Skip to content
post thumbnail

Bersyon sa Tagalog: Pormal na imbestigasyon ng drug war ni Duterte hiniling sa ICC

Isang araw bago nagretiro si International Criminal Court Prosecutor Fatou Bensouda noong Hunyo 15, inilabas niya sa publiko ang resulta ng preliminary examination na ginawa ng kanyang opisina simula Pebrero 2018 tungkol sa sitwasyon sa Pilipinas kaugnay ng War on Drugs (WoD) sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Duterte at humingi siya ng pahintulot sa ICC Pre-Trial Chamber na ipagpatuloy ang imbestigasyon.

By VERA Files

Jun 17, 2021

-minute read

Share This Article

:

ICC Prosecutor Fatou Bensouda


Isang araw bago nagretiro si International Criminal Court Prosecutor Fatou Bensouda noong Hunyo 15, inilabas niya sa publiko ang resulta ng preliminary examination na ginawa ng kanyang opisina simula Pebrero 2018 tungkol sa sitwasyon sa Pilipinas kaugnay ng War on Drugs (WoD) sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Duterte at humingi siya ng pahintulot sa ICC Pre-Trial Chamber na ipagpatuloy ang imbestigasyon.

Sinabi ni Bensouda na kapag pumayag ang Pre-Trial Chamber, ang bagong prosecutor na si Karim Asad Ahmad Khan ang magpapatuloy sa imbestigasyon.

Narito ang pahayag ni Bensouda na isinalin ng ICC sa wikang Filipino:

Ngayong araw na ito,ipinapahayag ko na ang paunang pagsusuri sa sitwasyon ng Republika ng Pilipinas (“Pilipinas”) ay natapos na at ako ay humiling ng panghukumang pahintulot na umpisahan ang imbestigasyon.

Gaya ng aking ipinahayag noong Disyembre 2019, sa taunang sesyon ng Kapulungan ng mga Kapartidong mga State (Assembly of States Parties), bago matapos ang aking panunungkulan bilang Taga-usig ng Internasyonal na Korte ng mga Kriminal (“ICC” o “Korte”), layunin kong makamit ang mga kapasyahan sa lahat ng mga sitwasyon na sumailalim sa paunang pagsusuri sa panahon ng aking panunungkulan, hanggang sa aking makakaya alinsunod sa aking mga obligasyon sa ilalim ng Batas ng Roma (Rome Statute – “Batas”). Sa pahayag na iyon, ipinahiwatig ko rin ang mataas na posibilidad na ang ilang mga paunang pagsusuri ay hahantong sa yugto ng pag-iimbestiga.

Ang sitwasyon sa Pilipinas ay sumailalim sa paunang pagsusuri mula noong ika-8 ng Pebrero 2018. Sa panahong iyon, naging abala ang aking Tanggapan sa pagsusuri ng maraming mga impormasyong ipinalabas sa publiko at mga impormasyong ibinigay sa amin sa ilalim ng artikulo 15 ng Batas ng Roma. Batay sa trabahong iyon, napagpasyahan ko na may makatuwirang batayan upang paniwalaan na may nagawang krimen na pagpatay laban sa sangkatauhan (crime against humanity of murder) sa teritoryo ng Pilipinas sa pagitan ng ika-1 ng Hulyo 2016 at ika-16 ng Marso 2019 sa konteksto ng kampanya ng Pamahalaanng Pilipinas na “giyera laban sa droga”. Ang Tanggapan ay walang pagkiling sa anumang mga panloob na patakaran at inisyatiba ng pamahalaan na naglalayong harapin ang produksyon, pamamahagi at pagkonsumo ng mga psychoactive substance sa loob ng parametro ng batas at kaparaanan ng batas (due process of law), at sa kasalukuyang kaso, ito ay marapat na kumukilos nang mahigpit na naaayon sa tiyak at malinaw na tinukoy na mandato at mga obligasyon sa ilalim ng Batas. Kasunod ng masusing proseso ng paunang pagsusuri, ang nakukuhang impormasyon ay nagpapahiwatig na ang mga miyembro ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas (Philippine National Police), at iba pang mga kaisa nila sa ganitong gawain, ay labag sa batas na pumatay ng mga libo-libo hanggang sampu-sampong libong mga mamamayan noong panahon na iyon. Ang aking Tanggapan ay nagsuri din ng impormasyon na may kinalaman sa mga alegasyon ng torture at iba pang di-makataong mga gawain, at mga kaugnay na mga pangyayari noon pa mang ika-1 ng Nobyembre 2011, ang pagsisimula ng hurisdiksyon ng Korte sa Pilipinas, na lahat ay pinaniniwalaan naming kailangang imbestigahan.

Batid namin na masalimuot ang mga hamon sa operasyon na haharapin ng Tanggapan kung pahihintulutan ng Kamara Bago ang Paglilitis ang isang imbestigasyon, gumagawa rin kami ng ilang mga hakbang upang mangalap at mag-preserba ng ebidensya, bilang paghahandasa posibleng imbestigasyon. Ang mga hakbang na ito ay isinagawa nang hindi lumalabas sa saklaw ng kapangyarihan sa batas na ipinagkaloob ng Batas ng Roma sa Taga-usig sa yugto ng paunang pagsusuri, at kung naaangkop, humingi kami at nakakuha ng pahintulot ng hurisdiksyon upang gawin ito. Sa katunayan, sa mga nakaraang taon ang mga Kamara Bago ang Paglilitis ng Korte ay dumadalas ang pagbibigay-diin sa kahalagahan ng paggamit sa buong saklaw ng mga kapangyarihan na makukuha ng Korte bago ang pagsisimula ng imbestigasyon upang ma-preserba ang ebidensya at ma-protektahan ang mga tao na maaaring nanganganib. Masigasig kaming kumilos nang naaayon sa panghukumang patnubay na ito.

