulis at militar. At sa bilang na ito, 121 ang klinasipika bilang mga miyembro diumano ng mga komunistang teroristang grupo o mga armadong rebeldeng New People’s Army (NPA).
Dahil ito ay isang digmaang mahigit hating-siglo nang nagnanaknak, may mga armadong ahente rin ng estado na napatay ng kanilang mga kalaban: dalawang pulis at 13 na militar.
Wala ang mga bilang na ito sa SONA ni Bongbong.
Pero kung hahalughugin ang kanyang 250 pahinang “The President’s Report to the People, 2022-2026,” na nagdedetalye sa laman ng SONA, saka lamang mahahanap ang ilang impormasyon na nakabalot pa sa salitang sinadyang gamitin para lituhin at palabuin ang usapan.
Sa bahagi ng nasabing ulat na patungkol sa pangangalaga sa pambansang seguridad, nabanggit dito na mula Hulyo 2022–Mayo 2026, 4,133 na miyembro ng komunistang teroristang grupo (NPA) at 1,224 na miyembro ng mga lokal na grupong terorista (Dawlah Islamiyah-Maute Group at mga kauri nito) ang na-neutralize na ng gobyerno.
Matagal nang pinagtataguan ng mga pulis at militar ang salitang neutralize para hindi agad matukoy ng publiko kung ilan ba talaga ang kanilang napapatay. Magkakahalo sa kategoriya ng neutralize ang mga nahuli, ang mga sumuko, at ang mga napaslang.
Pero paminsan-minsan, ang mismong Armed Forces of the Philippines (AFP), sa mga press release nito, ang nagbibigay ng tiyak na numero. Para sa kabuuan ng 2025, sinabi ng AFP na
2,018 na mga rebeldeng komunista ang na-neutralize nito, ang bilang ng napatay ay 127 na NPA; 123 ang nabilang ng Sandatahang Dahas. Mula naman Enero 1 hanggang Hulyo 9 ngayong 2026, inako ng AFP ang pagkaka-neutralize ng 812 na mga kasapi at taga-suporta ng NPA. Sa bilang na ito, 60 ang napatay. Tugma ang bilang ng Sandatahang Dahas at AFP para sa mga buwang ito ngayong taon.
Sa hindi pagbanggit sa SONA sa mga bilang na ito na nagpapatunay sa dahas ng estado sa pagsagupa sa mga itinuturing nitong kalaban, pinangangatawanan ni Bongbong ang isang kasinungalingan na nakaugat sa kanyang SONA noong 2025.
Noong isang taon, sa pang-apat niyang SONA, sinabi n’yang, “At sa wakas, wala na ring nalalabing grupong gerilya sa bansa. Titiyakin ng pamahalaan na wala nang mabubuo muli.” Hindi ito totoo noong isang taon, hindi ito totoo ngayon.
Simula pa lamang sa kanyang panunungkulan, naging taktika na ng gobyerno ni Bongbong na lituhin, laktawan, burahin, at ilibing ang mga bilang na hindi tumutugma sa ipinangako niyang Bagong Pilipinas.
Una itong mapapansin sa kung paano nilaro ng gobyerno ni Bongbong ang bilang ng mga pinatay na may kinalaman sa ilegal na droga. Ito ang tinututukan ng isa pa naming monitor, ang Dahas Project.
Sa simula, may nahahagilap pang ilang datos sa mga napapatay ng mga pulis o PDEA sa mga operasyon nito kontra droga.
Pero nang ipinagpilitan ng gobyernong Marcos na iba ang kanyang paraan ng pagtugon sa problema ng ilegal na droga, na ang kanyang ginagawa ay isang “bloodless drug war,” wala nang naging karagdagan sa mga naunang bilang na ito na naisapubliko.
Sa kanyang SONA noong 2024, ipinalunok n’ya sa bansa ang kasinungalingang ito. “On the fight against dangerous drugs, our bloodless war on dangerous drugs adheres, and will continue to adhere, to the established “8 Es” of an effective anti-illegal drugs strategy. Extermination was never one of them.”
Kung hindi lamang sa pag-uulat na ginagawa ng mga mamamahayag sa iba-ibang kabayanan, probinsya, at rehiyon ng bansa, hindi malalaman ng publiko na nagpapatuloy ang patayan dahil sa ilegal na droga. Ang mga ulat na ito ng pagkasawi, na madalas ang tanging pinagkunan ay ang salaysay ng mga pulis sa mga lokalidad na ito, ang sinisinop ng Dahas Project.
Kaya nasabi ng Dahas Project na sa unang taon ng pagkapangulo ni Bongbong, 342 ang napatay sa kanyang giyera kontra droga na ayon sa kanya walang dumadanak na dugo. Sa bilang na ito, 160 ang pinatay ng mga armadong ahente ng estado (karamihan ng pulis, minsan PDEA, minsan kasama ang mga militar). Sa ikalawang taon n’ya, 305 ang napatay, 123 dito ang pinatay ng mga armadong ahente ng estado. Sa ikatlong taon n’ya, 269 ang napatay, 78 dito ang pinatay ng mga armadong ahente ng estado. Sa ikaapat na taon n’ya, 269 ang napatay, 95 dito ang pinatay ng mga armadong ahente ng estado. Wala pang isang buwan sa kanyang ikalimang taon, 13 na ang napatay, 6 dito ang pinatay ng mga armadong ahente ng estado at tumatakbo pa ang bilang. Sa kabuuan, sa ilalim ng gobyerno ni Bongbong, 1,291 na ang napapatay dahil sa ilegal na droga; 462 dito ang pinatay ng mga armadong ahente ng estado.

Hawak ng Dahas Project at ng Sandatahang Dahas ng UP Third World Studies Center ang litanya ng mga kaso ng pagpatay na ang responsable sa nakararami ay ang gobyerno ni Bongbong Marcos. Na ngayong nasa huling dalawang taon na siya ng kanyang termino sadyang hindi na binabanggit sa kanyang paglalarawan sa lagay ng bansa. Siguro umaasa si Bongbong na ang problemang hindi pinag-uusapan, hindi kailangang solusyunan. O sa mas teribleng posibilidad na nakabase sa kasinungalingan: ang problemang hindi na pinag-uusapan, p’wede isiping nasolusyunan na.
Dahil limitado lamang ang Dahas Project at ang Sandatahang Dahas sa pagbibilang, ni hindi nito mailahad kung ilan sa mga kasong ito ng pagpatay ang naimbestigahan, ilan ba ang umabot man lang sa hukuman. Sa paglaktaw at pananahimik ni Bongbong Marcos sa mga pagpatay na ito, tinitiyak sa mga armadong ahente ng gobyerno na ang nakagawian nang dahas maaaring magpatuloy; na ok lang naman ang pumatay kung sila-sila lang ang nakakaalam.
Sa delubyo ng mga krisis na araw-araw kinakaharap ng bansa, wala halos puwang sa atensyon ng publiko ang pagpatay sa mga una nang tinatakan bilang adik, kriminal, subersibo, rebelde, terorista. Ang kakitirang ito ng atensyon ang matagal nang pinagsasamantalahan ng gobyerno ni Bongbong.
Sa ikaapat na taon ng pagkapresidente ni Bongbong, buwan ng Abril, naitala ng Sandatahang Dahas ang pinakamaraming pagpatay na gawa ng mga armadong ahente ng gobyerno, partikular na ng mga militar: 69 sa isang buwan. Sa bilang na ito, 19 ang galing sa Barangay Salamanca, Toboso, Negros Occidental.
Noong Abril 19, 19 na katao ang napatay ng mga militar sa Toboso. Sampu dito ang kinilala ng Partidong Komunista ng Pilipinas bilang mga kasapi ng NPA. Iginigiit ng militar na ang siyam na iba mga NPA rin at lehitimong engkwentro ang naganap. Sa ulat ng Inquirer, kilala ang siyam na sina “Roel Sabillo, 19, resident of Barangay Tabunac, Toboso; R.J. Nichole Ledesma, 30, community journalist from Bacolod City; Alyssa Alano, councilor, UP Diliman Student Council; Maureen Keil Santuyo, 24, member, National Network of Agrarian Reform Advocates (NNARA-Youth); Errol Wendel, 24, member, Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura; Jemina Gumadlas, 15, resident of Sitio Plarending, Barangay Salamanca, Toboso; Lyle Prijoles, 40, of the International Coalition for Human Rights in the Philippines, from San Francisco, California, USA; Kai Sorem, 26, from Seattle, Washington, USA; Dexter Patajo, 17, Sitio Buklog, Barangay Lalong, Calatrava, Negros Occidental.”
Tinutunggali ng maraming sektor ang salaysay na ito ng mga militar at patuloy ang panawagan para sa isang patas, malaliman, at makatotohanang imbestigasyon. Abril 26 nang nangako ang Commission on Human Rights na isasagawa ito pero hanggang sa ngayon wala pang sinasapublikong resulta ang nasabing imbestigasyon.
Noong Mayo, sa pangunang pagsusuri na ginawa ni Dr. Raquel Fortun sa ilan sa mga bangkay, napag-alaman na ang isa dito na sinabi ng mga militar na si Errol Wendel Chen ay hindi siya. Patuloy na nanawagan ang ina at kapatid ni Errol Wendel na ibalik sa kanila ang bangkay nito.
Makapangyarihan ang pananahimik ni Bongbong Marcos sa kanyang SONA. Winawala, pinaglalaho ng pananahimik na ito ang mga biktima ng kanyang rehimen. Tinatago nito ang mga anak sa mga naghahanap nilang ina. Ipinagkakait nito ang katahimikan at katarungan sa mga biktima. Binubura nito ang kasaysayan ng dahas na una nang sinulat sa dugo ng kanyang sariling kamay.
[Si Joel F. Ariate Jr. ay university researcher ng Third World Studies Center (TWSC), College of Social Sciences and Philosophy, University of the Philippines Diliman. Pinangungunahan niya ang Dahas Project at Sandatahang Dahas. Kung gustong masundan ang lingguhan at buwanang bilang na nilalabas ng Dahas Project at Sandatahang Dahas, sundan ito sa X (dating Twitter), sa Instagram, sa Threads, at sa Bluesky. Nilalabas rin ang mga bilang na ito sa official Facebook Page ng TWSC. Para sa dagdag na impormasyon, pumunta sa website ng Dahas Project at Sandatahang Dahas. Katuwang sa pagbuo ng sanaysay na ito ang mga mananaliksik ng TWSC na sina Miguel Reyes, Elle Raymundo, Arrianne Fajardo, at Jules Politico.]