Nang marating ang pagpapasyang ito at maipatupad ang mga hakbang na ito, na ang ilan ay naantala sa pagdating ng pandaigdigang pandemya, noong ika-12 ng Abril 2021, ipinabatid ko sa tanggapan ng Pangulo ang aking layunin na maghain ng kahilingan alinsunod sa artikulo 15 ng Batas, na aking sinimulang ihain noong ika-24 ng Mayo 2021. Ngayon ay naghain ako ng pampublikong itinamang bersyon ng kahilingan, para sa interes ng pagiging bukas (transparent) at magbigay din ng abiso sa mga biktima na nakinita sa patakaran 50(1) ng mga Patakaran ng Pamamaraan at Ebidensya ng Korte.

Bagaman ang pag-alis ng Pilipinas sa Batas ng Roma ng ICC ay nagkabisa noongika-17 ng Marso 2019, gaya ng naunang napag-alaman ng Korte sa konteksto ng sitwasyonngBurundi, mananatiling may hurisdisyon ang Korte sa mga krimen na diumano’y nangyari sa teritoryo ng State sa panahon na ito ay Kapartidong State sa Batas ng Roma. Bukod pa rito, ang mga krimen na ito ay hindi napapailalim sa anumang batas ng limitasyon (statute of limitation).

Ang aking panunungkulan bilang Taga-usig ay magtatapos na. Anumang pinahintulutang imbestigasyon sa Pilipinas ay ipapasa sa aking kahalili, si Mr Karim Khan, upang ipagpatuloy ito. Sa kontekstong ito, sa ilalim ng kanyang pamumuno, malinaw na sa pagtatakda ng Tanggapan ng mga uunahin kaugnay ng imbestigasyong ito ay kailangan nitongisaalang-alang ang mga hamon sa operasyon na nagmumula sa patuloy na pandemya, sa mga matitinding limitasyon sa magagamit na mga rekurso ng ICC, at sa kasalukuyang mabibigat na trabahong tinanggap ng Tanggapan. Sa katunayan, ang mga konsiderasyong ito ay mahalagang bahagi ng mga talakayan namin ng aking kahalili, na may paggalang sa transisyon at pagpapasa ng trabaho ng Tanggapan.

Gaya ng ipinahayag ko nang maraming beses na, ang Korte ngayon ay nasa sangang-daan ng ilang magkakasabay na mga sitwasyon, kung saan ang basehan ng pagpapatuloy ay ayon sa batas at malinaw na katotohanan, ngunit ang kakayahan sa operasyon na gawin ito ay lubhang kulang. Ito ay sitwasyon na nangangailangan hindi lamang ng kaalamangmag-prayoridad ng Tanggapan, na lagi namang isinasagawa, kundi nangangailangan din ng bukas at prankang mga talakayan sa Kapulungan ng mga Kapartidong mga State, at sa iba pang mga stakeholder sa sistema ng Batas ng Roma, tungkol sa tunay na mga pangangailangan sa rekurso ng Korte na magbibigay-daan upang mabisa nitong maipatupad ang mandato nito sa batas. May malalang di-pagkakatugma sa mga sitwasyon kung saan ang Batas ng Roma ay humihingi ng aksyon sa Taga-usig at sa mga rekurso na makukuha ng Tanggapan. Dahil nalalapit na ang pagwawakas ng aking panunungkulan, nais kong ulitin ang aking panawagan para sa mas malawak na paglilimi sa stratehiya at operasyon sa mga pangangailangan ng institusyon at ang nilalayon nitong makamit — sa madaling salita, isang matapat na pagninilay sa ating kolektibong responsibilidad sa ilalim ng Batas ng Roma upang labanan ang kawalang kaparusahan para sa mga krimen ng kalupitan, alang-alang sa mga biktima ng ganitong mga malalang krimen.

Kahilingan para sa pahintulot sa imbestigasyon alinsunod sa artikulo 15(3)

Ang Tanggapan ng Taga-usig ng ICC ay nagsasagawa ng malaya at walang kinikilingang paunang pagsusuri, mga imbestigasyon at mga pag-uusig sa krimen ng pagpatay ng lahi, mga krimen laban sa sangkatauhan, mga krimen sa giyera at krimen ng pananalakay. Mula noong 2003, ang Tanggapan ay nagsasagawa ng mga imbestigasyon sa maraming mga sitwasyon sa loob ng hurisdiksyon ng ICC, gaya ng Uganda; ang Demokratikong Republika ng Congo; Darfur, Sudan; ang Republika ng Gitnang Aprika (dalawang magkakaibang sitwasyon); Kenya; Libya; Republika ng Baybaying Garing; Mali; Georgia; Burundi; Bangladesh/Myanmar; Afghanistan (napapailalim sa isang nakabinbing artikulo 18 na kahilingan sa pagpapaliban) at Palestine. Kasalukuyan ding nagsasagawa ang Tanggapan ng mga paunang pagsusuri na nauugnay sa mga sitwasyon sa Bolivia; Colombia; Guinea; Venezuela I at Venezuela II; at nakumpleto ang mga paunang pagsusuri nito sa mga sitwasyon sa Ukraine at Nigeria, na nakabinbin ang mga kahilingang mabigyan ng pahintulot na magpatuloy sa pag-iimbestiga.

Para sa karagdagang mga detalye sa “mga paunang pagsusuri” at “mga sitwasyon at mga kaso” sa harap ng Korte, mag-click dito, at dito.

Pinagmulan: Tanggapan ng Taga-usig |OTPNewsDesk@icc-cpi.int

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.